48.

59 2 0
                                    

WALANG buhay ang mga mata na nakatingin siya sa kawalan. Nang magising siya ay walang Alaric na sumalubong ng halik at yakap sa kanya. Wala na ang asawa niya na ipagluluto siya ng almusal tuwing umaga. Wala na ito para ihatid siya sa trabaho.

Nagsimula na namang manlabo ang mga mata niya dahil sa luha. Hanggang sa ang mahinang pag-iyak ay nauwi na sa hagulhol. Hindi niya mapigilan ang alalahanin ang lahat ng pinagsamahan nila. Sa iilang buwan na magkasama sila ay puno 'yon ng mga masayang alaala nila. Kaya kahit saan siya tumingin ay si Alaric ang nakikita niya.

Tumayo siya at pinilit ang sarili na kumuha ng sliced bread at magtimpla ng gatas, pero nang kumain siya ay iniluwa niya agad iyon dahil wala siyang panlasa. Wala siyang gana...

Ilang minuto bago niya napakalma ang sarili mula sa pag-iyak. Kailangan niyang pumasok sa trabaho. Hindi niya pwedeng hayaan na maapektuhan ang trabaho niya nang dahil sa nangyari sa kanila ni Alaric.

Kung dati ay hindi siya naglalagay ng makapal na make-up sa mukha, iba ngayon. Hindi niya gusto na mahalata ng mga katrabaho niya ang mga namamaga at nanlalalim na mga mata niya.

Habang nakasakay sa tricycle ay marami ang mga bagay na tumatakbo sa utak niya. Masaya ba ang walang hiya na kapatid niya dahil nangyari na ang gusto nito? Masaya ba ang anak ng mga ito dahil makakasama na niya ang ama nito? Si Alaric? Masaya ba ito?

Agad na pinahid niya ang luha nang tumulo iyon nang maalala si Alaric. Agad na bumaba siya ng tricycle matapos magbayad nang makarating sa tapat ng gate. Pero hindi pa siya tuluyang nakapapasok ay napahawak siya sa kaniyang ulo nang sumidhi ang kirot do'n.

"Mrs. Martin, ayos ka lang ba?" tanong ng isa sa mga katrabaho niya. Narito sila ngayon sa canteen dahil tanghalian na.

Pilit na ngumiti siya rito at saka tumango. "Ayos lang ako."

Muli niyang ibinalik ang mata sa pagkain na nasa harapan na hanggang ngayon ay wala pa ring bawas. Uminom siya ng tubig at saka tumayo pero agad ring napahawak sa silya nang makaramdam ng matinding pagkahilo.

"Mrs. Martin!" rinig niyang tawag ng kung sino bago tuluyang mawalan ng malay.



PAGKADILAT niya ay tumambad sa kanya ang puting kisame. Nang ilibot niya ang mga mata ay saka niya napagtanto na nasa maliit na clinic siya ng school. Ang huling natatandaan niya ay nasa canteen siya at biglang nahilo.

Nanlaki ang mga mata niya nang mapatingin sa orasan na nakasabit sa dingding. Shocks! Oras ng pagtuturo niya ngayon!

Nagmamadali siyang umupo pero agad ring napahawak sa sikmura nang tumunog iyon. Naalala niya na hindi pala siya kumain ng almusal at ng tanghalian.

"Mrs. Martin, mabuti at gising ka na." Nakangiting lumapit sa kanya si Doktora Pinky. Sinuklian niya lang ng isang tipid na ngiti ito.

Nagmamadali na hinanap ng mata niya ang flat shoes niya para maisuot. "Salamat sa pag-aasikaso sa akin, Doktora. Pero kailangan ko na kasing bumalik sa pagtuturo—"

Tumingin ang doktora sa kanya nang may kunot sa noo, na para bang hindi makapaniwala sa sinabi niya. Anong mali sa sinabi niya? Anong mali sa sinabi niya na kailangan na niyang bumalik sa pagtatrabaho?

Umupo ang mabait na doktora sa upuan malapit sa kanya. "Easy lang, Mrs. Martin. Isa kang guro... kaya dapat alam mo na hindi dapat nagpapalipas ng kain ang isang buntis."

Umawang ang labi niya sa sinabi nito kaya naman lalong kumunot ang noo ng kaharap niya habang nakatingin sa kanya.

"So, you didn't know?" Sumandal ito sa upuan. "Kalat dito na buntis ka. Pero base sa reaksyon mo ngayon ay bakit parang hindi mo alam iyon? Fake news na naging totoo?" may bahid ng mahinang pagtawa na sabi nito sa huling sinabi.

TRAPPED WITH HIM [R-18]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon