CHAPTER 12
Call
"Phoebe..." tawag ni mama.
Tinigil ko ang paglilinis ng banyo at nilapitan siya. "Bakit po?"
May binigay siyang box sa akin at may cellphone na touchscreen ang larawang nakalagay sa kahon noon.
"Kakailanganin mo na 'yan ngayon. Hindi iyan yung mamahalin na cellphone pero pwede kang mag-internet diyan, magtext, at tumawag. Mayroon na ring load 'yan at in-unli ko para tipid." Ngiting ngiti na sabi ni mama.
"P-Po? Mama, hindi ko pa naman po kailangan nito!"
Humawak si mama sa magkabilang braso ko para iharap ako sa kanya. "Natanggap na ako sa graveyard shift na in-apply-an ko. Mapapadalas na rin na wala ako rito sa bahay sa tuwing gabi at natatakot akong iwan ka rito nang mag isa pero ayan... tawagan mo lang ako."
"Natanggap na po kayo? Kailan po yung umpisa ng trabaho niyo roon? Paano po yung trabaho niyo sa school? Hindi po ba mapagod kayo niyan dahil umaga't gabi, mayroon kang trabaho?" Sunud-sunod kong tanong at naupo sa tabi niya.
"Para naman sa atin ito, anak. Lumalaki ka na rin kaya kailangan kong magtabi ng pera para sa'yo. Para kung mawala man ako, may—"
"Mama!" Putol ko agad sa sinasabi niya. "Ano pong sinasabi niyong mawawala? Hindi po mangyayari 'yan! At saka, bata pa po kayo, o! Thirty one pa lang po kayo."
"Hindi rin natin masasabi, anak. Kaya kailangang maging handa tayo para sa hinaharap. Yung natira sa naipon ng papa mo, pang emergency natin iyon. Kapag nagkasakit ka o nagkasakit ako. Ang pag iipunan ko naman ngayon, yung para sa'yo lang."
Sumimangot ako at biglang natakot dahil sa sinabi niya. "Mama naman, parang sinasabi mo pong mawawala ka na talaga."
Ngumiti siya nang maliit at umiling. "Nagiging praktikal lang ako. Ito ang totoong mundo, Phoebe. Hindi mo sigurado kung ano ang mangyayari kinabukasan. Kung may trabaho pa ba ako, kung patuloy ka pa ring mag-aaral sa school mo ngayon o babalik ka ulit ng public school, at kahit yung mga mahal mo sa buhay... hindi mo alam kung paggising mo ay nandyan pa rin sila. Gusto ko lang na maging handa tayo para sa walang kasiguraduhan."
Walang kasiguraduhan... kung nandyan pa ba ang mga mahal ko sa buhay paggising ko. Si mama. Sila Kat, Karim, Gavin, at Donovan. Walang kasiguraduhan pero kailangan pa ring paghandaan para hindi mauwi sa walang wala talaga.
Habang naliligo si mama ay pinakialaman ko na yung phone. Mayroon namang manual na kasama iyon. Hindi ito tulad ng cellphone nila Kat. Maliit lang 'to pero touchscreen at nagagawa naman ang purpose ng isang cellphone—para makatawag at maka-text.
Number lang ni mama ang nasa contacts nitong phone at bukas, tatanungin ko na lang sila Kat ng number nila para kahit sa weekends, pwede pa ring makapag-usap.
Sunod ko namang inayos ay yung Facebook account ko at messenger. Nandito yung group chat para sa section, sa buong grade five, at kapag may mga groupwork. Hindi ako makasabay sa mga ka-grupo ko minsan dahil wala naman akong cellphone at messenger, kaya ang ginagawa ko ay inuumpisahan ko na kaagad yung contribution ko at sa library ako nagre-research bago umuwi. Bukas pa naman ang library kapag dismissal naming mga grade school dahil ang college, umaabot pa ng gabi ang klase nila.
Phoebe Revilla. Iyon ang nilagay kong pangalan ko rito sa Facebook pero dahil hindi pa pwede ang edad kong eleven sa mga ganitong social media, tulad nila Kat ay iniba ko rin ang taon kung kailan ako ipinanganak.
Naghanap pa ako ng magandang pader at dumikit doon bago kumuha ng picture para sa profile picture ko. Mabuti na lang pala at nakaligo na ako!
Nakapilig nang kaunti ang ulo ko sa gilid at yung ngiti ko, hindi kita ang ngipin. Simple lang. Walang posing tulad noong profile picture ni Kat na nasa ibang bansa yata sila at nakapamaywang pa siya habang nasa likod niya ang matatayog na building.
BINABASA MO ANG
When the Beat Drops (Chasing Celestine #2)
RomanceWhat happens when you try to reclaim a love that once burned brighter than the stage lights? Phoebe Celeste Revilla was once the heartbeat of Karim Dain, the electrifying drummer of the renowned rock band, Chasing Celestine. They had a love story th...