NAGPUNTA sa Tagaytay Highlands ang buong pamilya Agustin pati na sa side ng mama ni Riley. Family outing iyon ng buong pamilya. Bahagi pa rin iyon ng pagpapasyal kay Diane. Niyaya si Drew ni Riley ngunit nauna na siyang tumanggi rito. Obvious naman kasing napilitan lamang itong imbitahin siya. Iyon ay nang sabay-sabay silang mag-dinner kasama si Diane. Hindi na siya nakatanggi sa dinner na iyon dahil pinilit talaga siya ni Diane na sumama sa mga ito.
Ngunit tumanggi man siya sa imbitasyon nina Riley at Diane ay hindi na siya nakatanggi pa sa mama ng binata. Tinawagan siya nito at hindi tinapos ang pag- uusap nila hangga't hindi siya pumapayag. Wala raw siyang ibang kasama sa bahay at malayo na ang Tita Eva niya kaya ang mga ito raw ang titingin-tingin sa kanya. Kaya heto siya at nakasama pa rin sa Tagaytay Highlands.
Kung may maganda man sa outing na iyon, iyon ay ang nakasama niya ang mama at papa ni Riley pati ang mga tita nito sa mother's side na pawang magigiliw at mababait.
Tumuloy sila sa bahay na pag-aari ng pamilya Agustin sa loob ng Highlands. Malaki ang bahay na iyon na yari sa kahoy at maluwang ang bakuran. Nang gabing iyon ay sa labas sila ng bahay lahat kumain. Naroon sa hardin ang mahabang mesa na yari din sa kahoy at mahabang bangko na walang sandalan.
"Hindi ako makapaniwala na itong si Drew ay dalaga pa rin at ni walang nobyo. Bulag na ba ang mga lalaki ngayon?" anang Tita Belen ni Riley.
Mukhang siya ang paboritong topic ng mga ito dahil single pa siya at tanging siya lamang ang walang partner doon. Kasama ng mga tita ni Riley ang bawat esposo ng mga ito. Sina Riley at Diane ang magkapareha, ganoon din ang mama at papa nito.
"Oo nga, eh," ani Tito Gary, ang asawa ni Tita Belen. "Pero baka mapili naman itong si Drew, ano, hija?" Bumaling ito sa kanya.
Pangiti-ngiti na lamang siya. Hindi siya sanay na siya ang sentro ng atensiyon.
"Wala pa bang mapalad na binatang napili ng puso mo, hija?" tanong naman ni Tito Pancho, asawa ni Tita Annie.
Meron na ho. Ang kaso, walang ibang tinitingnan kundi iyong katabi niyang si Diane, sagot naman niya sa isip. Samantalang hinalikan ako ng mokong na yan na para bang ako lang ang babaeng mahalaga para sa kanya!
"Wala pa hong magkamali," pabirong sagot na lamang niya.
"Aba'y mahina na pala talaga ang mga binata sa panahon ngayon," sabi pa ni Tito Pancho na ikinatawa ng lahat. "Kung ako ang ibang binata riyan ay bilis-bilisan ko ang kilos at baka maunahan pa ako ng iba."
Ikinagulat at ipinagtaka niya na nang sabihin iyon ni Tito Pancho ay napatingin ang lahat kay Riley.
"Hindi ba, Riley, hijo?" sabi pa ni Tito Pancho sa binata.
Ngingiti-ngiti lang si Riley.
Naisip niyang marahil ang tinutukoy ni Tito Pancho ay ang mabagal na panliligaw ni Riley sa katabing si Diane. Hindi nga imposibleng sinimulan na nito ang panunuyo sa kababata nito.
Nakaramdam na naman siya ng lungkot dahil doon. At iniisip marahil ni Riley na wala itong mapapala sa katulad niya na hindi maganda ang tingin dito.
Tuluy-tuloy pa rin ang masayang kuwentuhan habang pangiti-ngiti lamang siya kahit ang totoo ay tila kay bigat- bigat ng dibdib niya.
"YOU'RE too slow, you know, Riley," ani Diane sa kanya habang nasa itaas na bahagi sila ng clubhouse. Pagkatapos ng maagang dinner nila ay nagyaya ang mama niya sa clubhouse upang mamasyal na rin. Naiwan ang iba dahil mas piniling sa bahay na lamang.
Silang dalawa ni Diane, parents niya, at si Drew ang magkakasamang nagtungo roon. Sumakay si Drew sa kotse ng parents niya habang magkasama naman sila ni Diane sa kotse niya. Nang makita niya kaninang sumakay si Drew sa kotse ng papa niya ay gusto sana niyang sabihing sa kotse na lamang niya ito sumakay. Gusto kasi niya ay malapit lamang ito sa kanya. Pero halata niyang sadyang umiiwas ito.
