Alas singko pa lang ng umaga ay nasa loob na 'ko ng silid aralan. Maaga kasi ang pasok ng mga magulang ko, kaya maaga rin akong hinahatid bagama't alas siyete pa ang simula ng klase. Minsan nga, sa sobrang pagmamadali nilang umalis, nauunahan ko pa ang guard sa pagpasok kaya sa labas ng gate na lamang ako natambay.
Umupo ako sa bandang unahan kung saan ako pinwesto ng aming adviser. Nagbuklat ako ng textbook para makapag-advance reading habang hindi pa dumadating ang mga kaklase ko at magsimula nanaman ng ingay.
Hindi ako matalino, kaya hanggat maaari, nagsisipag akong mag-aral. Hindi ako tulad ng iba na umaasa sa stock knowledge at common sense. Nuong nakaraan nga, pinatayo ako ng math teacher namin sa harap para i-solve ang isang problem. Ako na lang daw kasi ang tila hindi nakakaintindi. Tuwang-tuwa naman 'yung mga kaklase ko dahil ilang oras din silang ligtas sa recitation. Paano ba naman kasi, ilang oras ko ring pag-iisipan kung anong tamang sagot sa tanong ng aking guro. Sa tuwing may mali akong maisulat ay sinisigawan niya 'ko, mas lalo tuloy akong nahihirapang mag-isip. Ang maloko ko namang mga kaklase ay pinagbubulungan at tinatawanan na 'ko.
Isa lamang 'yun sa mga alaala ko, ngunit parang kahapon lang nangyari.
Sinarado ko ang textbook na hawak at tumayo upang pulutin ang chalk na nahulog. Ang lakas kasi ng hangin ngayon e, baka nga magsuspend pa ng klase, tapos ako lang talaga ang pumasok. Sa gilid ng berdeng pisara ay nagsimula akong gumuhit. Una kong ginuhit ay ang bilugang mukha ng aking best friend, si Christine, pagkatapos ay ang maamong mukha ni Emily. Silang dalawa ang madalas magsama bukod sa'kin. Madami silang napagkukuwentuhan, lalo na patungkol sa kanilang mga crush, habang ako ay madalas lamang makinig. Natutuwa akong kasama sila, kasi tuwing recess ay agad nauubos ang baon ko. Pinapagalitan kasi ako ng kasambahay namin kapag hindi ko halos nagagalaw 'yung pagkaing hinahanda niya.
Sunod kong iginuhit ay ang hinahangaan kong si Matthew. Mabait kasi siya at palaging nakangiti. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit niya tinapon ang regalo ko nu'ng Christmas party. Siya kasi ang nabunot ko nuong sa exchange gift, at kampante akong magugustuhan niya ang binili ko. Siguro mas nagustuhan niya ang binigay ni Mariel kaya nabalewala na lang ang pinaghirapan ko.
Ayoko nang magdamdam dahil matagal na naman 'yon. Labing-dalawang gulang pa lang naman ako, wala pa 'kong alam sa mga 'heartbreak' moments.
Huli kong ginuhit ay ang aking sarili. Ano nga ba ang itsura ko? Hindi naman ako pangit, ngunit hindi rin kagandahan. Isang simpleng estudyante lamang ako na kina-aayawan ng marami. Siguro dahil hindi ako magaling sa klase, o 'di kaya'y lampa tuwing may pinapagawa sa PE namin?
Narinig ko ang papalapit na yabag ng mga estudyante kaya agad kong pinunasan ang aking luha at baka makita pa nila akong nagdadrama. Ngunit nang muli kong ilapag ang basang kamay sa ginuguhit kong mukha, kumalat ang chalk at halos mawala na 'ko sa pisara. Buti na lang ang iba ay hindi ko nasanggi.
Humarap ako upang salubungin ang mga kaklase ko. Isa-isa na silang pumapasok, sunod-sunod, tulad ng dati. Ang ilan ay abala sa pagkukwento, ang ilang naman ay nagtataka sa mga guhit na ginawa ko. Minsan lang nila ako mapansin, kaya nga laking tuwa ko na lang nang magkaroon sila ng interes.
Muli kong ibinaling ang atensyon sa pisara at nagkataong natitigan ang nabura kong mukha. Ano nga ba ang itsura ko? Kanina ko pa ito tinanong, ngunit hanggang ngayon ay hindi ko maaninag.
Tanging mga alaala ko na lang yata ang pilit na nagpapabalik sa'kin rito.
Isang estudyante ang naglakas-loob na lumapit upang burahin ang mga sulat at guhit ko. Tahimik at kalmado lang itong nagbubura, habang ang ilan ay tila pinag-uusapan na siya. Pagkatapos ay tahimik pa rin siyang bumalik sa kanyang upuan, kumuha ng libro, at nagbasa na lamang.
Kaya pala.
Isang taon na ang nakalilipas simula nang iwan ko ang mundo, ngunit kaya pala hanggang ngayon ay andito pa rin ako kasi sa harap ko, isang batang katulad ko'y inaapi.
BINABASA MO ANG
Pisara (Short story) #Wattys2015
Short StoryKwento ng isang batang pault-ulit na binabalikan ang nakaraan.