"Hindi. Pupusta ako, may gusto si Riley sa iyo."
"Paano mo nasabi?"
"Ayaw niyang alisin ang tingin sa iyo kapag hindi ka nakatingin at alam niyang walang nakakakita sa kanya. Ilang beses ko na siyang nahuli kapag nandito siya at dumadalaw."
"Guniguni mo lang iyon," aniya ngunit hindi niya maitatanggi ang pag-asam sa puso niya na sana ay totoo ang obserbasyong iyon ni Lima. Ngunit agad din niyang pinatay ang pag-asam na iyon. Dahil katulad ng sinabi niya, imposible iyon.
"Hindi ko lang iyon guniguni. Dama ko, eh. And lately, kapansin-pansin ang pagiging extra close ninyo. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi ka na lang niya ligawan," tila naguguluhan pang wika nito.
"Kasi nga, guniguni mo lang," sabi niya.
Umayos ito ng upo at humarap sa kanya. Nakaharap na siya rito at nakapatong ang braso niya sa headrest ng couch.
"Okay, ganito na lang. Halimbawa lang na totoo ang hinala ko. Tapos nagtapat sa iyo si Riley na mahal ka niya, ano'ng gagawin mo? Tatanggapin mo ba siya?"
Hindi siya agad nakasagot sa sunud-sunod na tanong na iyon ni Lima. Pagkatapos ay napansin niyang tila umilap ang mga mata nito.
"Naku, hindi makasagot ang ale," mayamaya ay kantiyaw nito sa kanya nang manatili siyang tahimik. "Parang iba na 'yan, ah. Type mo si Papa Riley, 'no?"
"Hindi, ah!" mabilis namang kaila niya. "Paano ko naman magugustuhan iyon, eh, kahit yata poste basta lagyan lang ng palda ay papatusin n'on? Ayoko namang mamuti ang buhok ko sa kamomroblema sa mga pambababae niya. Para lang akong kumuha ng bato na ipupukpok ko sa ulo ko. Minsan na akong naloko at ayoko nang maranasan pa uli iyon. Na tiyak na mangyayari kapag si Riley ang nagustuhan ko. I will never go for the likes of him."
Lahat ng sinabi niya ay epekto pa rin ng naging panaginip niya. Bukod doon ay ayaw niyang isipin ni Lima na nagkakagusto na siya kay Riley gayong tahasang sinabi niya rito noong una na hindi siya magkakagusto sa mga katulad ng binata.
Pagkatapos niyang magsalita ay pasimpleng tinuhod ni Lima ang binti niya at inginuso nito ang bandang likuran niya. Nang sundan niya ang inginunguso nito ay nakita niyang naroon na si Riley at mukhang narinig nito ang lahat ng sinabi niya.
Pinanlakihan niya ng mga mata si Lima dahil hindi nito ipinaalam sa kanya na naroon na pala ang binata.
"Riley," bati niya rito, sabay tayo. "Kanina ka pa riyan?"
"Medyo," tugon nito kasabay ng isang tila malungkot na ngiti.
May usapan sila na dadaan ito sa bookstore at pagkatapos ay kakain sila sa labas.
"Kanina mo pa hindi sinasagot ang tawag ko. Inisip
ko na baka hindi na tuloy ang lakad natin. Pero nagpunta pa rin ako rito," anitong tila lumung-lumo na hindi niya mawari. "Ready?"
"Y-yeah. Kukunin ko lang iyong bag ko sa office," aniya, pagkatapos ay hinila na niya si Lima para mapasama ito sa kanya. "Bakit hindi mo sinabi na dumating na pala siya?"
"Sinenyasan niya ako na huwag kong sabihin, eh.
Siguro, gusto niyang marinig iyong isasagot mo."
"He heard everything I said?" napapangiwing tanong niya
"All of it," nakangiwi ring tugon nito.
Humugot muna siya ng malalim na hininga bago lumabas ng opisina niya. Nakangiti na siya nang muling humarap kay Riley. Ngunit mukhang dinamdam nga nito ang mga narinig na sinabi niya dahil parang malungkot ito habang magkasalo sila over dinner.
Wala naman itong binabanggit kaya hindi na lamang siya nagpaliwanag. Hanggang sa maihatid siya nito sa bahay ay mabibilang lamang ang mga salita nito.
"Uy, galit ka ba?" hindi na nakatiis na tanong niya rito nang ihatid siya nito hanggang sa gate.
"Saan?" anito.
"Doon sa... narinig mong sinabi ko," aniya. "Kasi naman hindi ko alam na nandoon ka pala—I mean..." Hindi na niya alam ang sunod na sasabihin. "Nagalit ka ba roon?"
"Wala naman akong magagawa kung iyon ang tingin mo talaga sa akin, eh," malungkot na wika nito. Halatang masama ang loob nito.
"Eh, ano naman kasi, eh..." Ano nga ba? Paano ba niya ipaliliwanag ang sarili?
"Ang masakit pa, sinabi mo na kaya kong manloko na katulad ng ginawa ni Albert. Masakit lang na... na ganoon lang pala talaga ang tingin mo sa akin. Last night, akala ko... akala ko ay may kahulugan sa iyo ang... ang... oh, forget it. Nagkamali ako."
Labis na guilt ang naramdaman niya sa sinabi nitong iyon. How could she tell him she didn't mean those words? Sinabi lang naman niya iyon para hindi na isipin pa ni Lima na posibleng magkagusto siya kay Riley. At higit pa roon, hindi kasi niya makalimutan ang napanaginipan niya. Umiiyak pa nga siyang nagising dahil sa masakit na panaginip na iyon. Tila muling naranasan niya ang masasakit na pangyayaring iyon sa buhay niya.
"Hindi naman ganoon iyon, Riley. Ang ibig kong sabihin, ahm... ahm..."
"You don't need to explain, Drew. Naiintindihan ko na. Sige, pumasok ka na. Aalis na rin ako."
"Riley naman, eh," reklamo niyang hindi malaman kung paano ipaliliwanag ang sarili at kung paano ito aaluin.
"Huwag ka namang umalis nang galit."
"I'm not mad, Drew."
"Riley—"
"Goodnight."
"Ingat sa pagmamaneho, ha? At saka... pag-uusapan pa natin ito, ha?"
"Okay." Sumakay na ito sa kotse nito.
Mabigat na mabigat ang loob niya habang papasok siya sa loob ng bahay. Pakiramdam kasi niya ay nasaktan niya talaga ang kalooban ni Riley. Hindi naman katulad ni Albert ang tingin niya rito. Paano ba niya ipaliliwanag iyon dito?
Hindi siya nakatulog nang gabing iyon sa labis na pag-aalala sa binata. Madaling-araw na nang mapanatag siya sa isiping bukas na bukas ay lilinawin niya ang lahat dito.
BINABASA MO ANG
I'm Addicted to Your Love
Romance|Complete| CEO × Secretary Mary Drew Antonio "How can I work for a man na hindi ko gusto ang ginagawa? Sa isang taong mapaglaro sa damdamin ng mga babae at napakapalikero?" Iyon ang sentimyento ni Drew ngunit napilitan pa rin siyang magtrabaho bilan...