Chapter 10

307 11 0
                                    

NAKAUPO si Helena sa ilalim ng punungkahoy nang matanaw si Marie Kathleen na papalapit sa kinaroroonan niya. Malayo pa lang ay kumakaway at nakangiti na ito sa kanya. Isang malalim na buntunghininga ang pinakawalan ni Helena. Ilang araw na niyang iniiwasan ang bata, hindi lang ang bata kundi pati ang iba pang kasambahay, ngunit tila may radar si Marie Kathleen dahil kahit saan siya magpunta ay nasusundan siya nito.

Paglapit sa kinaroroonan niya, sumalampak ito ng upo sa tabi niya. "Kanina pa kita hinahanap," humihingal na sabi nito.

"Bakit?" matamlay na tanong niya.

"Hinahanap ka ni Daddy," anito.

Marinig lang niya ang pangalan ni Troy, parang nag-init na ang mukha niya. She thought this feeling would settle after a few days. "Ganoon ba?" pabale-walang sabi niya.

"Pinagtataguan mo ba si Daddy? Ano ba'ng ginawa niya?"

"Bakit naman ako magtatago?" aniya.

"Bakit ka naririto?"

"Nagpapahangin lang ako," dahilan niya.

"Kung hindi ka kay Daddy nagtatago, di kay Tita Trina," sabi nito.

"Bakit naman ako magtatago sa kanya?" mabilis na kaila niya. Close to the mark. Dahil sa tuwing magsasalubong ang tingin nila ni Trina, ang tingin yata nito sa kanya ay isang sex fiend.

Ngumiti si Marie Kathleen. Isang ngiting tila may nalalaman ito na hindi niya alam. "Huwag kang mag-alala, wala si Tita Trina, umalis. May dadaluhang party. Nagmamaktol nga dahil hindi siya sinamahan ni Daddy."

May tuwang humaplos sa puso ni Helena. "Alam mo ba, sinadya ko namang gawin iyon, e," sabi ni Marie Kathleen.

Lihim na napabuntunghininga si Helena. If not asking embarrassing questions, kung anu-ano naman ang ikino-confide sa kanya ni Marie Kathleen. Ayaw niyang i-encourage ito, ngunit hindi naman niya mapigilan ang kuryusidad. "Ang alin?"

"Iyong paninigarilyo sa comfort room. Para suspended ako. Para hindi ako pumasok sa school!"

"Bakit?"

"Alam ko kasing darating si Tita Trina. Ayokong sila lang ni daddy rito sa bahay."

Maang na napatitig si Helena sa bata. Hindi nga niya tiyak kung bata nga ang kaharap. Kung minsan daig pa ang isang matanda kung magsalita at mangatwiran. "Bakit naran?"

"Ayokong pakasal si Daddy kay Tita Trina," anang bata.

"Si Troy, pakakasal kay Trina? Sino'ng may sabi sa iyo?"

"Hindi mo alam kung ano'ng nangyayari dito. Mula nang mamatay si Tito Tristan, lagi na lang siyang nakasandal kay Daddy. Na para bang hindi siya mabubuhay nang wala si Daddy. Lagi siyang naririto. Nakikita mo ba ang mga tinging ipinupukol kay Daddy? Yuck! Minsan, nagkukuwentuhan sila ng mga kaibigan, ang topic nila si Daddy. Sabi ng mga kaibigan nito, good catch si Daddy. Sabi naman ni Tita Trina, hindi siya papayag na mapunta pa ito sa iba."

"Nanunubok ka? Masama iyon," sabi ni Helena.

"It's the only way I can hear the good stuff," nagtatawang katwiran naman nito. "Anyway, okay naman si Tita Trina bilang tita, but I don't want her to be my mommy. You see, she always wanted to change me. Ayoko naman. Si Daddy kung minsan, hinahayaan na lang ito at hindi na lang pinapansin. Here's Dad na pala." Bago pa napigilan ito ni Helena, nakatakbo na ito pabalik sa bahay.

Para sa isang batang kasintaba ni Marie Kathleen, napakaliksi nitong kumilos. Hindi napipirmi sa isang tabi. Anyong susunod na rin siya rito ngunit humarang sa kanyang daraanan si Troy. "Dito ka lang pala nagtatago."

My Lovely Bride (Helena & Troy) - Maureen ApiladoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon