Chapter Two

570 9 0
                                    

CHAPTER TWO

MALUNGKOT na nakatayo si Maybelle sa deck ng barko. Limang oras pa lamang ang nakalilipas mula nang umalis iyon ng Manila. Ayon sa crew na napagtanungan niya ay magtatagal sila sa laot nang tatlong araw. Napabuntong-hininga siya. Nang mga sandaling iyon ay nakakaramdam na siya ng pagkabagot. Kung bakit naman kasi nagkataong fully book ang mga flights patungo sa Davao. Chance passenger na nga siya sa barko, kamuntik pa siyang hindi umabot. Kung alam lang niyang sa barko pala siya masasakay ay nagpasama na lang sana siya kay Rey. Sa tanang buhay niya, noon lang siya napalayo sa mga magulang. Bigla niyang naisip ang Ate Marriane niya.

Marahil ay ganoon din ang naramdaman nito nang mapalayo ito sa kanila. Naiiling na pinagmasdan niya ang laot. Pawang ang mangasul-ngasul na tubig lamang ang kanyang natatanaw. Pakiwari niya ay walang katapusan ang kanilang paglalakbay dahil hindi niya matanaw ang dulo ng dagat. Ni wala siyang makitang palatandaang may lupa nga ang mundo. Nakaramdam siya ng pagkaliyo kaya naupo siya sa isang bench sa di-kalayuan. Naalala niya si Rey. Kung nasa tabi lamang niya ito ay hindi siya makakaramdam ng kahungkagan. Iyon din marahil ang nagbunsod sa kanya para pumayag na magpakasal dito.

Kunsabagay, mahigit isang taon na rin silang magkasintahan nito. Sa palagay niya ay sapat na iyon para makilala nila ang isa’t isa. Nakilala niya ito sa isang kilalang bangko noong mag-practicum siya. Sa accounting department siya na-assign, kung saan isa ito sa mga accountants. Noong una ay hindi niya ito napapansin. Ngunit nang lumaon, napuna niyang ito ang pinakaguwapo sa mga accountants; idagdag pa ang pagiging ma-PR nito. Ang kaibigan at kapwa niya trainee na si Judith ang may crush dito. Natatawa nga siya rito kapag kinikilig ito sa tuwing nakikita si Rey. Noong minsang mag-overtime siya ay huling-huli niya itong nakatitig sa kanya at tila masusing pinag-aaralan ang bawat galaw niya.

“B-bakit?” nag-iinit ang mukhang tanong niya.

“W-wala. Napansin ko lang kasi na ang ganda mo pala,” titig na titig na sabi nito.

“Salamat.” Napayuko siya. Pakiramdam kasi niya ay napapaso siya sa mga titig nito.

“Ihahatid na kita mamaya. Okay lang ba sa’ yo?”

“Hindi ba nakakahiya sa iyo, Sir?” Nagulat siya sa kanyang naiusal. Hindi niya maintindihan kung bakit mabilis niyang pinaunlakan ang alok nito.

“Ano’ng ‘Sir’? ‘Rey’ na lang. Twenty-eight pa lang naman ako at binata pa.”

“Ehem, I smell something fishy,” tudyo ng isa pang accountant na si Loida. May-edad na ito pero mukha pa ring bata dahil palagi itong nakangiti.

“Pareng Rey, bilisan mo lang, ha? Para naman mamantikaan na ang mga labi namin,” kantiyaw ni Moi.

“Kung mantika lang, marami kami n’on sa bahay,” sabad naman ni Mr. Ramirez na siyang pinakamatanda sa grupo.

Sabay-sabay na tumawa ang mga ito habang siya naman ay namumula na sa hiya. Hindi siya makatingin nang diretso sa mga kasamahan niya.

“Huwag mo silang pansinin. Naiinggit lang ang mga ‘yan,” ani Rey nang marahang pisilin ang nanlalamig niyang kamay.

Magmula noon ay naging regular na niyang panauhin sa bahay si Rey. Mabilis nitong nakasundo ang kanyang mga magulang. Nakapagtapos na siya sa kolehiyo at hindi nagtagal ay mga magulang na niya ang mismong nagtulak sa kanya na sagutin ito. Tumagal pa nang isang taon at anim na buwan ang kanilang relasyon bago nila napagpasyahang magpakasal. Junior accountant na ito at siya naman ay isa nang permanenteng empleyado sa isang insurance company.

“May I join you, Miss?” anang lalaki na nasa tagiliran niya. Naka-sunglasses ito. Naka-cap ng asul, maong na tattered, at naka-T-shirt na puti ito.

Hindi niya namalayan ang paglapit nito sa kanya.

Limutin Man Kita by Isabela BallesterosWhere stories live. Discover now