40: Panaligan

710 36 19
                                    

KEIFER

Naging tahimik ang lamesa noong oras na bumalik kami ni kuya Damian. Wala ni isa ang nagtangka na magsalita sa aming apat. Naging sapat 'yon para ubusin namin ang  mga natitirang pagkain sa kaniya-kaniya naming plato. Sa puntong ito ay tahimik kong nilalantakan ang Chocolate Soufflé na in-order ko kanina at paminsan-minsan ay nagnanakaw ako nang sulyap sa katabi kong brusko.

"I guess you don't have your passport, Keifer?" tanong sa akin ni tito kahit na hindi niya ako tinitingnan. Abala kasi siya sa pagkain ng salad niya.

"Wala pa po," sagot ko na lang.

"I will look for someone to do your rush passport. It will only take seven to ten days and it's done," sabi niya pa pero nanatili akong tahimik.

Narinig kong ibinaba niya ang hawak na kubyertos at nang tumingin ako sa kaniya ay nakatuon na sa akin ang kaniyang atensiyon. Seryoso ang ekspresiyon sa kaniyang mukha na naging dahilan para mabuhay ang mumunting kaba sa puso ko.

"These arrangements wouldn't be possible if you weren't coming with me to the US. So before the day ends, I need your answer."

Agad akong napalingon kay nanay. Kitang-kita ko ang lungkot sa kaniyang mukha pero kahit na ganoon ay ramdam ko na suportado niya ang kahit na anong desisiyon na pipiliin ko.

Dumako kay kuya Damian ang aking tingin at kahit na ikubli niya ang lungkot na nararamdaman ay naghuhumiyaw naman ito sa kaniyang maaamong mga mata. Ngumiti siya sa akin ngunit hindi naman nito naabot ang kaniyang mga tenga. Parang pinulbos ang puso ko nang marahan siyang tumango sa akin hudyat na gusto niyang tumuloy ako sa kung anong gusto ni tito Kris para sa akin.

Pero hindi ko agad binigyan ng sagot si tito Kris.

Naubos ko ang kinakain na dessert at kahit na sobrang sarap nito ay hindi ito naging sapat upang mapasaya ako.

Maraming plano si tito para sa amin at sobrang napakalaking blessing nito para sa aming pamilya. Ipapalipat ni tito si tatay sa isang private hospital at sagot niya ang lahat ng gastusin sa pagpapa-ospital ni tatay, miski ang mga naka-antabay na session at treatment oras na magkamalay siya. Balak niya ring ipa-renovate ang bahay upang magkaroon ng mas maayos na tutuluyan ang mga magulang ko oras na maging maayos na si tatay. Ayos na sana ako ro'n pero kapalit ng mga gusto niyang mangyari ang planong isama ako sa ibang bansa. Maganda ang naghihintay na buhay sa akin doon ngunit paano kung nandito ang buhay na gusto ko? Nandito ang tao na bubuo sa aking pagkatao at magpupuno ng labis na saya sa aking puso. Oras na pumayag ako kay tito Kris, parang pinatay ko na rin ang pag-asa kong may masayang wakas na naghihintay sa k'wento naming dalawa ni kuya Damian.

Naramdaman ko ang kamay na biglang humawak sa aking kamay na nasa ilalim ng lamesa. Nang lingunin ko si kuya Damian ay malapad niyang ngiti ang bumungad sa akin. Sa puntong ito ay may nakikita na akong saya sa ngiti niyang 'yon kahit na alam kong malungkot siya sa mga narinig mula kay tito Kris.

Lumipas ang mga sandali na nagpalitan ng mga baong kwento sila nanay at tito. Nanatili lang kaming tahimik ni kuya Damian sa isang tabi at hindi niya kailanman pinakawalan ang kamay ko sa ilalim ng lamesa. Marahan niyang hawak ito at kahit malaki ang palad niya'y naging komportable ang kamay ko sa loob no'n.

"Shall we go home now?" tanong ni tito na sinang-ayunan naman naming lahat.

"Pupuntahan ko pa ang tatay mo, Keifer, kaya ikaw na muna ang bahala sa tito Kris mo. Samahan mo siya sa bahay natin, ah?" paalala sa akin ni nanay na sinagot ko naman ulit ng pagtango. Nagsabi naman na ako kay kuya Damian pero hindi ko pa rin maiwasang malungkot sa ideya na limitado na lang ang oras ko rito tapos magkahiwalay pa kaming dalawa.

SEKYU 1 (BL) CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon