"Kamusta naman ang pag-aaral mo, pasukan niyo na hindi ba?", nakangiting tanong ni tita Tessa habang nag-aayos kami ng mga paninda. Ako lang sana kaso sinamahan niya ako dahil wala daw siyang magawa.
"Maayos naman po tita."
"Mabuti naman kung ganon, masaya ako dahil matatapos ka na rin sa high school.", aniya upang mapangiti ako.
"Oo nga po tita kaya sobra-sobra ang pasasalamat ko sa inyo dahil sa napakalaking tulong na ibinigay ninyo sa akin hindi lang po sa pera pero pati na rin sa pag-aalaga at pagmamahal ninyo sa akin.", puno ng sinseridad na sabi ko dito. "Hindi ko kasi alam kung saan ako pupulutin kung sakaling hindi ninyo ako tinanggap dito at tinulungang makapag-aral muli.", dagdag ko pa sa kanya.
"Hansel, anak, kahit sino ay hindi magdadalawang-isip na tulungan ka dahil napakabait mo at napakabuti ng puso mo kaya lahat ng natatanggap mo ay para sa iyo talaga. Tinatanggap ko ang iyong pasasalamat ngunit hindi ko kailangan iyon dahil mas gaganda ang pakiramdam ko kung makikita kitang aakyat sa stage upang tanggapin ang iyong diploma.", malumanay niyang sinabi at hinawakan pa ang mga kamay ko dahil napahinto kami sa ginagawa namin.
"Opo tita, pagbubutihin ko ang pag-aaral ko at pinapangako ko sa inyong matatanggap ko ang diplomang pinaghirapan ko sa tulong ninyo.", nakangiting sabi ko dito.
"Aasahan ko yan Hansel.", nakangiting aniya kaya napayakap ako sa kanya.
May mga taong napapatingin sa amin kaya naman napahiwalay ako saka bahagyang natawa. Nag-usap pa kami ng iba't-ibang bagay habang patuloy sa pag-aayos ng mga bagong dating na paninda.
Ang totoo ay palipat-lipat ako ng trabaho, minsan ay Isa ako sa mga nagbabantay sa mga paninda at inientertain ang mga tao, minsan ay taga-ayos din ng mga paninda at paglalagay ng mga presyo dito, minsan naman ay nasa cashier, pero kadalasan ay tumutulong ako kay tita Sunny sa mga ginagawa niya dahil may mga report din siyang ipinapasa kay tita Tessa.
Pero kahit anong trabaho ko ay patas pa rin naman dahil kung ano ang ginagawa ng iba ay ganon din ang ginagawa ko kahit minsan ay mahirap lalo na at ayokong isipin nilang inaabuso ko sila tita. Pero nakadepende rin ang sahod ko sa kung anong trabaho ko at kung ilang oras ang trabaho ko. May kalakihan ang sahod namin at may bonus din kaming natatanggap.
Sobrang yaman nilang magkapatid dahil may iba't-iba rin silang business na ang mga asawa nila ang may hawak. Nagtataka nga ako dahil parehong silang hindi makaanak pero ang sabi nila ay baka namana nila sa kapatid ng kanilang ina. Hindi rin daw sila nakapag-ampon noon dahil sobrang busy nila sa business.
"Uy Hansel!", napatingin ako sa gilid ko inis na napapikit dahil sa nakita.
Bwiset! Nananadya ba siya?!
Napadilat ako ng mata ko at nagulat ako nang magtama ang mga mata namin at kita ko rin ang gulat sa mga mata niya. Inirapan ko nalang siya at bumaba ang tingin ko sa hawak-hawak niyang HANSEL!
"Hello there Ms. Masungit!", aniya at kita ko ang paglapit niya pero nasa hawak pa rin niya ang paningin ko at sa isip-isip ko ay napapanguso na ako dahil para bang nananadya siya.
"Oh, you want Hansel, too?", aniya kaya kunot-noo akong nag-angat ng tingin sa animong inosenteng mukha niya.
"Hanggang dito ba naman ay nang-aasar ka pa?", inis kong tanong dito.
"What? I'm just asking if you want Hansel too because you're looking at my Hansel a while ago."
"Wala akong paki alam!", inis kong sabi dito. Ewan ko ba, naiinis ako dahil parang nang-aasar siya.