"ALARIC, naman! May sakit lang ako pero hindi naman ako baldado!"
Hindi niya alam kung maiinis o matatawa ba siya. Paano ba naman ay pati sa pagkain ay sinusubuan pa siya nito. Kaya naman niyang igalaw ang mga kamay niya. Over acting lang talaga ito simula nang magkasakit siya.
"Just eat, Pam. Para gumaling ka agad at makapasok sa trabaho mo. Sabagay, ayos lang naman sa akin kahit hindi ka na magtrabaho. Mas mabuti kung ako na lang ang trabahuhin mo— Ouch!"
Piningot niya ito sa tainga. "Manahimik ka. Trabahuhin ka r'yan!" nakairap na wika niya. Hindi kasi siya pumasok ngayong araw dahil nagkasakit siya. Hindi talaga pumayag si Alaric na hindi siya subuan kaya naman ito siya ngayon, nakatingin nang diretso sa gwapong mukha nito habang sinusubuan siya.
"Baka naman matunaw ako niyan, Pam."
Napangiti siya sa tinuran ni Alaric. "Ano ka? Ice cream?" tanong niya habang hindi pa rin inaalis ang tingin dito.
Gumuhit ang ngiti sa labi ni Alaric at katulad niya ay hindi rin nito inaalis ang tingin sa kanya. "Oo, ice cream mo."
Kaloka naman itong lalaki na ito. May sakit na nga siya, nakukuha pa siya nitong landiin.
Na gustong-gusto mo naman! basag ng utak niya sa kanya.
"Ang galing mo naman mag-alaga, Alaric. Magaling na agad ako. Dapat pala ay nag-doktor ka na rin," biro niya rito. Wala na kasi siyang lagnat at maayos na rin ang pakiramdam niya na para bang hindi nanggaling sa sakit.
"That's what I'm telling you, Pam. Pag-aalaga pa lang 'yon, wala pa ngang kasamang injection," nakangisi na tugon nito habang nagtataas-baba ang dalawang kilay na nakatingin sa kanya.
Natawa na lang siya sa sinabi nito. "Injection mo mukha mo. Baka kaya nga ako nagkasakit dahil sa kai-injection mo sa akin. Na-virus mo yata ako kaya nagkasakit ako. Dapat siguro, 'wag mo na akong injection-an." Malakas siyang natawa nang makita kung paano ito namutla.
"P-Pam, naman. 'Wag ka namang ganyan," napalulunok na sambit ni Alaric.
Hindi siya nagsalita at tumingin lang sa gwapo nitong mukha. Hindi nagtagal ay hinawakan na niya ang mukha nito at nilapat ang labi sa labi nito na tila ba naghihintay lang sa labi niya. Rinig niya ang bahagyang paglunok ni Alaric bago gumanti ng halik sa kanya. Naging malalim ang halikan nilang dalawa na para bang ninanamnam nilang pareho ang labi ng isa't isa.
Humiwalay si Alaric sa kanya. "Stop kissing me, Pam. Baka hindi ko mapigilan ang sarili ko. Kagagaling mo lang sa sakit kaya nagpipigil ako ngayon," tila hirap na hirap na wika ni Alaric sa pagitan ng halikan nila.
Nakangiti na tumango siya. "Okay."
Tumitig nang seryoso ang mukha ni Alaric sa kanya. "Pam."
Kumunot ang noo niya. "Hmm?" Kita niya sa mukha nito na tila may gusto itong sabihin sa kanya.
Lumunok ito at nag-iwa ng tingin. "Never mind. Ubusin mo 'to para makainom ka na ng gamot."
Hindi na lang siya nagsalita kahit gusto niyang magtanong dito kung ano ba ang gusto nitong sabihin. Ano nga ba?
Pagkatapos nilang kumain ay hinatid siya ni Alaric sa kwarto at lumabas din agad para linisin ang pinagkainan nila. Agad na kinuha niya ang phone nang mag-ring iyon.
Si Zoren! Hindi niya magawa na i-touch ang answer button. Nakatingin lang siya sa phone niya nang mayroong iba't ibang klaseng pakiramdam sa dibdib. Hindi niya magawa na matuwa sa pagtawag nito. Sobra siyang nakokonsensya dahil pakiramdam niya ay niloko niya ito — na siya namang totoo.