MAY SAMPUNG minuto na siyang naghihintay sa pagbabalik ng dalawa pero hanggang ngayon ay wala pa rin ang mga ito. Bawat usad ng oras ay hindi niya mapigilan ang makaramdam ng takot na baka bigla na lang sumulpot sina Zoren at Kyle sa harapan niya at gawin na ang masamang balak sa anak niya.
Nagmamadali siyang tumayo nang makarinig ng yabag. Nakangiti na lumapit siya sa pinto nang marinig ang pagbukas nito.
"Mabuti at dumating na kayo—" Natigil siya sa pagsasalita nang bumaha ang liwanag sa kwarto. Si Zoren ang nasa harapan niya!
Napaatras siya. Nagsimulang kainin ng takot ang puso niya. Bakit narito ito ngayon? May balak ba ito sa anak niya?
"Bakit para kang nakakita ng multo, Pamela? Kanina lang ay nakangiti ka, tapos ngayon, nakasimangot ka na?"
Lumapit si Zoren sa kanya kaya umatras siya ulit. "A-Anong kailangan mo?" nginig ang boses na tanong niya.
Nilapag ni Zoren ang dalang pagkain sa ibabaw ng kama. May dala pala itong tray ng pagkain. Hindi niya napansin iyon at saka wala rin naman siyang pakialam.
"Dinalhan kita ng pagkain dahil alam kong gutom ka na."
Naikuyom niya ang kamay. Kung mag-alala ito ay parang walang ginawang masama sa kanya. Kaya nga siya narito sa lugar na 'to ay dahil dito.
"Mamaya na ako kakain," sabi niy habang panay ang sulyap sa pinto na bukas.
Mahinang natawa si Zoren. "'Wag mo nang subukan na tumakas, Pamela. Kahit makalabas ka sa pintong 'yan, hindi ka pa rin patatakasin ng mga tao ko sa labas."
Napalunok siya. Alam naman niya ang tungkol sa bagay na 'yon. Pero sa tulong ng dalawang lasenggero, alam niya na may pag-asa siya.
"Eat now, Pamela. I want to see you while you're eating. I remembered when I was watching you every time I had a chance. It's so satisfying. Lalo na kapag naririnig ko ang boses mo sa cellphone, para akong nasa langit." Nakatitig na naman nang kakaiba sa kanya si Zoren. Tingin ng may pagnanasa.
Pinipigilan niya ang mapangiwi, kahit ang totoo ay gusto na niya itong sungalngalin. Dahil sa utos nito, kumain siya at inubos ang dala nitong pagkain, katulad ng gusto nitong mangyari.
Nakahinga siya nang maluwag nang tumayo na si Zoren para umalis. Hindi niya kasi matagalan ang baliw na 'to.
Huminto si Zoren sa paglalakad nang nasa tapat na ito ng pinto. Lumingon ito sa kanya. "Accept the fact, Pamela. You can't escape from me. Kahit ano pa ang gawin mo, sa akin ka pa rin at hindi sa Alaric na 'yon," sabi nito bago tuluyang umalis.
"Baliw talaga," nasabi na lang niya.
Muli na namang bumaha ang kadiliman sa kwarto. Bumuga siya ng hangin. Sana ay dumating na ang dalawang lasinggero para makalabas na siya ng kwartong ito.
"Madam."
Nagmamadali siyang nagtungo sa pinto nang marinig ang pagtawag sa kanya. "Mga kuya, dala niyo na ba?" agad na tanong niya.
"Madam, nagkamali kami ng kuha ng susi," sabi ng isa.
Kumunot ang kanyang noo. Paanong nagkamali ang mga ito? May iba pa bang nakakulong sa ibang kwarto bukod sa kanya?
"Pasensya ka na, Madam. Yung susi sa kabila ang nakuha namin, yung sa bata," paliwanag ni Grigor.
Mas lalong lumalim ang kunot sa noo niya. "Teka, mga kuya, ibig niyo bang sabihin sa akin ay may batang nakakulong sa ibang kwarto kagaya ko?"