NAPAPIKSI si Jossel nang sundutin ko ang tagiliran niya.
Kanina ko pa kasi siyang pinipilit na samahan ako sa pagkikita namin ni Konsehal Tahn mamayang alas tres ng hapon.
"Ano ka ba naman, Marta!" tili nito ang lumukob sa buong silid lutuan.
"Kamuntik ko tuloy maihagis itong sandok!" umayos siya ng tayo. "Alam mo namang halos buong katawan ko ay may kiliti ako, e." angal pa niya.
Ngumuso ako at humalukipkip sa kaniyang harapan.
"E-E ikaw kasi e..." pinagsiklop ko ang magkabilang palad ko at bahagyang iniyuko ang aking ulo.
Tinaasan niya ako ng kilay.
"Ayaw mo akong samahan sa deyt namin ni Konsehal Tahn..."
Kanina ko pa siyang pinipilit na samahan ako pero ayaw niya talaga akong samahan.
Ayan tuloy at hindi siya matapos-tapos sa niluluto niya dahil ginugulo ko siya.
Namewang si Jossel sa aking harapan.
"Ano ka ba, Marta? Deyt n'yo iyon, " pumitik pa siya sa hangin bago muling nagsalita.
"Dapat nga kayong dalawa lang ang maglalabing-labing!"
Nangasim ang mukha ko sa kaniyang sinabi.
Napansin niya siguro iyon kaya agad-agaran niya akong hinampas sa braso.
"Agay!" daing ko pa.
"Alam mo ikaw," dinuro niya ako.
"Kahit kailan talaga, ang KJ mo!"
Ha?
Ano raw iyon? KG?
Anong KG?
Si Jossel talaga kung ano-ano ng mga salita ang mga binibitawan, minsan tuloy ay nagkukunwaring hindi ko na lang siya narinig ngunit ang totoo ay hindi ko talaga maunawan ang mga sinasabi niya.
Parehas kaming laking Negros kaya at halos bisaya ang pangunahin naming salita.
Mas nauna lang siya ng isang taon dito sa Maynila kaya siguro ay nakuha na rin niya ang mga salita ng mga tao. Dahil kahit ang anak ng amo namin minsan ay ini-ingles kami, e.
Kapag nga ganoon ang nangyayari, nagkukunwaring naiihi ako o may trabaho pang hindi nagagawa sa ibang parte ng bahay.
Ipinagsawalang bahala ko na lamang iyon at muli siyang kinulit.
"Eh, Jossel, alam mo naman si Konsehal 'di ba? I-englisen na naman ako niyon e!" nagpapadyak ako.
"Hindi kami magkakaintindihan... kaya nga sumama ka na... sige na..." nilambutan ko pa ang boses ko at marahang niyugyog ang kaniyang balikat.
Sinundan ko siya sa kaliwang banda, tinuon niya kasi ang atensiyon doon. Halatang iniiwasan ang pangungulit ko sa kaniya.
Nang makalipat ako sa kaliwang banda ay pumihit naman siya pakanan. Muli ko siyang sinundan.
Sumunod lang ako nang sumunod sa pagpihit niya sa magkabilang banda at hindi magkamayaw sa pag-ulit ng mga katagang "Sige na kasi, Jossel, samahan mo na ako sa deyt namin ni konsehal Tahn."
YOU ARE READING
Emeyebee's Thoughts (One Shots)
RandomThis book contains various genres of one shots story. @All rights reserved.