"WHAT are you doing here?" tanong ni Drew sa kanyang bisita, sabay takip sa kanyang mukha. Narinig niya ang pagtawa ng bisitang iyon na walang iba kundi si Riley. "I'm visiting you."
Nasa sala kasi siya at kasalukuyang nanonood ng news nang tumunog ang buzzer. May trangkaso siya kaya hindi siya nakapasok sa trabaho. At kahit makaya pa niya ay hindi pa rin niya magagawang mag-report sa trabaho dahil kakaiba siya kapag nagkatrangkaso. Kapag mataas ang lagnat niya ay namamantal ang buong katawan niya lalo na sa kanyang mukha. Humupa na nang bahagya ang lagnat niya ngunit visible pa rin ang kanyang mga pantal. At iyon ang nasaksihan mismo ni Riley.
Nagkataong umuwi sa probinsiya si Manang Lilay kaya siya ang nagbukas ng pinto. At tumambad nga sa kanya ang nakangiting mukha ni Riley. Hawak nito sa isang kamay ang basket na may lamang iba't ibang prutas at sa kabilang kamay ay bungkos ng pulang mga rosas. "Bakit hindi mo man lang sinabi na pupunta ka?" Habang sinasabi iyon ay nakatakip pa rin ang mga kamay niya sa kanyang mukha.
"Mary Drew, kung anuman 'yang tinatakpan mo ay nakita ko na po kanina pa."
Nakalabing inalis niya ang mga kamay sa kanyang mukha at parang batang padabog na bumalik sa mahabang sofa na kinaroroonan ng dalawang unan at comforter.
"Kumusta na ang pakiramdam mo?" tanong nito. Ito na ang nagsara ng pinto. Dumiretso ito sa kusina at inilapag sa dining table ang dala nitong basket ng mga prutas. Pagkatapos ay lumapit ito sa kanya at iniabot ang bungkos ng mga rosas.
"Okay naman na," tugon niya.
"O, bakit kandahaba pa rin 'yang nguso mo?" nakangiting tanong nito pagkatapos niyang tanggapin ang mga rosas.
"Tinatanong mo pa," nakalabing wika niya. "Bakit kasi pumunta ka pa? Nakita mo tuloy ako sa ganitong hitsura. Ang pangit-pangit ko!"
Tumawa ito nang malakas. "Bakit? Ano ba'ng nangyari diyan?" tanong nito.
"Nagkakaganito talaga ako kapag nilalagnat. Bata pa ako ay ganito na ako." Nagsimula na siyang makaramdam ng pagkailang nang makita niyang tila lalo pa siyang tinitigan nito. Kung bakit naman kasi kailangan pang masaksihan nito ang pinaka-worst na hitsura niya!
"Tigilan mo na ang pagtitig at malapit na akong maiyak," nagmamaktol na sabi niya.
Ngumiti ito. "Drew, sa kabila ng mga pantal na yan at ng pamumula ng mukha mo, ako mismo ang nagsasabing maganda ka pa rin. Lalo na kapag ganyang nagmamaktol ka."
"Sira!"
"And I'm telling the truth, Mary Drew," wika nito na tila gustung-gutong bigkasin ang buong pangalan niya. Mabuti na lamang, mapula na ang mukha niya kaya hindi na nito mahahalatang nag-iinit ang kanyang mukha dahil sa hiya.
"Si Manang Lilay?" tanong nito pagkaraan.
"Umuwi sa probinsiya nila sa Quezon. Sa makalawa pa ang balik," aniya.
"Mag-isa ka lang dito?"
"Оо."
"Bakit hindi mo agad sinabi kanina sa akin? O kaya'y itinawag mo sana sa akin. Kanina pa sana ako nagpunta rito at kinansela ko na ang meeting ko. Kumain ka na ba?"
"Wala naman akong ganang kumain." Natuwa ang puso niya sa concern na ipinapakita ni Riley. Para bang gusto niyang maglambing dito na madalas niyang gawin sa Tita Eva niya kapag nagkakasakit siya. Nang maalala niya ang kanyang tiyahin ay agad na nangilid ang luha sa kanyang mga mata.
"O, bakit?" tila biglang natarantang tanong ni Riley.
Agad na lumipat ito sa tabi niya sa mahabang sofa. "Naalala ko lang si Tita Eva. Ito ang unang pagkakataon na tinrangkaso ako nay wala siya sa tabi ko Bigla ko tuloy siyang na-miss," may luha sa mga matang wika niya.
"Huwag ka nang umiyak at malungkot," nang-aalong sabi nito. Maagap na pinahid nito ang luhang naglandas sa kanyang pisngi. "Tahan na. Dapat kasi ay tinawagan mo na ako kanina pa para nasamahan kita at napakain nang maayos. Ano ba'ng gusto mong kainin?" masuyong tanong pa nito.
"Kahit noodle soup na lang sana. Iyon lang ang gusto ng sikmura ko."
"Are you sure?"
Tumangu-tango siya.
"All right. Just sit here and relax. I'll make you a noodle soup." Sa buong gulat niya ay dinampian pa siya nito ng masuyong halik sa kanyang noo bago ito tumayo. Hinubad nito ang suot na amerikana at itinupi ang mga manggas ng polong suot nito. Hinubad nito ang necktie.
Tanaw ang kusina mula sa sala kaya kitang-kita niya ang bawat pagkilos ni Riley roon. Nakita pa niyang nagbalat ito ng mansanas at hiniwa-hiwa iyon. Habang hinihintay na maluto ang noodles ay ibinigay nito sa kanya ang bowl na pinaglagyan nito ng mansanas.
"Ayoko nito ngayon, eh," aniya.
"Sige na, pilitin mo. Kahit makalahati mo lang," pakiusap nito. At sa klase ng ngiting ibinigay nito sa kanya ay tila hindi niya magagawang tumutol sa anumang ipakiusap nito sa kanya. "That's my girl," anito nang makitang sumubo siya ng mansanas.
BINABASA MO ANG
I'm Addicted to Your Love
Romansa|Complete| CEO × Secretary Mary Drew Antonio "How can I work for a man na hindi ko gusto ang ginagawa? Sa isang taong mapaglaro sa damdamin ng mga babae at napakapalikero?" Iyon ang sentimyento ni Drew ngunit napilitan pa rin siyang magtrabaho bilan...