MUGTO ang mga mata niya dahil sa magdamag na pag-iyak. Ngayon tuloy ay nagmamadali siya na naligo para makaalis nang maaga. Gusto niya na mag-window shopping ngayon para maalis man lang sa isip niya ang mga bagay-bagay tungkol kay Alaric.
Muntik na siyang mapatili nang paglabas niya ng kwarto ay nakaabang sa kanya si Alaric na para bang alam na aalis siya nang gano'n kaaga. Agad na iniwas niya ang tingin nang mapansin na nakatingin ito sa kanya nang diretso. Napansin siguro nito ang pamamaga ng mga mata niya.
"Ang aga mo namang nagising, Alaric. May lakad ka?" tanong niya kunwari para maibsan ang pagkailang na nararamdaman niya habang kaharap ito.
"Ikaw ang maaga, Pam. Saan ang lakad mo?" seryoso ang boses na tanong ni Alaric.
Tumikhim siya at pilit na ngumiti na tumingin dito pero saglit lang 'yon at agad na umiwas na naman siya ng tingin. "Makikipagkita lang ako sa katrabaho ko. Hmm, sige, una na ako."
Nagmamadali na nilagpasan niya ito. Nakahinga siya nang maluwag nang tuluyan na makalayo. Mabuti na lang at natiis niya na 'wag itong lingunin kahit ang mga mata niya ay bibigay na kanina.
Sumakay lang siya ng tricycle papunta ng mall. Pagkarating niya ro'n ay inabala niya ang sarili sa pagkain ng ice cream at ng kung ano-ano pa. Bumili rin siya ng isang kulay pink na ipit sa buhok.
Malakas siyang napa-aray nang mabangga sa isang tao.
"My God! Pwede ba na tumingin ka sa dinaraanan mo?!" inis na bulyaw ng babae sa kanya.
Pumunta siya ng mall para magpawala ng stress tapos makikita niya ang babaeng ito? Pakiramdam niya tuloy ay napuno ng malas ang araw niya. Ito lang naman ang babae na nakita niya na kahalikan ni Alaric noon!
Maging ito ay halata na nagulat nang makita siya. Hindi siya nakapagsalita agad dahil sa gulat nang hilahin siya nito sa kamay.
"Hoy, ano ba! Hindi tayo close, 'no!" sabi niya nang makabawi sa pagkabigla.
Umirap ito at binitiwan na siya. "Tumahimik ka nga! Ang ingay mo naman!" inis na pakli nito habang umiikot pa ang mata. Ang arte, ha! Dukutin kaya niya ang mata nito?
Maging siya ay gumanti ng irap dito. "Bakit ba kasi bigla ka na lang nanghihila?"
Bumuntong-hininga ang babae. Nawala ang masungit na awra na bumabalot dito na ikinataka niya. "I have a lot of things that I want to tell you, Pamela—"
"Wait, kilala mo ako?" hindi makapaniwalang tanong niya. Ayos din. Kilala siya ng babae ng asawa niya.
Tumango ang babae. "Yes. Kilala kita, Pamela." Bumuntong-hininga na naman ito. "Gusto ko lang humingi ng sorry sayo. Alam ko naman na minsan ay nakaiinis ang ugali ko. Pero maniwala ka, ginawa ko lang ang utos sa akin. Walang kasalanan ang asawa mo—"
Tinaas niya ang dalawang kamay para patigilin ito. "Pwede ba? 'Wag mo na siyang pagtakpan. Nakipaghalikan siya sayo—"
"Iba ang nakipaghalikan sa hinalikan, Pamela," putol nito. "I kissed him that day and he didn't kiss me back. See the difference?"
Tumingin siya rito nang may pagtataka. Hindi niya alam kung bakit ito nagpapaliwanag sa kanya ngayon. Ilang taon na rin naman ang lumipas kaya para saan pa, 'di ba?
Hindi raw gumanti ng halik si Alaric. Shocks! Nakaramdam tuloy siya ng tuwa.
"Bakit nga pala nagpapaliwanag ka ngayon? Saka sino ang nag-utos sayo?" puno ng pagtataka na tanong niya. "Si Alden ba?" Ito lang kasi ang tao na naisip niya na gagawa n'on.