CHAPTER THREE
“MAMA Sol,” ani Rey sa ina ng kasintahang si Maybelle.
“Hijo, napadalaw ka? Maupo ka muna,” nakangiting salubong nito sa kanya. “Nena, kumuha ka nga ng maiinom ng Kuya Rey mo,” utos nito sa katulong.
“Tumawag na ba si Maybelle sa inyo, Mama?”
“H-hindi pa nga, eh. Yon din ang hinihintay ko dahil kabilin-bilinan ko sa kanya na tumawag lagi o kaya’y mag-text.”
“Baka ho kaya walang signal sa kinaroroonan niya.”
“Maaari,” sang-ayon nito.
Nag-aalala na siya kay Maybelle dahil mula nang umalis ito ay hindi na maalis-alis ang kaba sa dibdib niya.
“Kuya, mag-merienda ka muna,” ani Nena, saka inilapag ang tray na may lamang isang basong juice at sandwich.
“Salamat, Nena.” Kinuha niya ang basong may juice saka uminom. “Nena, anong oras ba nakasakay ang Ate Maybelle mo?” tanong niya nang maalalang ito ang naghatid sa kasintahan niya sa airport.
“Ho, eh, ano...” Tila nabigla ito sa tanong niya.
“Anong ano?” untag niya rito. Ilang beses na kasi siyang tumawag at nag-text kay Maybelle ngunit pulos out of coverage area ang tugon ng voice recording ng cellphone sa kanya. “Hindi ba’t ikaw ang naghatid sa kanya? Sa mga oras na ‘to ay nasa Davao na siya.”
“Ah, eh. Opo, pero ano ho kasi,” hindi magkan-datutong sabi nito na napakamot pa sa ulo. “Si Ate Maybelle naman ho kasi, eh—”
“Bakit si Maybelle?” sabad naman ni Mama Soledad.
“Hindi naman ho siya sumakay sa eroplano. Hindi siya nakakuha ng tiket. Fully book na raw po lahat ng flights papunta sa Davao kaya sa pier na lang po siya nagpahatid.”
“What?!” halos sabay na bulalas nila ni Mama Soledad.
“Ayaw nga ho niyang ipasabi sa inyo. Baka raw madagdagan ang pag-aalala ninyo,” patuloy pa nito.
“Bakit hindi na lang siya umuwi rito at ipinag-pabukas na lang ang pagluwas?” Napatayo siya sa kinauupuang sofa. Gusto niyang magsisi dahil sa hindi niya paghatid kay Maybelle. “Lalo lamang siyang matatagalan sa biyahe.”
“Yan nga rin ang sinabi ko sa kanya pero ayaw hong papigil, eh. Baka raw lalong mag-alala sina Ma’am at Sir kung hindi niya mapuntahan agad si Ate Marriane.” Mukha naman itong nagsasabi ng totoo. Sinunod lamang nito ang nais ni Maybelle.
“Kung alam ko lang, di sana’y dalawa na lang kaming lumuwas.” Nanlulumo siyang napaupong muli sa sofa.
“Hayaan mo na, hijo. Wala naman sigurong masamang mangyayari sa anak ko,” pang-aalo ni Mama Soledad sa kanya. “Ang anak ko talaga, laging padalus-dalos kung magdesisyon,” naiiling na saad nito.
“Ma, aalis na ako,” paalam niya rito saka tumayo. “Babalik na lang ako bukas para makibalita.” Hinalikan pa niya ito sa noo.
“Sige, hijo. Mag-iingat ka,” anito nang ihatid siya sa pinto.
Maghapon siyang hindi mapakali dahil wala pa ring tugon si Maybelle sa mga tawag at text niya rito. Kinagabihan, hindi naman siya dalawin ng antok sa kahihintay pa rin dito. Ni segundo ay hindi ito nawala sa isip niya. Mula nang maging kasintahan niya ito ay noon lamang ito napalayo sa kanya. Hindi kompleto ang araw niya kung hindi niya ito nakakausap o nakikita. Ganoon niya kamahal ito kaya hindi na siya nagpaliguy-ligoy pa nang mag-propose siya ng kasal dito. Sa lahat ng babaeng dumaan sa buhay niya, ito lamang ang sineryoso niya. Dito lamang niya nadama ang tunay na kahulugan ng pag-ibig. Sa pamamagitan nito ay nagkaroon uli siya ng pamilya. Ang kabutihang ipinakita sa kanya ng mga magulang nito ay nakadagdag sa pagmamahal niya rito. Bumangon siya at nagsindi ng sigarilyo. Marinig lang niya ang boses nito, kahit papaano ay mapapanatag na siya. Napabuntong-hininga siya. Naisip niyang kung magtatagal pa ito sa Davao ay baka mabaliw na siya. Isang araw lang niyang hindi makita at makausap ito ay labis na ang pagkabalisa niya. Baka ikamatay niya kapag hindi na ito bumalik sa kanya. Pilit niyang pinalis sa isip ang kaisipang iyon.
YOU ARE READING
Limutin Man Kita by Isabela Ballesteros
General FictionLIMUTIN MAN KITA by Isabela Ballesteros Published by Precious Pages Corporation "Mapalad ako na napadpad sa islang ito na kasama ng isang napakagandang babae. God knows how much I try to control myself, but I can't help it." ©️Isabela Ballesteros Pr...