"ANO'NG kasalanan ni Maya sa inyo?" nanginging sa galit na sigaw ni Helena, patakbong sinaklolohan ang katulong na nakahandusay sa sahig.
Astounded, walang makakibo o makapagsalita sa limang wrestlers at isang amasona.
"Alisin mo ito!" pasigaw na utos niya sa babaing pulis.
Saka pa lang wari'y natauhan ang mga pulis. Napatingin si Dimaguiba sa detective. Bahagyang tumango ito. Naihilamos ang malaking palad sa mukha.
Nang maalis ang posas sa mga kamay, nahimas ni Helena ang galang-galangan habang pinagyayaman ng isa sa mga pulis si Maya na unti-unti nang binalikan ng malay.
"Ate!?" gulilat na sabi nito. Hintakot na nagpalipat-lipat ang tingin sa mga bakulaw na nakapalibot sa kanilang dalawa.
Nang sabay-sabay silang mapatingin sa kusina. Malakas ang usok na nagmumula doon.
"Ay! Ang piniprito ko. Sunog na!" Napabalikwas ng bangon si Maya, patakbong tinungo ang kusina.
Napasunod ang pito. May humablot sa kurtina at binasa ng tubig, ibinato sa kalan. Nang maapula ang sunog, halos hindi na makilala ang loob ng bahay. Daig pa ang pinagkulungan ng sampung baboy. Wala ang kanyang bagong kurtina.
Tinulungan sila ng mga pulis na malinis kahit paano ang kusina. Out of hospitality, pinagkape na muna ni Helena ang mga ito pagkatapos ay tumayo na siya. "Maraming salamat..." aniya. Ibinukas na niya ang pinto. Sa pinong paraan ay pinaalis na niya ang mga ito.
Tumayo ang apat na pulis at nauna na sa labas. Nagpaiwan si Dimaguiba at ang detective.
"Hindi mo parin nililinaw, Miss, kung bakit ka naroroon sa bakuran ng mga Avancena. You are still a suspect," sabi ni Dimaguiba.
"Suspect?" Tumaas ng ilang bahagdan ang kanyang tinig. Makalaglag-puso ang talim ng tinging ipinukol dito ni Helena. Tunay ngang di magiba ito. She had the tenacity of a bulldog. Hindi liwanan ang buto hanggang may nakakagat pang malambot na bahagi.
Ayaw niyang kausapin ang babae. Bumaling siya sa lalaki. Kahit paano, mas maganda-ganda itong tingnan, hindi maaskad ang mukha kahit medyo malaki na ang baywang nito.
"Captain Olivar, what am I really accused of?" Halos hindi niya maibuka ang mga labi sa pagpipigiling galit.
"Extortion," sabing kapitan.
"Extortion?" Muntik na siyang mabuwal sa kinatatayuan. "As in blackmail?"
"Yes."
Muling nangalisag ang balahibo ni Helena. "You are accusing me of extortion? Sino naman ang kinikilan ko?"
"Si Mr. Avancena," malamig na sabi ni Capt. Olivar, hindi inaalis ang tingin sa mukha ng dalaga.
"Si Troy Avancena? Bakit ko naman gagawin iyon?" Hindi niya malaman kung matatawa siya o mainis. "Seryoso ka ba?"
"Miss, ano sa palagay mo? Nakikipagbiruan kami sa iyo?" Pikon na pikon na si Dimaguiba.
Hindi siya nakakibo. Napatitig siya sa lalaki.
"Dapat mong alalahanin, Miss Castillano, extortion is a serious crime. At tulad ng sabi ni Dimaguiba, suspect ka pa rin hangga't hindi mo nalilinis ang pangalan mo sa amin."
Isang pagkalalim-lalim na buntunghininga ang pinakawalan ni Helena. Seryoso ang mga pulis. Hindi siya iiwanan hangga't hindi siya nakakapagpaliwanag nang maganda.
"All right... pero puwede ba, Kapitan, sa iyo na lang ako magpapaliwanag?" pakiusap niya. No way na magsasalita siya sa harap ng reyna ng mga bakulaw na ito.
"Dimaguiba, iwanan mo muna kami," utos ni Capt. Olivar.
Atubiling umalis ang babaing pulis matapos tapunan ng matalim na tingin si Helena. Tuwid namang sinalubong iyon ng dalaga sabay taas ng baba.
BINABASA MO ANG
My Lovely Bride (Helena & Troy) - Maureen Apilado
RomanceNakipag-pen pal si Helena kay Troy Avancena. She had bared her heart and soul in her every letter to him - only to regret it later. Dahil natuklasan niya na hindi pala siya ang sinusulatan ng lalaki kundi ang kakambal na si Helen. Gusto niyang maitu...