~*~Damian,
Hindi ko alam kung paano makakarating sa 'yo itong liham ko na ito dahil pinakisuyo ko lang ito sa bagong sekyu ng front gate ng Beverly Heights, sa kapalit mo. Nagbabaka sakali lang ako na babalik ka at bibisita rito isang araw, para naman may matanggap ka mula sa akin at maisip mo ako. Siguro ay iniisip mo na ngayon kung bakit hindi ko na lang i-message o i-text sa 'yo ito. Pwede naman kasi 'yon, hindi ba? Siguro ay gusto ko lang na makita mo ang effort ko habang sinusulat ito. Bawat letra ng liham ay ikaw ang inspirasiyon ko. Nakakatawa dahil sabi ko, ayaw ko na, tama na, pero hindi pala ganoon kadali turuan ang puso na hindi magmahal. Nasaktan ako ng sobra dahil sa nangyari sa atin. Ni hindi ko alam kung paano makakausad gayong isa ka sa dahilan kung bakit ako patuloy na lumalaban sa hamon ng buhay. Saksi ka sa lahat ng paghihirap ko, sa lahat ng pagsubok na aking pinagdaanan. Nagsilbi kang salbabida sa akin sa kitna ng karagatan kaya noong niloko mo ako, parang tinanggalan ako ng karapatang maisalba ang sarili dahil ang salbabida na kinakapitan ko ay tuluyan nang nabutas at nasira.
Hindi ko ginawa ang liham na ito para saktan ka at ipaalam sa 'yo kung gaano mo ako nasira. Ginawa ko ito para maipatid sa 'yo na mahal pa rin kita, sobra-sobra. Kahit anong gawin kong taboy sa 'yo sa isipan ko ay patuloy ka pa ring bumabalik, nanggugulo. Ang kulit mo kaya sumuko na ako't hinayaan na lang ikaw na tumambay sa isipan ko. Noong mga unang araw na naghiwalay tayo, parang nawalan ako ng ganang magpatuloy sa buhay. Ang hirap bumangon kada umaga na ikaw agad ang naiisip ko. Tuwing ipinipikit ko naman ang aking mga mata sa gabi ay mukha mo pa rin ang siyang nakikita ko. Nakakatakot dahil ganito pala ang pakiramdam nang magmahal.
Siguro ay nasa US na ako oras na mabasa mo ang liham ko na ito. Gusto ko lang sabihin na ikaw pa rin, ikaw at ikaw pa rin ang pipiliin ko. Siguro ay bubuoin ko muna ang sarili, unti-unti hanggang sa maging maayos na ulit ang puso para 'pag balik ko diyan sa Pilipinas ay mas handa na ako, mas matalino mag-isip at mas malakas ang loob harapin ang mga problema na maaari nating kaharapin dalawa.
Hindi ko man nasabi ito sayo noon simula noong naghiwalay tayo pero gusto ko lang malaman mo na mahal na mahal kita. Alagaan mo ang iyong sarili. Hindi pa ito ang huli nating pagkikita.
Nagmamahal,
Keifer
BINABASA MO ANG
SEKYU 1 (BL) Completed
General FictionCOMPLETED Alam ni Keifer na malaki ang posibilidad niyang matalo sa laro ng pag-ibig oras na pasukin niya ang buhay ni Damian, isang sekyu sa katabi nilang subdibisiyon. Sadiyang makulit siya at hinayaan niya pa rin ang pusong mahulog ng husto sa mg...