Paano kung mamatay ako?
Isang tanong na malalaman ko lamang ang kasagutan kung mamamatay ako.
Isang minuto na lamang ay malapit nang mag alas sais ng gabi. Kasalukuyan akong nakatulala sa lubid ng duyan ng pamangkin ko na nakasabit sa kisame dito sa silid ng aking nakatatandang kapatid na babae. Wala akong ibang kasama sa bahay sa oras na ito kaya malaya kong gawin ang nais kong pagkitil sa sarili kong buhay.
Oo, gusto ko nang mawala sa mundong ito. Gusto ko nang matapos ang mapait na buhay na mayroon ako. At kung mamamatay man ako, mayroon bang malulungkot sa pagkawala ko? Mayroon bang iiyak sa burol ko?
Marahil bilang lang sila sa aking mga daliri at sa tuwing gumuguhit sa imahinasyon ko na masasaktan sila sa pagkawala ko, mas lalo lamang umuusbong ang kagustuhan na tapusin ang hininga ko.
Gusto kong makitang nasasaktan sila sa kung paano ako masaktan ngayon. Gusto kong makita silang sinisisi ang kanilang mga sarili dahil ni minsan ay hindi nila nagawang kamustahin ako. Gusto kong makita ang magiging reaksyon nila kapag nakita nilang wala na akong buhay. Kung matutuwa ba sila o masasaktan din.
Ngunit kung mamamatay ba ako, makikita ko ba ang mga iyon? Posible kayang humiwalay lamang ang aking kaluluwa mula sa aking katawan at patuloy ko silang makikita? Maririnig ko ba ang kanilang pagtangis at huling mensahe para sa akin?
At kung posible man na makamit ko ang inaasam ko, ano ang sunod kong hakbang? Saan kaya ako paroroon?
Totoo nga ba ang langit at impyerno na mula't ako ay musmos ay maaga sa aking naipamulat ng aking ina at simbahang aming dinadaluhan?
At kung mamamatay man ako, anong kapalaran ang nakatakda para sa akin?
Nanginginig ang buo kong kalamnan nang ihakbang ko ang aking mga paa palapit sa duyan. Inabot ko ang dulo ng lubid ng duyan na nakatali sa kakahuyang kisame sa pamamagitan ng pagtung-tong sa upuan. Inalis ko ito sa pagkakatali saka ako bumaba mula sa upuan.
Disidido na ako. Gusto ko nang makalaya sa lahat ng hinanakit na dinadanas ko. Gusto ko nang makatakas sa malupit na mundong ito.
Walang ibang laman ang aking isipan kundi ang kagustuhan na matapos na ang lahat sa akin kaya unti-unti kong nilapit sa aking leeg ang lubid at pinalibot ito. Kasabay ng pagpatak ng butil ng luha mula sa aking mga mata ay ang paghila sa magkabilaang dulo ng lubid at unti-unting sinakal ang sarili.
Sa una ay rinig na rinig ko pa rin ang biglang pag pintig ng aking puso. Tila ako nabibingi at mas lalong nagngitngit ang aking pakiramdam.
'Kailangan mong higpitan!'
Ang bulong ng aking isipan. Mariin kong nakagat ang ibabang labi nang tuluyan kong higpitan ang pagkakahila sa magkabilaang dulo ng lubid. Ramdam ko ang unti-unting pagbigat ng aking hininga at pagkawala ng lakas ng aking mga kamay na nakahawak sa lubid. Muling pumatak ang huling butil ng luha mula sa aking mga mata bago dahan-dahang bumigat ang aking mga talukap at yakapin ng kadiliman.
BINABASA MO ANG
What if I die?
Non-FictionWhat if I die? A never-ending question of Joy Alvarez whose desire is to die.