Kabanata 1

4 0 0
                                    

Nakipagsiksikan ako sa dagat ng tao para lang makapasok sa palengke. Pinagpag ko ang madumi at maputik kong tsinelas bago magpatuloy sa paglalakad. Kailangan kong makabili ng gulay para may ulam kami mamayang tanghalian.

Kahit alas syete palang ay mainit na sa balat ang araw. Hinigpitan ko ang hawak sa aking pitaka dahil baka bigla itong hablutin ito nang kung sino man. Linggo ngayon kaya maraming tao sa palengke at sigurado akong marami ring mapagsamantala.

Tumungo muna ako sa bilihan karne sa dulong parte ng palengke para naman mas sumarap ang ulam namin mamaya. Pagkatapos ay dumiretso na rin ako sa bilihan ng gulay.

"Isang bugkos ng pechay nga po." Inabot sa akin ng tindera ang pechay kasunod ng isang tray. Inilagay ko na rin ang iba pang sangkap na kailangan ko pagkatapos ay nagbayad na rin.

"Matagal ka pa ba riyan?" Halos humiwalay ang kaluluwa ko sa gulat sa biglang pagsulpot ng kapatid ko.

"Masyado ka kasing nagkakape, tignan mo ang sarili mo masyado ka nang nerbyosa." Sermon niya sa akin.

"Sino ba kasing matino ang biglang susulpot sa kawalan?" Sagot ko sabay irap sa kanya.

"Tapos ka na ba?" Tanong ni Paulo.

"Pwede bang maghintay ka? Kaunti nalang at makokompleto ko na ang listahan na binigay ni mama." Napairap ito at kinuha ang mga pinamili ko.

"Tumakas ka na naman sa trabaho mo. Talagang isusumbong kita sa amo mo." Tumigil siya sa paglalakad kaya napatigil din ako.

"Huwag ka ngang pakialamera, nagpaalam naman ako." Hagya akong napangiti dahil alam kong naiinis na siya sa akin.

"Ang init-init. Bakit hindi ka nagdala ng payong?"

"Marami na nga akong pinamili makakasagabal lang ang payong sa paglalakad ko." Kita ko siyang umiling.

"Hindi na nga maganda ang iyong balat ay sisirain mo pa lalo." Asar niya kaya nakatanggap siya sa akin ng isang malakas na batok.

"Aray! Bakit ka ba nananakit totoo naman ang sinasabi ko ah?"

Hindi ko siya inimik.

Naramdaman kong lumapit siya sa akin habang naglalakad kami palabas ng palengke.

"Patawarin mo na ako. Biro lang naman nagmamaktol ka na kaagad diyan."

Hindi ko pa rin siya pinansin bagkus ay tumungo nalang sa bilihan ng niyog. Ramdam kong nakasunod pa rin sa akin ang kapatid ko.

"Bumili ka nalang ng gaas para magkasilbi ka naman." Utos ko sabay abot ng dalawang pirasong perang papel.

"Kapag sinunod ko ba ay hindi ka na magagalit sa akin?" Wala akong nagawa kundi tumango dahil alam kong hindi siya aalis hangga't hindi ko siya sasagutin.

"Magkita nalang tayo sa botika." Nakangiting sabi niya. Wala sa sariling napailing ako habang nakangiti.

"Sisenta lahat, hija." Inabot ko sa babaeng tindera ang bayad ko.

Nang matapos kong mabili ang iba pang nasa listahan ay tumungo na agad ako sa may botika. Nakita ko siyang nakatayo sa lilim habang pinapaypayan ang sarili gamit ang kanyang kamay.

"Doon na lang tayo sumakay sa may panaderia para konti nalang ang lalakarin natin." Binuhat niya ang mga pinamili namin bago maunang maglakad.

"Uuwi ka sa bahay?" Tanong ko. Sa pagkakaalam ko ay pang araw ang trabaho niya.

"Nagpaalam ako sa amo ko na gagawin ko ang sirang banyo natin. Inabot ako ng madaling araw kagabi kaya pumayag rin siyang lumiban muna ako."

"Para!" Itinaas niya ang kanyang kamay para mapatigil ang isang kuliglig na walang pasahero.

In his Cold Embrace Where stories live. Discover now