NANG magising siya ay nasa hospital siya. Tinakpan niya ng kamay ang bibig habang umiiyak.
"Your baby is safe for now. Pero sa susunod na duguin ka ulit ay hindi namin masisigurado kung maililigtas pa namin ang anak mo."
'Yon ang sabi ng doktor sa kanya kaya naman hindi niya maiwasan ang makaramdam ng takot. Ngayon ay hindi na siya maaaring pumasok ng trabaho dahil kailangan niyang mag-bed rest para sa ikabubuti nilang mag-ina.
Takot na takot siya. Paano kung pati ang anak niya ay mawala sa kanya? Paano na siya? Tiyak na hindi niya kakayanin ang mabuhay pa. Dahil ito na lang ang dahilan niya ngayon para lumaban.
"Stop crying, Pamela," ani ni Rob. "Narinig mo naman ang sinabi ng doktor, hindi ba? You need to take care of yourself."
Pinahid niya ang luha at pilit na ngumiti rito. "Salamat, Rob." Mabuti at nadala agad siya nito sa ospital kaya ligtas sila ng anak niya.
Pareho silang natigil sa pag-uusap nang makarinig ng katok. Nang bumukas iyon ay bumungad sa kanya ang mukha ng nag-aalala niyang mga kaibigan. Agad na yumakap sa kanya sina Vera, Yuri, at Nikka.
Pinahid ni Yuri ang luha niya. "Salamat naman at ligtas ka."
Pagkagising niya ay nag-message siya sa mga ito. Hindi niya sinabi ang dahilan, ang tanging sinabi niya ay nasa ospital siya. Hindi niya mapigilan ang mapaluha. Mula noon at hanggang ngayon, ang mga ito pa rin ang karamay niya.
Tumikhim si Rob kaya naman natuon dito ang pansin ng tatlo. Nakita niya rin kung paano namilog ang mga mata ni Yuri. "Rob?"
Magkakilala sila? Akmang magtatanong na siya nang magsalita si Rob. "Hello, girls. Long time no see, Yuri."
"Magkakilala kayo?" tanong niya habang nagsasalit-salitan ng tingin sa dalawa.
"Yes," maikling sagot ni Rob. "Girls, kailangang magpahinga ni Pamela kaya kung maaari ay iwanan na muna natin siya para makapagpahinga na siya."
Tumayo ang tatlo at saka nagpaalam sa kanya. Nakangiti na tumango na lang siya sa mga ito dahil ang mga mata niya ay namigat.
Tama si Rob. Kailangan niyang magpahinga.
ISANG linggo na siyang nasa bahay at hindi lumalabas. Ang nag-aasikaso ng mga kailangan niya ay ang mga kaibigan niya at kasama na si Rob sa mga iyon, kaya sobra ang pasasalamat niya sa mga ito.
Nagalit din ang mga ito nang malaman kung bakit siya nasa ospital. Sinabi niya kasi ang dahilan kung bakit siya muntik na naman siyang makunan.
"Bukas, pwede ka nang lumabas, Pamela. Where do you want to go? Shopping?" tanong ni Vera habang binabalatan ang mansanas para sa kanya.
"'Di ka na naman mapakali, 'no? Ikaw lang naman ang may gustong mag-shopping," basag ni Nikka rito.
"Of course not! Nabanggit ni Rob na mamimili dapat sila ni Pamela last week pero hindi na sila natuloy. That's why I'm asking her right now," dahilan ni Vera.
Bumaling ang atensyon nila kay Yuri nang humahangos na pumasok ito. Bakas din ang pag-aalala sa mukha nito nang tumingin sa kanya.
"May problema ba?" Bigla tuloy siyang kinabahan.
May pag-aalangan na ngayon sa mukha ni Yuri. Nahalata naman iyon ni Vera kaya tumayo ito. "W-Wala naman," sagot ni Yuri. "May napanood lang kasi akong hindi maganda sa TV."
Saglit na tumingin si Yuri kina Vera at Nikka. Nakita niya ang pagdaan ng awa sa mga mata ni Yuri pero agad rin 'yong nawala at ngumiti ito sa kanya.