Napasigaw ako sa pagkakatulog ko. Napatayo sa pagkakahiga. Pinapawisan. Kinuha ko ang isang basong tubig na may takip sa ibabaw ng study table ko. Ininom. Salamat sa Diyos at nakabangon pa ako. Lunes na pala ng umaga. Papasok na ako sa school.
Nakita ko kasi sa bangungot ko ang isang babae na mahaba ang buhok, at naka itim na damit. Kinakaladkad nya ang katawan ng isang dalaga papunta sa isang bukas na pintuan. Yung dalaga, sigaw ng sigaw ng tulong habang pilit na ina-abot ang kamay nya sa akin.
Ganito ngayon ang pinag dadaanan ko bilang graduating student ng advertising. Ang daming projects na dapat tapusin. Palaging pagod, puyat, at stress. Kaya ilang gabi na rin akong palaging nanaginip ng hindi magaganda. Dibale, konting tiis na lang at matatapos na din ako.
May professor ako, si Mr. Quinto. Sa fine arts talaga sya pero teacher ko siya sa isang subject. Nasa 50's na sya pero single pa rin. Kina-i-inggitan ng ibang teachers kasi mayaman. Nakakapagtaka daw, paano magiging mayaman ang isang simpleng teacher lang.
Syempre hindi mawalala sa katulad ko na may natitipuhan na maganda sa school. Si Glenda. Ka-age ko, pero iba ang course nya. Fine arts. Nagtataka lang ako hindi ko na sya nakikita sa campus. Sana hindi sya nag drop or lumipat na ng ibang school. Inspirasyon ko pa naman sya.
Nabalitaan ko bago nawala si Glenda, huli nyang kausap sa gate ng school si Mr. Quinto.Sinilip ko ang facebook account ni Mr. Quinto. Puru mga paintings nya ang makikita mo. Mga nature na may kasamang mga diwata, dwende, encanto, sirena, tikbalang, kapre, at iba pa. Habang nag scroll pa ako, nakita ko ang mga pictures ng mga estudyante ng fine arts kasama si Mr. Quinto. Nakita ko din ang inspirasyon kong si Glenda. Pero may napansin ako. Sa lahat ng pictures na nakikita ko, malungkot at seryoso ang mukha ni Glenda, habang ang iba ay masasaya. At habang tinutuloy ko ang pag scroll ko, napapansin ko, nawawala ang kanyang ulo sa mga pictures. Bakit kaya ganito tanong ko sa sarili ko.
Any way sinabi ko kay Mr. Quinto na namamangha ako sa mga paintings nya. Sabi naman ni Mr. Quinto, kung gusto ko daw makita ng actual, sumama daw ako sa bahay nya sa Friday. Pumayag naman ako.
9pm na ako nakauwi. Galing sa bahay ng isang ka grupo ko sa project. Pagod. Kaya konting subo lang, tulog agad.
Nagising na naman ako ng pawis na pawis. Nakita ko na naman sa panaginip ang babaeng naka itim na may kinakaladkad na dalaga papunta sa isang pintuan. Pero sa pagkakataong ito, hindi sya humihingi ng tulong. Sumisigaw sya ng umalis ka na, umalis ka na. Ilang araw ko na napapanaginipan yan. Ayaw ko pansinin. Kailangan ko bumangon para hindi ma late sa school.
Hanggang ngayon kapag umiikot ako sa campus, hindi ko na nakikita ang inspirasyon kong si Glenda. Gusto ko sana magtanong sa mga classmates nya pero, nahihiya ako. Sa totoo lang, may pagka torpe ako. Palaisipan pa rin sa akin ang mga nakita kong pictures nya.
Nagkita kami ni Mr. Quinto. Pina alala ko na sa Friday sasama ako sa kanya. Tumingin lang sya sa akin at tumango. Hindi nakangiti. Seryoso mukha.