Kanina habang magkakasalo silang lahat sa dinner ay nakatingin lamang siya rito kapag hindi ito napapatingin sa direksiyon niya. Ngumingiti at nakikitawa ito ngunit malungkot ang mga mata nito na para bang may problema ito.
Mula sa puwesto nila ni Diane ay nakikita nila si Drew na nasa ibaba, sa bandang swimming pool, at doon umupo upang magpahangin. Iyon ang sabi nito nang magpaalam sa kanila na bababa lamang. May dinaanan pa ang mama at papa niya at doon nila hihintayin ang mga ito. Naroon sila ni Diane sa pinakaterasa ng clubhouse. Pareho silang nakadungaw sa ibaba. Open ang clubhouse at pa-terrace ang style ng itaas na bahagi kung saan naroon ang ilang restaurants.
"Hindi ko nga alam kung may epekto ba itong ginagawa natin, eh," nanlulumo nang wika niya kay Diane.
Nang gabing maganap ang halik na iyon sa pagitan nila ni Drew ay may nabuhay na pag-asa sa kanyang puso. Naramdaman kasi niyang tila may damdamin din ito para sa kanya. He hoped and prayed. Pero bigo siya, dahil pagkatapos ng sandaling pag-asa ay agad na namatay iyon nang marinig niya ang masakit na sinabi ni Drew tungkol sa kanya.
"Bulag ka ba? Of course, mayroon. Nagseselos na si Drew sa akin dahil ako nang ako ang pinapansin mo. I can see it," ani Diane.
"Really?" diskumpiyadong reaksiyon niya. "Bakit parang hindi ko makita?"
Nang dumating si Diane upang magbakasyon ng tatlong linggo sa bansa ay agad na naikuwento ng mama niya rito ang tungkol sa problema niya kay Drew. At nang magkita sila ng kababata ay agad na isinuhestiyon nito na tutulungan siya nito. Ito mismo ang nagsabing pagseselosin nila si Drew. Tutal naman daw ay hindi alam ni Drew na engaged to be married na ito in six months' time.
Parang magkapatid ang turingan nila ni Diane. Nasa high school sila nang mag-migrate ang mga ito sa Amerika. Ngunit hindi naputol ang komunikasyon nila. Kapag nagbabakasyon siya sa Amerika ay nagkikita sila. At sa bahay nila ito tumutuloy kapag nagbabakasyon ito sa bansa.
"She's jealous, Riley. I can tell dahil babae rin ako," anito sa kanya. "You know what? I think she feels the same way about you. Iyon nga lang siguro, may nararamdaman siyang takot sa reputasyon mo."
"Ilang beses ko na ngang ipinakita na hindi naman ako katulad ng iniisip niya. Pero ang baba pa rin ng tingin niya sa akin. Kaya nga natatakot ako na bigla na lang magtapat sa kanya."
Bago sila umalis ng Maynila para pumunta sa Tagaytay Highlands ay binilinan pa ni Diane ang mga tito at tita niya na hindi dapat banggitin ng mga ito kay Drew na engaged na si Diane sa ibang lalaki.
"Tutulungan lang po natin ang torpeng manok natin para makuha ang mahal niya..." Iyon ang eksaktong sinabi nito sa mga tito at tita niya. Kaya umani siya ng napakaraming kantiyaw mula sa mga iyon.
"You can tell her now, you know," ani Diane. "Sabihin mo kung ano ang nararamdaman mo. Then prove to her she can trust you. I'll vouch for you, don't worry." nakangiti pang wika nito.
"Ang hirap kasing kausapin ng babaeng yan, eh." nahihirapang wika niya. "Nag-aalangan ako dahil baka kapag nagtapat ako ay biglang matakot at iwasan na ako."
"Take the risk, Riley. If you love her, dapat ay handa kang patunayan iyon sa kanya hanggang sa mawala na lahat ng doubts niya. Kung iisipin mo ang ego mo ay baka maunahan ka katulad ng sabi ni Tito Pancho. Sige ka. Heto na ang isa."
Napakunot-noo siya nang makitang may lalaking lumapit kay Drew na agad namang nginitian ng dalaga. "Mukhang magkakilala sila," ani Diane. "At cute yong guy, ha? Ano, Riley, natataranta ka na ba?"
BINABASA MO ANG
I'm Addicted to Your Love
Romance|Complete| CEO × Secretary Mary Drew Antonio "How can I work for a man na hindi ko gusto ang ginagawa? Sa isang taong mapaglaro sa damdamin ng mga babae at napakapalikero?" Iyon ang sentimyento ni Drew ngunit napilitan pa rin siyang magtrabaho bilan...