Simula

29 2 0
                                    

NOBELA…

Gaano nga ba kahalaga ang mga nobela sa ating buhay?

Ayon sa mga taong palabasa, parte na ng buhay ng isang tao ang pagbabasa ng mga nobela. Ito ang tahanang nais pagkublian ng karamihan, isang tahanang magbibigay sa'yo ng kapayapaan... kaligtasan... at pagmamahal.

Papaano nga ba pinupukaw ng bawat akda ang mga puso ng bawat mambabasa sa pamamagitan ng mga salitang nakapaloob rito? At... ang nobela ba'y nakasulat lamang? Ang nobela ba'y isang likha lamang?

Nagsimula ang pagtugtog ng intro ng kanta ng Eraserheads. Unang pagsira pa lang nito sa katahimikan ng suot kong headset ay napapikit na ako at dinama ang paghampas ng sumasalubong na hangin sa sinasakyang bus.

~Lift your head… Baby don't be scared… Of the things that could go wrong… Along the way~

Ito ang paborito kong kanta, na kahit anuman ang kasalukuyan kong nararamdaman, pare-pareho pa rin ang ibinibigay nitong emosyon sa akin… ang lungkot ng isang kalinga.

Napabuntong-hininga ako bago iminulat ang mga mata. Malaya kong pinadaan ang paningin sa malawak na sakahan na dinadaanan ng sinasakyan ngayon.

~You'll get by… With a smile... You can't win at everything… But you can try~

Ngumiti ako bago nilanghap ang sariwang hangin, at dahan dahan ay hinayaang lumandas ang mga luhang pinipigilan kong ilabas simula nang magdesisyong tahakin ang landas na ito... nang mag-isa.

~Baby you don't have to worry… 'Cause there ain't no need to hurry… No one ever says that there's an easy way~

Kaya natin 'to, Vel. Tiwala lang... tiwala lang.

~When they're closing all their doors… And they don't want you anymore… It sounds funny but I'll say it anyway… Girl I'll stay… Through the bad times… Even if I have to fetch you everyday… We'll get by... With a smile~

Tinanggal ko ang nakasuksok na headset sa tainga at pinatay ang tugtog, ipinasok ito sa bag kasama ang cellphone, humalukipkip at sinubukang ipikit muli ang mga mata hanggang sa hatakin ng katahimikan…

"BALE, one thousand ang deposit at saka one thousand rin in advance, ineng." itinaas ng matanda ang kaniyang salamin na ngayon ay mahuhulog nanaman sa kaniyang ilong.

Two thousand.

Three thousand lahat ng pera ko at nabawas pa roon ang ginamit ko sa pamasahe... Binilang ko ang laman ng pitaka at nang makitang two thousand two hundred na lang ang laman nito ay napabuntong-hininga na lang ako.

Ang dami ko pang kailangan...

Napakagat labi ako bago nahihiyang tumingin sa matanda.

"Ah, la... pwede po bang yung one thousand na po muna? Ihahabol ko na lang po ang para sa advance?" dahan dahan kong sabi bago siya nginitian ng tipid. Napatikhim siya. Tinitigan niya ako nang matagal.

"Pasensiya na po... talagang kulang pa po kasi ang pera ko sa ngayon, pero promise po... ihahabol ko po, maghahanap po ako ng pwedeng pagkakitaan bukas," dahan-dahan kong paliwanag at inilibot ang mga mata sa loob ng maliit na apartment na ito.

"Ilang taon ka na ba, ineng?" tanong nito bago pinasada ang mga mata sa dala kong isang malaking bag at backpack na puno ngayon. Sa tono ng pananalita niya ngayon, alam ko na ang pinapakahulugan niya.

"Dies y sais po... " mahina kong bulong. Napatitig siya sa akin. Sa tingin niyang iyan, alam ko na rin kung ano'ng pinapahiwatig.

"Minor de edad," bulong nito sa sarili makalipas ang ilang segundo bago umiling iling. Hindi na ko nagsalita pa. Tinignan ko na lang ang matanda na ngayon ay nag iisip nang malalim.

Unveiled Novel (Babaeng Literatura Serye Uno)Where stories live. Discover now