PATUNGO na sina Pros at Charizze sa bahay ng mga Sy. Natural, kinakabahan ang huli.
"Tiyong, hindi ba panloloko ang gagawin natin?" Muli siyang binabagabag ng konsiyensiya.
"Alin ang panloloko? Marunong ka naman ng self-defense. Qualified ka, iyan ang itanim mo sa isip mo! Alalahanin mo ang hirap mo nitong nagdaang mga araw, aba!"
"Pero, Tiyong... paano kung may mangyari sa guguwardiyahan ko? Paano kung hindi ko maipagtanggol?"
Inihinto na nito ang owner-type jeepney sa labas ng gate ng pamilya Sy.
"Charizze, naririto na tayo. Wala nang urungan ito. Isipin mo ang sampung libo, ang kinabukasan mo. Huwag kang mag-alala, lagi naman akong aalalay sa iyo, eh," suporta nito. "Iyong technique na itinuro ko... baka makalimutan mo. Si Mrs. Sy lang naman ang kailangan nating i-impress, eh."
"Bahala na nga kayo," patiayon na lang niya.
MATAMANG tiningnan ni Mrs. Sy si Charizze mula ulo hanggang paa. Ang pakilala ng tiyuhin sa kanya ay dating policewoman sa probinsiya nila sa Ilocos.
Nagliwanag ang mukha ni Mrs. Sy. "Ilokana ka?"
"Wen, Ma'am," sagot niya.
Kinambatan nito ang kanyang tiyuhin sa isang tabi, medyo lumayo nang kaunti sa kinatatayuan niya.
"Prospero, sigurado ka bang kaya niyan ang maging bodyguard? Aba'y kaliit-liit ng katawan at payat pa," buong pagdududang bulong nito sa lalaki.
"Ma'am, maliit lang po siyang tingnan dahil slim, hindi po payat. Five-three ho ang taas niyan. Saka mahusay raw talaga, sabi n'ong nagrekomenda sa akin," pabulong ding sagot ng kanyang tiyo. "Gusto n'yo, subukan natin?"
"Sige, kapag napabilib ako, tanggap na siya ngayon din at tuloy rin ang pangako ko sa iyo."
Lumapit ang tiyo sa kanya. "Miss Noval, nais ni Ma'am na bigyan natin siya ng isang exhibition game."
"Sige ho," sang-ayon naman niya.
"Doon tayo sa garden," sabi ni Mrs. Sy.
Nagpatiuna na itong lumakad, kasunod silang magtiyo.
Tumalikod siya at anyong patraidor siyang aatakihin ng tiyuhin mula sa likod. Nang a la-Cynthia Luster, umikot siya, sabay igkas ng kanang paa.
Tilapon ang kanyang tiyo, baligtad sa bermuda grass. Sapol ito sa dibdib. Napatili si Mrs. Sy, palibhasa'y hindi yata sanay makasaksi ng karahasan.
Mabilis niyang sinaklolohan ang tiyuhin. Totoong napalakas ang sipa niya. Aalalayan sana niya itong tumayo ngunit hinila siya nito.
Mabilis ang kanyang reaksiyon. Binigyan niya ito ng karate chop, sabay ipit sa leeg.
"Akk. Teka... " Akala siguro nito ay nadurog na ang gulung-gulungan nito.
Niluwagan niya ang pagkakaipit ng braso sa leeg nito, muling diniinan nang gumalaw ito, saka pinakawalan at inalalayan itong tumayo.
Himas-himas nito ang nasaktang leeg. "Bakit tinotoo mo?"
"Pasensiya na po, nadala lang ako," hinging-paumanhin niya rito.
Napapalakpak naman si Mrs. Sy, walang dudang hangang-hanga sa kanya.
"Very good. Maari ka nang magsimula ngayon," sabi nito.
NAIILING na napatawa si Leo habang nagmamasid sa mga pangyayari mula sa veranda ng kanyang silid. Halatang gimick lang iyon ng dalawa. Hindi siya naniniwalang kayang patumbahin ng babaeng sa tingin niya'y wala pang ninety pounds ang lalaking mahigit isandaan at limampung libra yata ang timbang.
YOU ARE READING
My Love My Heroine - Maureen Apilado
RomantikDahil sa pangungulit ng inang napa-paranoid na sa sunud-sunod na kidnappings, napilitang makipag-kompromiso si Leo. Pumayag itong magkaroon ng bodyguard ngunit kailanga' y babae. At hindi basta babae kundi babaeng maganda. Kahit hindi naman totoong...