Kabanata 1

25 2 0
                                    

MABAGAL na pagsayaw ng mahabang buhok dahil sa mahinang ihip ng hangin. Huni ng baka mula sa malayo. Mumunting ingay ng mga sisiw na naghahanda para sa pagtulog sa ilalim ng kalinga ng kanilang inahin. Ingay ng mga kuliglig mula sa malayong kakahuyan. At padilim na kalangitan dahil sa nag aagaw na kulay dilaw, kahel, at asul.

"Ano? Ayos na ba riyan? Tara na?"

Tumayo ako mula sa ilalim ng puno ng mangga. Inirolyo ang mahabang buhok bago isinuot ang aking sombrerong gawa sa banig. Napapikit ako dahil sa marahang paghalik ng hangin sa aking mukha.

"May charge pa ba cellphone mo? Aabutin yata tayo ng dilim sa daan... "

Tumango lang ako at inabot ang isang basket sa tabi ng puno. Naglakad na si ate pabalik sa maliit naming kubo, binuhat ang isa pang basket mula sa loob bago isinarado at ikinandado ang gawa sa kawayang pinto nito.

"Kookies! Dolfie!"

Agad naalimpungatan ang dalawa naming aso na natutulog sa may dayami at dali daling tumakbo papalapit saakin.

"Uuwi na... " bago ko hinimas ang kanilang mabalahibong mga ulo. Paulit ulit ang pag wagayway ng mga buntot nito na mahina kong tinawanan. "Mga antukin... hindi man lang kami tinulungan,"

"Dapat pala hindi na muna natin tinapos iyon. Aabutin talaga tayo ng gabi... " nag aalalang aniya bago lumapit sa akin na naghihintay sa may gilid ng palayan. "Ang bigat... " reklamo nya habang pilit na isinusukbit ang basket ng mais sa kanyang braso.

"Ilipat mo na lang ang iba rito," ibinaba ko ang basket ng mangga.

"Mga walong piraso lang... mabigat na rin yata iyan," agap nya nang kumuha na ako sa hawak nyang basket. "Bilisan mo na... baka mamaya nyan may aswang na sa daan!" dagdag niya na mahina kong tinawanan habang inilalapag ang mga mais sa dala kong basket.

Tumahol si Dolfie mula sa malayo, tila naiinip na sa paghihintay sa amin. Nauna na ito sa may bukana ng gubat na nasa kabilang parte ng palayan kung saan kami dadaan pauwi. Si Kookies naman ay nakadapang natutulog ulit sa may gilid namin.

"Lowbat na cellphone ko... Hah! Magpatugtog ka nga! Nakakaano ang mga kuliglig!" iritado nyang saad na alam kong panakip lang sa takot na nararamdaman.

Nagsimula na syang maglakad sa gitna ng palayan namin, tinawag si Kookies, at binuksan ang dalang maliit na flashlight. Dahan dahan naman akong sumunod habang minamanipula ang sariling cellphone para sa kanta ni Taylor Swift.

Nang magsimula na itong mag-ingay sa gitna ng mga huni ng kuliglig ay inilagay ko sa gitna ang volume nito at binuksan na rin ang sariling flashlight sa cellphone. Binilisan ko na ang lakad para makasunod sa kapatid na ngayon ay nasa gitna na ng palayan.

"Ano kayang ulam natin ngayon?" muli nyang inayos ang dalang basket sa may braso. "Gutom ka na ba, Kookies?" baling nya sa kasabay na aso na patuloy lamang sa paglalakad. Umiling iling lamang ako habang nakasunod sa mabilis nyang lakad.

Mahina akong napadaing dahil sa pangangalay ng braso. Mabigat talaga ang mga manggang ito. Inilipat ko ito sa kabila. Pinasok na namin ang kagubatan. Tinignan ko ang oras sa aking cellphone at mag a-ala-syete na. Trenta minutos ang lakad papuntang baryo. Napabuntong-hininga ako.

Mas lalong lumakas ang ingay na nililikha ng mga kuliglig pagkapasok namin ng kagubatan. Mahina akong humiging kasabay ng isang kanta. Diretso lamang ang tingin ko sa madilim na harapan, idagdag pa ang nagtataasang mga malalaking puno sa magkabilang parte na daan na mas nagpapadilim sa paligid. Sa malayo ay kita ang maliit na siwang ng liwanag mula sa labas ng kagubatang ito.

Lumingon sa akin si ate. "Si Dolfie, Vel?"

"Nauna na, kanina pa yun naiinip."

"Baka kung saan saan na yun sumuot... "

Unveiled Novel (Babaeng Literatura Serye Uno)Where stories live. Discover now