Friday ng umaga, nagising na naman ako. Nakita ko na naman sa panaginip ang babaeng naka itim na may kinakaladkad papunta sa isang pintuan. Sinisigawan ulit ako ng umalis ka na, umalis ka na. At nagtaka ako, hindi ko maigalaw ang katawan ko, at walang salita ang lumalabas sa bibig ko. Matinding panaginip ito. Hindi ko na ulit pinansin. Tayo, ligo, almusal, at viaje agad papasok sa school.
4pm nakaupo na ako sa parking lot malapit sa magara at mamahaling kotse ni Mr. Quinto. Then 5pm, nandyan na sya. "Pasok ka na iho halika na" bungad nya sa akin. Habang nasa viaje, tinanong ako kung mahilig ba ako sa paintings. Sabi ko tagatingin lang po. Nakaka mangha kasi. Tinanong ulit ako kung naniniwala ba ako sa mga nilalang gaya ng mga diwata, dwende, encanto, sirena, tikbalang, kapre, at iba pa. Sabi ko hindi po kasi hindi pa ako nakakakita. Tumingin sa akin si Mr. Quinto ng seryoso. At kinuha ko ang pagkakataong yun. Ako naman ang nagtanong sa kanya "Sir, bakit po mga elemento ang nasa paintings nyo?". At ang tugon nya sa akin "Alam mo iho, hindi lahat ng ginuguhit mo ay galing sa imahinasyon mo lamang. Minsan nandyan sila, nakikita mo. Kaya ginuguhit mo". Hindi ko naintindihan ang sabi nya pero tuloy pa rin ang aming kwentuhan.
Nakarating din kami sa gate ng bahay nya. Sa isang exclusive subdivision. Wow ang gaganda ng mga bahay. Binuksan ng isang matandang babae ang gate. Habang pumapasok ang kotse, nakatitig sa akin ang babae. Lumabas ng kotse si Mr. Quinto. Nung binuksan ko na ang pinto ng kotse, at lumalabas na ako, biglang may dalawang malalaking aso na pasugod sa akin. Pumasok agad ako sa kotse at sinara ang pinto. Aksidenteng nasagi ko ang lock ng compartment. Bumukas ito. Nakita ko ang isang ID. Kinuha ko. Nagulat ako. Picture ni Glenda ang nakita ko. Napapatanong ako bakit nandito ang ID ni Glenda.
"Senyang, sino nagpakawala ng mga aso" sigaw ni Mr. Quinto. "Hindi ko po alam. Wala pong gumagalaw sa kanila" sagot ng matandang babae. Dali daling kinuha ang mga aso. At dali dali ko din tinago ang ID ni Glenda sa bulsa ko.
Nung nakalabas na ako ng pinto ng kotse, may isa pang babae na lumapit kay Mr. Quinto. "Sir, yung lock nung pedestrian gate, nasira po. Ayaw na po mag lock" sabi kay Mr. Quinto. "Huh kelan pa? Maayos kanina yan nung umalis ako ha" tugon ni Mr. Quinto. "Hindi ko po alam. Basta nakita ko na lang po, ayaw na po mag lock" sagot nung babae.
Niyaya ako ni Mr. Quinto pumasok ng bahay. Isang malaking pintuan na may naka ukit na design. Ang ganda. Binuksan ang pinto. Pumasok si Mr. Quinto. Nung ako na ang papasok, bigla itong sumara. Binuksan ni Mr. Quinto ang pinto at nagtaka bakit sumara mag isa ang pintuan. Hindi ko alam kung ayaw akong papasukin o gusto na akong paalisin ng tadhana.Pag pasok ko sa loob, namangha ako sa ganda ng bahay. Malinis. Ang daming mamahaling display. Ang lawak. Niyaya ako sa isang kwarto. Pag pasok ko, ang dami ng paintings. Ang gaganda. Mga nature, mga abstract, at mga elemento. Pero isa sa mga paintings ang naiiba. Kinuha ang attention ko. Nilapitan ko. Tinitigan. Isang magandang babae na mahaba ang buhok at nakaitim na damit. Pinatong ni Mr. Quinto ang kamay nya sa balikat ko at sabi "Siya si Mahika Blangka", sabay abot sa akin ng isang basong malamig na tubig. "Uminom ka muna iho. Baka nauhaw ka sa haba ng viaje natin". Pagka inom ko, sabi ni Mr. Quinto, "gaya ng sabi ko sa yo, hindi lahat ng ginuguhit, galing sa imahinasyon. Yung iba, nakikita mo at nakaka salamuha mo". Pagkasabi ni Mr. Quinto nun, bigla akong nahilo.
