CHAPTER EIGHT
“MISS de Leon, paki-file mo nga ang folder na ito. Afterwards, puwedeng paki-encode ang mga sales report natin last month,” utos ni Mr. Pablo Corpuz. Branch manager ito ng JERAH, Incorporated sa Davao. “Tapos mo na ba ‘yong order slip?” Halos mahulog ang mga papeles na hawak nito sa pagmamadali.
“Y-yes, Sir,” tugon niya. “Pirma n’yo na lang ho ang kulang.”
“Good.” Dinampot nito ang santambak na folder sa ibabaw ng mesa, saka iyon sinimulang pasadahan ng tingin. “Err, Miss de Leon, paki-follow up mo nga sa bookkeeper natin kung tapos na niya ang summary ng financial report natin nitong mga nakaraang buwan.”
Sa mahigit isang taong paglilingkod niya bilang sekretarya nito sa naturang kompanya ay sanay na siya sa pasikut-sikot ng kanyang trabaho. Sanay na rin siya sa magulong pamamalakad nito. Kung hindi lang mataas magpasahod ang nasabing kompanya ay matagal na siyang nag-resign. Subalit hindi niya magawa dahil kung tutuusin ay mabait naman ito. Sa katunayan ay ito ang takbuhan niya sa tuwing nagkakaproblema siya dahil nabuhay sa katauhan nito ang kanyang ama. Kilalang distributor ng mga signature RTW sa Pilipinas ang JERAH, Incorporated; at isa sa pinakamalaking provincial branches ay ang kanilang branch. Magdadalawang taon pa lamang ang naturang branch. Nakadepende pa rin ito sa mga desisyon sa main office sa Maynila.
“Nasaan na ‘yong mga order slip?” pagkuwa’y tanong nito.
“Nasa yellow folder ho, Sir.”
“Kompleto ba ang mga ito?” Binuklat nito ang yellow folder.
“Oho. Nai-compare ko na rin ho sa original copies.”
“Okay, thank you. Puwede mo nang ituloy ang ginagawa mo.”
Ilang sandali pa lang siyang nakakaupo nang biglang tumunog ang telepono.
“JERAH, Incorporated, good afternoon!” Kahit napapagod ay nilambingan pa rin niya ang pagbati.
“May I speak with Mr. Corpuz, please?” anang baritonong tinig sa kabilang linya.
Hindi pamilyar sa kanya ang tinig nito kaya nagduda siya kung galing sa main office ang tawag na iyon. “May I know who’s on the line, Sir?”
“Tell him its Mr. Hernandez.”
“Mr. Hernandez, one moment, please.” Binalingan niya ang abalang si Mr. Corpuz. “Sir, Mr. Hernandez is on the line. Gusto raw kayong makausap.”
Tila natatarantang inabot nito ang telepono. “Maybelle, you can have your break. It’s three o’ clock already,” paalala pa nito sa kanya.
Napangiti siya rito. Madalas kasi na ito ang nagsasabi sa kanya na lunchtime o coffee break na. Sa kaabalahan niya sa trabaho ay hindi na niya namamalayan ang oras. Nakahinga siya nang maluwag nang makalabas ng opisina ni Mr. Corpuz. Kaagad siyang nagtungo sa comfort room para tawagan si Yna. Alam niyang kanina pa ito naghihintay ng tawag niya.
“Hello, honey? Si Mommy ‘to. Kumusta na ang baby ko?”
“I’m fine, Mommy,” sagot naman nito. “Lola is sleeping. Sabi niya, bantayan ko raw siya.”
Napangiti siya. Bibung-bibo talaga ito. Apat na taon pa lamang ito pero matatas na itong magsalita at madaldal.
“I see. Don’t disturb Lola, ha? Sige na, baby, kiss mo na si Mommy. Babalik na ‘ko sa work ko.” Narinig niya ang tunog ng halik nito sa telepono.
“Ba-bye, Mommy. Don’t forget my donuts, ha? I love you.”
“Of course, honey. I love you, too. Take care. Huwag kang malikot baka magising si Lola.”
YOU ARE READING
Limutin Man Kita by Isabela Ballesteros
Ficción GeneralLIMUTIN MAN KITA by Isabela Ballesteros Published by Precious Pages Corporation "Mapalad ako na napadpad sa islang ito na kasama ng isang napakagandang babae. God knows how much I try to control myself, but I can't help it." ©️Isabela Ballesteros Pr...