PAGKATAPOS niyang mag-asikaso ay pumasok na siya ng kwarto para magpalit ng damit. Hindi niya tinapunan ng tingin si Alaric na alam niya na nagtataka.
Mabilis siyang naligo at nagbihis bago nahiga ng kama. Gusto niya sanang lumabas para manood ng TV pero hindi na lang niya ginawa dahil naroon si Alaric.
Hindi nagtagal ay tumayo siya at lumabas para uminom ng tubig. Nagulat pa siya dahil nakita niya na umiinom si Alaric ng tubig. Muntik na siyang mapanganga nang makita ang pag-alon ng lalamunan nito. Daig pa ang nasa isang commercial ng tubig! Ang hot tingnan!
Agad na iwinaksi niya ang naisip. Ano ba naman 'yan, Pamela! Iyan ka na naman! Kung may kamay lang ang isip niya ay tiyak na nasabunutan na siya.
Nang ibaba ni Alaric ang baso ay dumako ang tingin nito sa kanya. Gusto man niyang iiwas ang mga mata ay huli na dahil nakita na nito na nakatingin siya rito. Kunwari ay walang pakialam na kumuha siya ng tubig kahit ang totoo ay namamawis siya dahil sa nakita niya kanina lang.
Natigil siya sa pagsalin ng tubig sa baso nang mapansin na nakatayo lang si Alaric malapit sa kanya habang may matiim na tingin ang mga mata nito. Hindi niya gusto ang klase ng tingin na binibigay nito. Parang.... parang.... parang nakaaakit?
Wala sa sarili na uminom siya ng tubig kaya naman nabasa ang damit niya. Mahina siyang napamura. 'King ina naman!
"Pam, are you okay?" Nag-aalala na lumapit si Alaric sa kanya at sinapo ang mukha niya gamit ang isang kamay.
"A-Ayos lang ako," utal na sambit niya na tila wala sa sarili. Mas lalong namula ang mukha niya dahil nakayuko si Alaric sa kanya at siya naman ay nakatingala.
Nang ma-realize kung gaano kalapit ang mga mukha nila sa isa't isa ay nagmamadali na lumayo siya at dumistansya rito. Napalunok siya dahil kahit malayo na siya rito ay nanunuot pa rin sa ilong niya ang mabangong hininga nito.
Humawak siya sa batok at pilit na ngumiti para pagtakpan ang pagkailang. "A-Ayos lang talaga ako. Naiinitan lang nang kaunti," dahilan pa niya. Tumango si Alaric sa kanya.
Lalakad na sana siya pabalik ng kwarto nang magsalita si Alaric. "Baka gusto mo ako samahan na manood ng TV? 'Wag kang magkulong sa kwarto kung naiinitan ka."
Dahil nakatalikod siya rito ay hindi nito nakita kung paano siya napapikit. Ano ngayon ang idadahilan niya? Alangan sabihin niya na gusto niya na magkulong sa kwarto kasi iniiwasan niya ito at hindi talaga siya naiinitan. Pero syempre, hindi niya pwedeng isatinig iyon.
Humarap siya rito nang may ngiti sa labi. "Alam mo, tama ka. Mainit nga sa kwarto kaya rito na muna ako."
Nakita niya kung paano sumilay ang ngiti sa labi ni Alaric na para bang natuwa sa sagot niya.
Kahit na bagong ligo siya ay pakiramdam niya ay naiinitan na naman siya dahil sa hindi nagkakalayo ang distansya nilang dalawa. Nakaupo sila ni Alaric sa sofa habang nakaharap sa TV niya na hindi kalakihan.
Imbis na sa TV, ang atensyon niya'y nasa katabi niya. Gustong-gusto na lumingon ng mga mata niya sa katabi pero todo kurot siya sa sarili para pigilin ang paglingon, mahirap na, baka mahuli pa siya.
Ang bango! Kahit na hindi sila magkadikit ay amoy niya kung gaano ito kabango. Napailing na lang siya. Hindi talaga niya maloloko ang sarili niya. Kahit ano ang gawin niya na pag-iwas o pagtanggi sa sarili ay alam niya na hindi basta maaalis sa sarili ang pagkabaliw niya rito.
Dahil sa hindi na siya nakatiis ay lumingon siya kay Alaric. Mula sa perpektong hugis ng panga, magandang pangangatawan, magulong buhok, lakas ng dating, at gwapong mukha, kahit sino ay mapanganganga — katulad niya ngayon.