Ang Maging Guro...

1.7K 7 1
                                    

Hindi madali ang maging guro.

Mula sa apat na taong pagbubuno ng utak, katawan at panahon sa pag-aaral hanggang sa kasalukuyan…hindi natatapos doon ang pagiging isang guro.

          Sa totoo lang, ni sa hinagap ay hindi ko pinangarap na maging guro. Maging isang sikat na Broadcaster katulad nila Mel Tiangco, Korina Sanchez, Vicky Morales ang tangi kong gusto. Ngunit kung minsan, hindi na sarili mong kagustuhan ang mas uunahin mo, kundi ang kapakanan ng iyong pamilya. Naging praktikal ako, mas madaling makahanap ng trabaho kapag nakatapos ng pagiging guro…at iyong ang kinuha kong kurso.

          Marami akong pinagdaanang hirap, maging mga balakid noong ako’y nag-aaral pa. Doon ko naranasan ang magtiis ng gutom upang pagkasyahin ang perang baon na ibinigay sa akin; umiyak sa mga batikos na ibinabato sa akin ng ilang kamag-aral…ilan lamang ito sa mga nagbigay ng hamon at inspirasyon sa akin upang mas lalo ko pang pagbutihin ang aking pag-aaral.

          Natapos ko nang maluwalhati ang aking kurso at papunta na ako sa tunay na direksyon ng aking pinili… Dahil sa udyok ng ilan sa mga naging guro noong hayskul nagpasya akong mag-apply sa aking Alma Mater, sa Meycauayan High School. Noong makapasok na ako, tanging laman ng isip ko na makapagtrabaho na para magkaroon ng suweldo. Wala sa hinagap ko na mamahalin ko nang lubusan ang propesyon kong ito.

          Sa una’y parang laro lamang ang pagtuturo sa akin ngunit kinalaunan doon ko natuklasan ang kasagutan kung bakit ang pagiging isang guro ang pinapili at ibinigay sa akin ni Lord.

         

          Sa pagtuturo ko naranasan ang makinig nang lubusan sa mga bata.  Damhin isa-isa ang kuwento ng kanilang buhay. Sila na mga kabataan na uhaw sa karunungan ngunit mas uhaw sa taong handang makinig sa kanila. Hindi ko sinasabing lahat sila ganito; mayroon ding mga pasaway, mga sakit sa ulo, mga nagpapansin…subalit lahat ng mga klaseng ito ng bata ay may kanya-kanyang pinagdaraanan, mga dahilan kung bakit sila nagkakaganito. Dito…dito ko naranasan yung maging ina sa kanila; maging ate, na labas na sa aking pagiging guro.

          Nakakataba ng puso na kung minsan nakakatanggap ako ng mga sulat o kard na naglalarawan ng kanilang saloobin, paghanga at pasasalamat sa akin. Kahit na ang mga mag-aaral na ito ay naturuan ko na nang higit sa siyam na taon; kaligayahan ng aking puso na makita silang bumabalik at natutong lumingon sa kanilang paaralang pinagtapusan. Isa ako sa “proud” na guro nila sa tuwing sila ay bumabalik na may natapos na.

          Sa kabila ng lahat, di ko pa rin maiiwas ang aking sarili sa ibang mga problema sa loob ng paaralan na nagbibigay sa akin ng kalungkutan, na nagpapahirap sa akin… ngunit sa tuwing nakakaharap ko na ang mga bata, doon ko nare-realize lagi “Masaya ang mabuhay bilang guro.”

          Nanalo na ako sa iba’t ibang patimpalak; nahirang na maging Natatanging Guro sa Filipino; naimbitahan bilang Resource Speaker, Judge sa iba’t ibang patimpalak; nakapagsulat ng libro, mapromote bilang Head Teacher at mapagkatiwalaan at mahalin ng mga nakatataas sa akin...Oo, mga karangalan ko ito; mga karangalan kung hindi dahil sa Lord, hindi ko ito makakamit.

          “Life is not a series of chances, it’s a series of choices.” Pinili ni Lord na maging buhay ko ang maging guro upang maka-touch at maging inspirasyon sa mga mag-aaral. Kaya naman “I’m very proud to be a TEACHER!!!”

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 05, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Maging Guro...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon