Kabanata 16

2.7K 202 64
                                    

KABANATA 16

Year 1937.

Nagniningning ang mga mata ng sampung-taong gulang na si Sandra habang nakatitig sa hawak-hawak.

    Isa iyong basong kristal na may lamang kulay rosas na kandila. Maliban sa paborito niyang kulay, namamangha siya sapagkat may kalakip daw na kapangyarihan iyon!

    "Tatlong sentimo na lamang, Sandra. Bilhin mo na sa 'kin!" pamimilit ng isang batang babae na mas malaki pa sa kanya—si Georgia.

    Nasa ika-anim na baitang na ito, habang nasa ika-apat pa lamang siya.

    Tumingala siya rito. "Eksaktong tatlong sentimo lang ang baon ko. Kung ibibigay kong lahat sa 'yo, anong ipambibili ko ng pagkain mamaya?"

    "Ano bang mas mahalaga sa 'yo?" Nagtaas ito ng kilay. "Pagkain o ang makausap ang iyong ina sa langit?"

    Napasinghap ulit siya at napatitig sa hawak. Sisindihan niya lang daw iyon sa gabi, at tatawagin ang pangalan ng kanyang namayapang ina. Pagkatapos, bababa raw mula sa langit ang kanyang Mama at kakausapin siya!

    Namulat si Sandra na ang Papa niya ang kasama sa buhay. Kung hindi sa mga larawan at kuwento ng ama, hindi niya malalaman na may nanay siya.

    Hindi na raw nakakausap ang mga patay. Ngunit nang alukan siya ng mahiwagang kandila, nasabik si Sandra at agad na naniwala. For her innocent little heart, she would believe anything that could let her meet the mother she never had.

    Ngayon lang may nagbanggit sa kanya na maaari palang makausap ang patay na. Dahil anghel na pala ang kanyang Mama. May pakpak na ito upang lumipad at bumaba minsan mula sa langit. Ngunit hindi raw ito papayagan ng Diyos na bumaba muli ng lupa. Kailangan daw muna ay sindihan niya ang mahiwagang kandila.

    Baka hindi pa batid ng kanyang Papa iyon!

    "Ano?" Itinapat ni Georgia ang palad nito sa kanya. "Magbayad ka na. Galing pa sa simbahan iyan at may dasal ng tiyuhin kong pari. Tiyak na mabisa iyan."

    Niyakap niya ang baso. Titiisin na lang ni Sandra ang gutom hanggang sa sunduin siya ng ama pagsapit ng uwian.

    Hinugot niya ang pera mula sa bulsa at ibinigay kay Georgia. Ngumisi ito at nagbilin na sa gabi lang niya maaaring sindihan ang kandila. Dapat din daw ay malapit sa bintana at nakatingala siya sa langit kung tatawagin ang pangalan ng ina.

    Hindi niya raw kailangang sumigaw. Malakas daw ang pandinig ng mga anghel.

    "Daghang salamat!" Tuwang-tuwa si Sandra. "Noon ko pa nais makausap ang aking Mama! Hindi pa yata batid ni Papa na may paraan upang makausap kahit patay na. Ang sabi niya ay wala na."

    "Huwag na huwag mo nga palang sasabihin sa iba ang tungkol sa mahiwagang kandila. Kung sasabihin mo, mawawala ang kapangyarihan niyan."

    "A-Ano?" Namilog ang kanyang mga mata. "Subalit ang nais ko, pagkatapos makausap si Mama ay si Papa naman ang kakausap. Matagal nang hindi sila nagkikita. Nangungulila ang aking Papa. Nais ko siyang lumigaya—"

    "Sandra, hindi mo nga maaaring sabihin sa iba! Lalo na sa matatanda!" mahigpit na bilin nito. "Maniwala ka sa 'kin. Kung hindi, babawiin ko na lang 'yan—"

    "Hindi!" Iniwas niya ang kandila rito. "Hindi na! Akin na ito! Binili ko na sa 'yo!"

    Inilagay ni Georgia ang pera sa bulsa. "Sumunod ka sa lahat ng ibinilin ko, maliwanag?"

    Tumango si Sandra. Umalis na si Georgia na may ngisi sa mga labi. Nakangiti rin siyang pumasok sa silid-aralan.

    Ingat na ingat siya hanggang sa maitago niya iyon sa loob ng bag. Bawal daw iyon mabasag. Mababawasan ang kapangyarihan!

Pagkatapos Ng Lahat (Valleroso #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon