Pamana ng Kinabukasan

11 0 0
                                    

Sa isang maliit na baryo sa gilid ng dalampasigan sa Pilipinas, doon nakatira si Mang Angelito, isang mangingisda na ang ikinabubuhay ay pangingisda mula pa sa kanyang kabataan. Ngunit sa paglipas ng mga taon, ramdam na ramdam ni Mang Angelito ang pagbabago sa kanyang paligid. Hindi lamang ang init ng araw ang tumitindi kundi pati na rin ang epekto ng polusyon sa dagat.

Isang umaga, habang naglalayag si Mang Angelito kasama ang kanyang anak na si Jaykee, napansin nilang kaunti na lamang ang kanilang nahuhuli. "Tay, bakit po ganito? Parang mas kakaunti na ang isda kumpara dati," tanong ni Jaykee habang tinitignan ang halos walang laman na lambat.

"Baka nga, anak. Minsan iniisip ko, ang dagat ay parang tao rin. Kung hindi natin aalagaan, mawawalan ng sigla," tugon ni Mang Angelito habang nakatingin sa malayo.

Sa kanilang pag-uwi, nasalubong nila si Aling Sico, isang tindera sa palengke na madalas nilang suki. "Mang Angelito, kamusta po ang huli natin ngayon?" tanong ni Aling Sico na may bahid ng pag-aalala sa boses.

"Naku, Sico, hindi maganda. Parang parami ng parami ang basura sa dagat. Hindi lang sa pangisda natin naapektuhan, pati na rin ang kalusugan ng mga isda. Ilang beses ko na rin nakita ang mga patay na isda na palutang-lutang," sagot ni Mang Angelito.

"Naku, kailangan natin gumawa ng paraan. Hindi pwedeng ganito na lang. Kawawa naman ang mga kabataan, baka sa susunod na henerasyon wala na silang mahuling isda," wika ni Aling Sico .

Sa pagsapit ng hapon, nagtipon-tipon ang mga mangingisda at mga kabataan sa plaza ng baryo. Sa pangunguna ni Mang Angelito, nagsagawa sila ng munting pagtitipon upang pag-usapan ang problema at kung paano nila ito masosolusyonan.

"Mga ka-barangay, kailangan natin kumilos. Hindi sapat na magreklamo lang tayo. Kailangan nating magtulungan para linisin ang dagat at turuan ang mga tao na magtapon ng basura sa tamang lugar," ani Mang Angelito.

Nagkasundo ang lahat na maglunsad ng isang lingguhang (clean-up drive). Sa tulong ng mga boluntaryo, unti-unting naibalik ang sigla ng dalampasigan. Nakipag-ugnayan din sila sa lokal na pamahalaan para sa mas maayos na pamamahala ng basura at upang turuan ang mga mamamayan sa tamang pangangalaga sa kalikasan.

Makalipas ang ilang buwan, nagbunga ang kanilang pagsisikap. Dumami muli ang mga isda sa dagat, at muling bumalik ang ngiti sa mga labi ni Mang Angelito at ng kanyang anak na si Jaykee.

Sa kabila ng mga pagsubok, napagtanto nila na sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan, anumang problema ay kayang lagpasan. Ang kanilang kwento ay isang paalala na ang pangangalaga sa kalikasan ay responsibilidad ng bawat isa, at sa bawat munting hakbang, may malaking pagbabago na maidudulot.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jun 30 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Pamana ng KinabukasanWhere stories live. Discover now