~*~
Love,
Nagmistula akong preso sa loob ng aking tahanan. Tila ba naging kulungan ang apartment ko noong nawala ka. Kahit saan ako tumingin ay ikaw lagi ang naaalala ko. Malinaw kong naririnig ang mga tawa mo sa mga corny kong jokes. Sa tuwing tumitingin ako sa kusina ay tila ba nakikita kitang nagluluto ng paborito kong ulam na sinigang. Sobrang nahulog ako sa pagiging maasikaso mo. Naiparamdam mo sa akin na importante ako, na kamahal-mahal ako.
Ilang beses nang natapak-tapakan ang pagkatao ko sa pagiging Sekyu. Meron pa noon na tinutukan ako ng baril dahil hindi ko agad naitaas ang barrier ng gate. Ilang beses na rin akong naduraan sa mukha dahil sa akin napupunta ang init ng ulo nila kada umuuwi nang pagod sa trabaho. Sobrang baba ng tingin nila sa trabaho namin. Totoo nga ang sinabi ni Kuya Jerry, na marami ngang demonyo sa loob ng Beverly Heights, naturingang mayayaman pero asal hayop naman. Naalala mo ba noong araw na dinalhan mo ako ng ulam sa guard house? Noong umaga ay may sumampal sa akin na babae dahil nakawala ang aso nila at nakalabas ng subdibisiyon. Sinisisi nito kaming mga sekyu dahil hindi raw namin tinututukan ang pagbabantay ng lugar. Pati ba naman alaga nilang aso, kami pa ang titingin? Hindi ba responsibilidad na nila 'yon bilang amo ng alaga nila? Napagalitan ako ng Chief Area Officer namin dahil nag-report 'yong babae na 'yon sa kanila. Nasampal na nga ako, napahiya pa sa mismong assembly meeting. Kaya sobra na lang ang saya ko noong bumalik ka para magbigay ng ulam, bonus pa na sinabayan mo ako kumain. Ang lungkot kaya sa guard house dahil laging mag-isa, buti na lang simula noon ay lagi mo na akong binibisita. Araw-araw ay lagi akong excited pumasok dahil makikita kitang muli. Noong una ay akala ko'y normal lang itong nararamdaman ko ngunit sa tuwing umuuwi ka at iniiwan ako ro'n, hindi ko maintindihan ang sarili dahil sobra ang lungkot ko. Straight ako, Keifer. Gusto ko rin ng asawang babae, ng anak, ngunit ng makilala kita at maramdaman ang pagpapahalaga mo sa akin ay naisantabi ang pangarap ko na 'yon. Iniba mo ang pananaw ko sa pag-ibig. Ang akala ko'y hindi maaaring mahulog ang isang straight na lalaki sa isang bakla na kagaya mo pero napatunayan mo sa aking posible pala ito. Sa katunayan ay hindi bakla ang tingin ko sa 'yo, mas nakikita kitang kapares ng buhay ko.
Ang init ng pagmamahal mo ang nagtulak sa akin na alagaan at protektahan ka. Sa tuwing nakikita ko ang natamo kong peklat mula sa saksak ng tatay mo ay naaalala ko iyong panahon na umiiyak ka, nakasiksik sa ilalim ng lamesa, takot na takot na maabot niya. Sabi ko sa sarili ko ay hindi kita hahayaang mapahamak niya. Handa akong isangga ang sarili para lang protektahan ka. Noong oras na masaksak ang palad ko, mas iniisip pa rin kita. Sobrang sakit para sa akin noon na makita kitang umiiyak, may galos sa pisngi dahil kamuntikan ka na niyang masaksak. Pangit siguro pakinggan pero masaya ako na nagagawa kong iparamdam sa 'yo ang seguridad mula sa aking yakap. Kaya nga siguro nag-sekyu ako ay para protektahan ka. . . habang buhay.
Saksi ako sa mga pinagdaanan mo. Mas hinangaan kita dahil sa katatagan mo. Sa murang edad ay nagagawa mong tawanan ang pagsubok ng buhay. Pinalayas ka pa nga tatay mo at nakita kong oportunidad 'yon para mas mapalapit sa 'yo kaya inaya kitang tumira kasama ko. Sobrang saya ko noong pumayag ka. Pakiramdam ko ay sinagot mo na ako kahit hindi pa naman ako nangliligaw.
Doon ko napansin na parang nag-aalinlangan ka dahil nabanggit ko na may anak at asawa na ako. Set up lang naman 'yon para magkaroon ng parent figure si Dama. Namatay ang kuya ko at ang ate ni Shina kaya kahit hindi naman talaga kami magkarelasiyon ay nangako kami sa isa't-isa na kami ang tatayong magulang ng bata. Masaya ako na nalinaw ko ito sa 'yo. Nabawasan ang problema ko.
Humanap ako ng tiyempo para humingi ng permiso sa mga magulang mo dahil gusto kong manligaw sa 'yo. Sumakto pa na naaksidente ang tatay mo. Parang pinupunit ang puso ko habang nakikita ka na nagdurusa. At kapag minamalas ka nga naman, nakikigulo pa ang best friend mong si Hunter na bigla na lang sumulpot sa kawalan. Kung alam ko lang na diyan siya nagtatrabaho sa fast food na yan ay hindi na sana kita pinagtrabaho ro'n. Kaya naman kasi kitang buhayin. Nakakaraos naman tayo araw-araw at sa tingin ko'y sapat na 'yon para makasurvive tayo ng magkasama.
BINABASA MO ANG
SEKYU 1 (BL) Completed
Ficción GeneralCOMPLETED Alam ni Keifer na malaki ang posibilidad niyang matalo sa laro ng pag-ibig oras na pasukin niya ang buhay ni Damian, isang sekyu sa katabi nilang subdibisiyon. Sadiyang makulit siya at hinayaan niya pa rin ang pusong mahulog ng husto sa mg...