CHAPTER SEVEN
KAPANA-PANABIK ang bawat paglipas ng mga araw para kay Maybelle. Ilang araw na lang ay isisilang na niya ang kanyang anak. Hindi niya maipaliwanag ang kaligayahan sa tuwing nararamdaman niya ang paggalaw ng sanggol sa kanyang sinapupunan. Pansamantala muna siyang tumigil sa pagtulong sa Ate Marriane niya sa pagma-manage sa grocery na pinagtulungan nilang itayo at palaguin simula nang manirahan sila sa Davao. Gusto niyang mapaghandaang mabuti ang pagsilang niya sa kanyang anak. Hindi siya nahirapan sa pagbubuntis dahil laging nakaalalay ang kanyang kapatid at ina—na tuluyan nang gumaling. Palakad-lakad siya sa kanilang bakuran nang matanaw niya si Melchor. Panganay na kapatid ito ng bayaw niyang si Alex. Ito ang tumutulong at kaagapay nila ng Ate Marriane niya nang nagsisimula pa lang sila sa negosyo. Kinawayan siya nito nang makita siya.
“Good morning, Maybelle,” bati nito nang makalapit sa kanya. “May dala akong gatas ng kalabaw. Mainam ito sa’ yo para maging malusog ang baby mo.”
“Thank you.” Nginitian niya ito.
“Okay lang. Ang Ate Marriane mo?”
“Nagpunta na siya sa grocery. Schedule ng deliveries ngayon.” Alam niyang matagal na itong nanunuyo sa kapatid niya.
“Gano’n ba? Eh, okay lang ba sa’ yo kung sunduin ko siya mamaya?” nahihiyang wika nito.
Natawa siya. “Melchor naman. Kung okay lang kay Ate Marriane, okay lang din sa akin. Bakit kailangan mo pang ipaalam sa akin?”
“A-ayaw ko lang kasing may masabi kayo ng mama mo. Isa pa, kailangan ko ring malaman ang opinyon mo para alam ko kung tama ba itong ginagawa kong panliligaw sa kapatid mo. Mahirap kasi ang sitwasyon namin dahil naging asawa siya ng kapatid ko.”
“Walang problema sa akin, Melchor. Si Ate naman ang magdedesisyon. Kung ano ang gusto niya’y iyon ang masusunod.”
“Kung gano’n ay okay na. Wala na palang problema,” anito saka masayang nagpaalam sa kanya.
May pagtatakang sinundan niya ng tingin si Melchor. Nahiwagaan siya sa huling sinabi nito. Saka lamang niya naunawaan ang lahat nang magtapat ang kapatid niya na may unawaan na ito at si Melchor. May balak na rin palang magpakasal ang dalawa pagkatapos niyang manganak. Natuwa siya para sa kapatid. Alam niyang magiging maligaya ito sa piling ni Melchor.
WALANG pagsidlan ang kaligayahan ni Maybelle habang tangan ang sanggol na babae na pinangalanan niyang “Andrea Jessamine.” Hango ang pangalan nito sa pangalan ng dalawang lalaking may malaking puwang sa kanyang puso, ang ama niyang si Andres at ang pinakamamahal niyang si Jess. “Yna” ang ibinigay niyang palayaw rito. Kahit maliit pa ito ay halata na ang pagkakahawig nito sa ama. Parang kinurot ang puso niya nang maalala si Jess. Naisip niyang baka nakalimutan na siya nito. Hindi man lang ito nag-abala noon na tanungin ang iba pang detalye sa pagkatao niya. Kilalanin kaya nito ang kanyang anak kapag ipinagtapat niya na nagbunga ang kanilang kapusukan? Salamat sa pagdating mo sa buhay ko, anak. Maraming salamat. Pangako, hindi kita pababayaan. En grande ang naging binyag ni Yna dahil isinabay iyon sa kasal ng Ate Marriane niya kay Melchor.
“Ano ngayon ang plano mo sa anak mo?” tanong ng Ate Marriane niya nang matapos ang salu-salo.
“Ano pa nga ba kundi ang palakihin siya nang maayos. Marami akong plano sa kanya, Ate. Ipina-pangako kong matutupad lahat ‘yon. Gagawin ko ang lahat mapabuti lang siya,” seryosong tugon niya. “Maghahanap ako ng trabaho para mapaghandaan ko ang kinabukasan niya.”
“Mabuti ‘yan. And congratulations! Talagang isa ka nang ina,” nakangiting bati nito sa kanya. “Pero maiba ako, wala ka bang balak ipaalam sa lalaking ‘yon na may anak siya sa’ yo?”
“Gustuhin ko man, Ate, pero hindi ko alam kung saang lupalop siya ng Pilipinas hahanapin. Hindi ko alam kung saan siya nakatira. At ang nakakalungkot, hindi ko alam kung ano ang tunay niyang pangalan,” garalgal ang tinig na saad niya.
“I’m sorry, hindi ko sinasadyang ungkatin ang tungkol sa lalaking ‘yon. Concerned lang kasi ako kay Yna.”
“It’s okay. I know you didn’t mean it. Ano kaya kung mag-apply ako ng trabaho sa Davao City, Ate? Ano sa palagay mo?”
“Bakit hindi mo na lang ako tulungan sa pagmamanage sa grocery natin? Malakas naman ang kita natin doon, ah.”
“Alam ko ‘yon kaya lang mas gusto kong magtrabaho muna sa iba. Gusto kong gamitin ang pinag-aralan ko. At isa pa, may asawa ka na. Mahirap naman kung magiging pasanin mo pa rin kami ni Yna. Gusto kong may mapatunayan ako sa sarili ko na kaya ko pa ring mabuhay nang normal sa kabila ng mga nangyari sa akin.”
“Okay. I got your point, pero huwag muna ngayon. Maliit pa ang anak mo. Kailangan mo muna siyang alagaan bago ka maghanap ng trabaho. Sa ngayon, sa ayaw at sa gusto mo’y sa grocery ka muna, ha? Tulungan mo muna akong palaguin ‘yon.”
“Okay, pero hindi kaya nakakahiya sa inyo ni Melchor? Dalawa na kasi kami ni Yna na pasanin n’yo.”
“Ayun. Eh, di lumabas din ang totoong dahilan mo kung bakit gusto mong magtrabaho sa iba. Huwag ka ngang ganyan. Dalawa na nga lang tayong magkapatid, magkakahiyaan pa tayo. Basta, saka ka na lang magtrabaho kapag malaki na si Yna. Okay?”
Tumango siya. Napagtanto niyang tama ito. Kailangan muna niyang pagtuunan ng pansin ang pagpapalaki sa kanyang anak.
YOU ARE READING
Limutin Man Kita by Isabela Ballesteros
Ficção GeralLIMUTIN MAN KITA by Isabela Ballesteros Published by Precious Pages Corporation "Mapalad ako na napadpad sa islang ito na kasama ng isang napakagandang babae. God knows how much I try to control myself, but I can't help it." ©️Isabela Ballesteros Pr...