Dumilat ang mga mata ko. Hindi ako makagalaw. Nakatali ako sa isang kama. Nakita ko na lang si Mr. Quinto na may hawak na injection. Mukhang tinurukan na ako kasi hindi ako makapag salita.
Maya maya, hinila ako ni Mr. Quinto palabas ng pinto. Nagulat ako sa nakita ko. Ang daming mga nilalang. Sila yung mga nakikita ko sa paintings. Nakatingin sa akin. Maya maya, lumapit ang isang magandang babae na mahaba ang buhok at naka itim na damit. "Gaya ng napag usapan natin Majica Blanca, eto ulit ang isa pang alay ko kapalit ng mga hinihingi kong dagdag yaman" narinig kong sabi ni Mr. Quinto.
Nakangiti ang babae at sabi "Sige tanggalin na ang kaluluwa nyan".
Kumuha ng kutsilyo si Mr. Quinto. Pumikit at nag usal ng dasal. Dumilat ang mga mata. Tinaas ang kutsilyo sa harap ko. Pero bago pa ito bumaba, bigla nya itong nabitawan at nabuwal siya sa sahig. Nakita ko ang isang babaeng may dalang pamalo. Si Glenda. Kinalagan nya ang tali sa katawan ko. Tinulungan akong makatayo. May inabot sa akin na bote. "Inumin mo agad ito" sabi nya. At matapos kong inumin, nakita ko unti unting nawawala ang mga nilalang at si Majica Blanca sa paningin ko. "Umalis ka na. Umalis ka na" sigaw nya habang unti unti rin siyang nawawala sa paningin ko. At dali dali nga akong tumakbo palabas ng pinto. Buti na lang nasira ang pedestrian gate kaya nakalabas din ako ng gate.
Pinarating ko sa mga otoridad ang pangyayari. Pinuntahan ang bahay ni Mr. Quinto, pero wala sya at maging mga kasama nya sa bahay. Sinabihan na lang ang mga gwardiya ng subdivision na sakaling bumalik na, mag message agad sa kanila.
Pag uwi ko sa bahay, napa isip ako. Hindi kaya yung nangyari sa akin ang mensahe ng mga panaginip ko? Yung pagkasira ng pedestrian gate ng bahay ni Mr. Quinto. Yung pagkawala ng mga aso nya na sumugod sa akin. Yung aksidenteng pagbukas ng compartment ng kotse para makuha ko ang ID ni Glenda. Yung pagsara ng pinto nung papasok na ako ng bahay, hindi kaya kagagawan ni Glenda lahat yun para umalis na ako? Biktima rin kaya ni Mr. Quinto si Glenda? Palaisipan pa rin sa akin hanggang ngayon ang mga nangyari.
Tanong. Nasaan na kaya si Glenda? At nasaan na rin, si Mr. Quinto?
Disclaimer :
Ang kwentong ito ay kathang isip lamang. Ang pangngalan, lugar, negosyo, kaganapan, at pangyayari ay produkto lamang ng imahinasyon ng may akda. Anu mang pagkakahawig sa mga aktwal na tao, nabubuhay, namatay, o kaganapan, ay sadyang nagkataon lamang.
Ang kwentong ito ay rated SPG. Striktong patnubay at gabay ng magulang ang kailangan. Maaring may maseselang eksena, lengwahe, sexual, horror, o droga na hindi angkop para sa mga bata.
BINABASA MO ANG
Ang Painting Ni Majica Blanca
HorrorIsang professor si Mr. Quinto sa isang unibersidad na nasa 50's at single pa rin. Pero ang pinagtataka ng mga co-teachers niya, bakit ito mayaman? Saan nanggagaling ang yaman nito? At si Glenda na isang fine arts student, bakit nawawala? Saan kaya s...