BUMUGA muna siya ng hangin habang tinitipa ang message niya para kay Zoren.
'Mag-usap tayo sa bahay mo.' 'Yon ang pinadala niyang message kay Zoren. Alam niya na pabalik na ito. Hindi ito pwede na pumunta sa bahay niya dahil magkikita ito at si Alaric. Saka na lang niya sasabihin kay Alaric na nakipaghiwalay na siya kay Zoren kapag nakausap na niya si Zoren.
Wala siyang pasok ngayon sa trabaho at hindi alam iyon ni Alaric. Alam niya kasi na hindi siya papayagan ni Alaric na magpunta sa bahay ni Zoren o makausap man lang ito.
Hinintay niya muna na umalis ang sasakyan ni Alaric bago siya umalis sa pinagtataguan niya. Hinihintay kasi siya nito na makapasok muna bago tuluyang umalis. Agad na pumara siya ng tricycle para magpahatid sa dapat niyang puntahan.
Agad na nagbayad siya sa tricycle nang huminto iyon sa malaking bahay ni Zoren. Nang makilala siya ng kasambahay ni Zoren ay agad siya nitong pinapasok nang walang salita. Kilala na kasi siya ng mga ito. Ilang beses na siyang nakapunta sa bahay ni Zoren at syempre ay si Zoren din ang nag-alaga sa kanya nang mga panahon na na-comatose siya kaya halos lahat ng kasambahay ay kilala siya.
Natigil siya sa paglalakad nang mapansin ang isang box na may laman na iba't ibang basura. Kumunot ang noo niya nang mapansin na may isang mamahaling cellphone na kasama sa mga iyon. Mukhang wala naman itong basag kahit old model na. Dala ng kuryusidad ay lumapit siya sa karton.
"Ay, Ma'am, marumi na po iyan," magalang na sabi ng kasambahay sa kanya.
Ngumiti lang siya rito. "Bakit itatapon ito? Sira na?" taka na tanong niya.
"Utos po kasi, Ma'am. Ang bilin ni Doc ay itapon lahat ng 'yan. Sandali lang po, Ma'am, at hahandaan ko kayo ng meryenda." Agad na tumalikod ang kasambahay para magpunta ng kusina.
Tumatango-tango na lang siya. Ang mayaman nga naman, walang panghihinayang magtapon ng mga gamit. Kung sa kanilang mahihirap ay ipapaayos pa nila ang mga gamit nilang nasira.
Kumunot ang noo niya nang marinig na tumunog ang cellphone na nasa karton. Tama nga siya, hindi iyon sira. Hindi kaya namali ng tapon ang kasambahay ni Zoren?
Dahil sa naisip ay dali-dali niyang dinampot ang cellphone. Muntik pa niyang mabitiwan ang cellphone nang mag-ring iyon, at dahil sa pagkataranta ay napindot niya ang answer button nito at na-loud speaker pa.
"Mabuti naman at sinagot mo ang tawag ko! I've been calling you for a month, jerk—"
Awang ang labi na pinatay niya agad ang tawag. Hindi makapaniwala na tumingin siya sa hawak na cellphone. Hindi siya pwedeng magkamali! Ang boses na narinig niya ay boses ng nag-iisang kapatid niya! Boses ng Ate Kyle niya!
Umiling siya. Imposible ang iniisip mo, Pamela!
Tama. Imposible talaga. Dahil kung magkakilala ang mga ito ay sigurado na nabanggit na sa kanya iyon ni Zoren. Baka kaboses lang ng kapatid niya ang babae na tumawag.
Lalong nangunot ang noo niya nang mapansin na siya ang wallpaper ng cellphone. Ngayon lang niya napansin iyon. Sa pagkakatanda niya ay suot niya ang pink na cocktail dress na ito nang una siyang magpunta ng party kasama si Vera! Paano nagkaroon ng picture niya si Zoren nang ganito? Halata na stolen shot ito base sa kuha.
Nagsimulang kainin ng kaba ang dibdib niya. Dahil walang password ang cellphone ay nagpunta siya sa messages ng cellphone at gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata niya sa messages na nabasa niya.
Ang akala niya na wrong sent text messages sa kanya noon ay galing lahat sa iisang tao. Kay Zoren!
Kung gano'n ay si Zoren ang palaging nagpapadala ng text messages sa kanya! Pati ang photos sa gallery ay siya rin ang mga laman, at napakarami n'on!