Halik sa Hangin

7 0 0
                                    

Malamig na dampi sa aking pisngi
Mainit na hanging bumabalot sa aking puso
Kasabay nito ay ang pagluhang muli
Na para bang ito na ang huli, na ito na ang dulo.

Kahapo'y nasa bisig ka pa.
Pakiwari'y nasa alapaap na
Bakit pagmulat wala ka na?
Naiwan akong durog na't nakasalampak sa lupa.

Pinipilit kong huminga, tumayo.
Pinipiling maglakad sa bubog ng mga alaala mo.
Bitbit ang sakit na dulot ng nagtapos nating kwento
Nagbabakasakaling muli tayong magtagpo kahit dito.

Daluyong ng alalaa'y tinatangay ako patungo sa kawalan.
Hawak ang muntik pag-asang ako'y iyong ililigtas, babalikan.
Ngunit ibinalik na lamang ako nito sa dalampasigan
Hindi ka pa rin dumating gaya ng inaasahan.

Pangako mo'y pagmamahal na hanggang sa huling hininga.
Sabi'y sabay tayong tatandang dalawa.
Ngunit hindi mo man lang ako binigyang paalala
Na baka isang araw mumulat na lang ako nang wala ka na.

Alaala mo sa isipa'y unti-unti nang naglalaho.
Tuluyan ka na bang mawawala sa akin?
Katanungang alam kong ang kasaguta'y hindi ko maisasatinig.
Dahil oras na ako'y tumalikod kasabay nito ang paglimot

Mga hikbi ko'y sumasabay sa hampas ng hangin
Isang malungkot na musikang bumabalot sa alaala natin.
Yapos ang sarili 'di para iwasan ang hampas ng hangin
Kundi para alalaahanin na minsan mga bisig mo ang yumakap sa akin.

Kasabay ng pagpikit ng aking mga mata
Ang pagdampi ng malamig na hangin
Tila pinupunasan ang bawat luhang umaalpas
Na para bang nagsasabing ito na nga ang wakas.

Mahal ko, maglaho man ang alaala mo sa isipan
Malimot man ang iyong ngiti at iyong pangalan
Ibaon man ng alon ng panahon ang ating nakaraan
Mananatiling ang puso ko'y sayo lang maiiwan. 

Ang kalmadong hangi'y sumugat sa aking labi ng munting ngiti.
Bumubulong ng mga salitang hindi man maintidihan
Malimot man pagdaan ng mga oras, araw o buwan
Mananatili namang nakatatak sa aking isipan

Nakaalis na ako sa ibabaw ng bubog ng nakaraan.
Mayuming hangi'y muli dumampi sa aking labi.
Tila nagsasabing tapos na, maaari na akong umuwi.
Hindi sa bisig ninuman, hindi sa alaalang naiwan
Kundi sa pagmamahal na paulit ulit ko na lamang babalikan.

Sa malamig na gabi
Kasabay ng pagtatapos ng aking hikbi
Ay ang muling pagbabalik tanaw sa'yong ngiti
At ang mumunting halik ng hangin sa labi
Sa pagpikit, iilang salita'y sa aking labi namutawi
“Mahal kita, patawad at hanggang sa muli”



Of Lines And Poetry Where stories live. Discover now