MUNTIK siyang mapatalon sa takot nang makarinig ng putok ng baril. Hindi niya alam kung tatakbo ba siya habang karga si Arem o mananatili sa pwesto niya.
Napalunok siya nang makarinig ng magkakasunod na yabag. Pati yata ang kili-kili niya ay namamawis na sa sobrang kaba dahil ang mga yabag ay papalapit sa pwesto niya.
Pumikit siya habang nagdadasal na sana ay 'wag silang makita ng mga tauhan ni Zoren. Gusto man niyang tumakbo ay hindi niya magawa dahil sa takot na marinig ng mga ito ang yabag niya.
Nasa bente minuto na pero wala pa rin sina Grigor at Kanor. Gusto niya nang takbuhin ang daan palabas pero maraming mga tauhan na naroon kaya naman wala siyang pagpipilian kun'di ang hintayin ang dalawa na makuha ang susi.
Nakahinga siya nang maluwag nang makalayo ang yabag sa pwesto niya. Pero para saan ang putok ng baril na narinig niya?
"Hanapin niyo! Malilintikan tayong lahat sa katangahan niyo!" malakas na sigaw ng isang lalaki.
Shocks! Ibig sabihin ay alam na ng mga ito na nakatakas siya sa kwartong pinagkulungan sa kanya! Tiyak na hahanapin siya ng mga ito at hindi malabo na makita siya rito sa kinaroroonan niya ngayon!
Dahan-dahan ang bawat hakbang niya habang binabagtas ang daan papunta ng sasakyan. Nangangalay na ang braso niya dahil kanina pa niya buhat si Arem pero kailangan niyang magtiis.
Pagkarating sa sasakyan ay binuksan niya 'yon para magtago ro'n pero hindi niya mabuksan ang pinto. Nagmamadali na umikot siya para magtago sa likuran ng sasakyan nang marinig ang papalapit na yabag.
"Hindi makakalabas ng lugar na ito ang babaeng 'yon kaya sigurado akong nasa paligid lang siya. Kailangang mahanap natin ang babaeng 'yon bago dumating si Boss." Tinig 'yon ng isang lalaki.
Sobrang lakas ng kabog ng dibdib niya at halos hindi na siya huminga sa sobrang takot na kahit ito ay marinig ng mga ito. Bumuga siya ng hangin nang makalayo na ang mga ito sa pwesto niya.
Shocks! Paano siya makatatakas sa lugar na 'to? Nag-aalala rin siya sa dalawa na baka may masama nang nangyari sa mga ito dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin bumabalik ang mga ito.
Sumandal siya sa gulong ng sasakyan pero agad ring napaayos ng upo at sisigaw sana nang malakas dahil sa sobrang gulat nang pagharap niya ay nasa tapat na niya si Kanor— este si Grigor, ah, basta, isa sa dalawa.
Tinapat ni Kanor ang daliri sa tapat ng labi, senyales na 'wag siyang maingay kaya tumango siya.
Agad na nilibot niya ng tingin ang paligid. "Nasaan si Grigor?" Hindi niya kasi nakita na kasama nito ang kapatid.
Napakamot sa ulo ang kaharap niya. "Si Grigor ako, Madam. Si Kanor, nasa loob pa dahil may kukunin daw siya."
Nakahinga siya nang maluwag. Mabuti naman at ligtas ang dalawa at walang nangyaring masama sa mga ito.
Nakangiti na nilabas ni Grigor ang susi sa bulsa. "Nakuha namin kahit muntik na kaming tamaan ng bala, Madam, hehe."
Kung gano'n ay ang mga ito ang pinaputukan ng baril kanina?
"Buti buhay pa kayo." Nalukot ang mukha ni Grigor. "Ibig kong sabihin, mabuti at nakaligtas kayo," dugtong niya.
"Madam, maliit man kami, mabilis naman kami sa takbuhan," may pagmamalaki na sabi ni Grigor.
Agad na pumasok sila sa loob ng sasakyan. Inihiga niya si Arem. Si Grigor naman ay naupo agad sa driver seat na ikinangiwi niya.
"'Wag mong sabihin na ikaw ang magda-drive?" Kung ito ang magiging driver ay sisipain talaga niya ito palabas.