Chapter 17

60 3 0
                                    

"Kung sinasabi mo na lang ba kapag may tumawag na hindi na ako puwedeng lumabas pa na kasama sila dahil ikaw ang girlfriend ko, di huminto na sa pagtawag ang mga iyon."

"Hindi pa naman ako nasisiraan ng ulo para gawin iyon, 'no?" agad na sabi niya. "Baka mamaya, kapag ginawa ko iyon ay hindi na maging safe ang maglakad- lakad para sa akin."

Halatang naguluhan ito sa sinabi niya.

"Kasi po, any moment ay baka may biglang sumabunot na lang sa akin sa labas dahil sinabi kong ako ang girlfriend mo. Naku, bibigyan ko lang ng malaking problema ang sarili ko. Huwag na lang. Makakapaghintay pa naman ako na dumating 'yong totoong Prince Charming ko."

Hinintay niya ang magiging reaksiyon nito. Ngunit hindi na ito kumibo. Sa tingin niya ay bigla pa itong sumeryoso.

"O, bakit hindi ka na kumibo riyan?" tanong niya nang humaba na ang pananahimik nito.

"Do you really believe that, Drew?" biglang tanong nito.

"Ang alin?"

"Na magiging sakit ng ulo mo lang ako kung halimbawang ako ang naging boyfriend mo?"

Pinagmasdan muna niyang mabuti ang mukha nito kung seryoso ba ito sa tanong nito o nagbibiro lamang ito. Ngunit hindi ito nakangiti kaya mukhang seryoso.

"Gusto mo talagang malaman 'yong totoo?"

"Yeah."

"Hindi ka magagalit?"

"Nope."

"Sasakit lang talaga ang ulo ko dahil araw-araw akong mag-aalala kung nasaan ka ba, o kung sino na namang babae ang kasama mo. Naku, simpleng tao lang ako. Ayoko ng ganoong buhay." She meant those statements as a joke.

Lalo pa itong natahimik sa mga sinabi niya.

"Akala ko ba, hindi ka magagalit diyan?" aniya rito.

"Hindi naman ako nagagalit."

"Hindi raw, eh, hindi ka na nga kumibo riyan."

"Masyado lang kasing masakit sa puso iyong mga sinabi mo," anito na tila isang batang paslit.

At dahil doon ay muli na naman siyang natawa. "All right, I admit it was a joke."

"Meaning, hindi naman talaga sasakit ang ulo mo kapag ako ang naging nobyo mo?"

"Meaning, hindi sasakit ang ulo ko dahil imposible namang ikaw ang maging nobyo ko at ako ang piliin mong maging nobya," pagtatama niya.

"And why is that?"

Napatingin siya rito. "Seryoso ka ba sa tanong mo?"

"But of course."

"Sabihin mo nga sa akin, Riley, type mo ba ako?Gusto mo ba ako?" Sa sobrang prangka ng tanong niyang iyon ay hindi ito nakasagot. Alam niyang hindi nito inaasahan iyon. "See? Hindi ka nakasagot. Pareho lang naman tayo, eh. Hindi natin type ang isa't isa kaya huwag ka nang nagtatanong ng mga hypothetical questions, okay?"

"Why do you say that?"

"Simple lang. Hindi katulad ko ang type mo. Iyong... iyong masyadong simple at hindi naman palaayos, hindi nagsusuot ng mga makikipot at kapos sa telang mga damit. Ayaw ng nightlife. Masyado akong homebody para sa taste mo, 'no! And I'm aware of that."

"Paano mo naman nalaman na gusto ko nga iyong mga binanggit mo?"

Hindi niya alam kung bakit kailangan pang pahabain ni Riley ang usapang iyon. Kung alam lang nito na nahihirapan na siya sa mga pinagtatatanong nito.

"Obvious ba? Eh, iyon ang klase ng mga babaeng kasa-kasama mo. Mga ganoong tipo ang palaging nakapaligid sa iyo kaya obvious na gano'n ang type mo."

"At ikaw?"

"Anong ako?"

"Hindi ako ang tipo na magugustuhan mo, gano'n ba?"

"Riley, alam mo ba kung ano'ng pinagdaanan ng manay ko sa piling ng tatay ko? Lahat na yata ng klase ng palay, eh, tinuka na ng tatay ko. Sa palagay mo ba, gugustuhin ko iyong gano'n?"

"Ang sakit mo namang magsalita. Hindi naman lahat ng palay ay tinutuka ko, ah."

"Alam ko naman iyon. Well, in a way. Kaya lang pareho kayo ng tatay ko na habulin, malapit sa tukso. Naku, Riley, wala akong balak na mapuyat gabi-gabi sa pag-aalala kung nasaan ka na at kung anong oras ka uuwi."

"Parang gusto ko nang bawiin iyong mga pasalubong ko, ah," wika nito pagkatapos na hindi umimik nang ilang saglit.

Malakas na tawa ang isinagot niya rito. Ngunit napakunot-noo na naman siya nang mapunang hindi ito sumabay sa pagtawa niya. Sa halip ay tila bahagyang dumilim pa ang mukha nito. Talagang napa-puzzle na siya sa boss niya.

 I'm Addicted to Your Love Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon