Chapter 12

834 16 0
                                    

Kasalukuyang taglamig nang dumating sa Amerika si Charizze. Kahit naninigas ang kanyang mga panga, lumabas siya, tuwang-tuwa, dumakot ng snow, at inihilamos sa mukha. Buong paghangang iginala niya ang paningin—puting-puti, parang sinabugan ng tone-toneladang bulak.

Nagpalipas siya ng ilang araw bago nangahas na tawagan si Leo. Nasa Singapore pa lang sila, pinag-aaralan na niya kung ano ang sasabihin niya rito. Hindi naman siya umaasang magkikita sila. Makumusta lang niya ang binata ay sapat na sa kanya.

Nanginginig ang kamay niya habang idinadial ang numero ng telepono na ibinigay ni Tiyo Pros. Naghahalo ang excitement niya at nerbiyos.

Nang mag-ring ang telepono, hindi na niya alam kung ano ang sasabihin; lumipad na lahat. Nang walang sumagot sa kabilang linya, hindi niya malaman kung malulungkot siya o makakahinga nang maluwag.

Muli niyang nirepaso sa isip ang mga sasabihin kay Leo. Determinado siyang makausap ang binata. Ang layu-layo ng pinanggalingan niya, sayang naman kung ngayon pa siya maduduwag.

Apat na beses niyang sinubukang kontakin ito nang araw na iyon, ngunit nanatili siyang bigo, tulad din ng mga sumunod na araw.

Nangangati na naman ang kanyang balat. May taglamig siya. Kinuha niya ang lotion at naglagay sa braso, tiyan, at binti. Kung bakit kasi kapag nalalamigan siya, pinapantal ang buo niyang katawan. Napakasarap pa namang kamutin.

Hindi siya nawalan ng pag-asa. Siguro, may pinuntahan lang si Leo. Nagpalipas ulit siya ng isang linggo, saka muling tumawag. Gayon na lang ang panlulumo niya nang hindi na mag-ring ang telepono. Operator ang sumagot: "The number you dialed is not yet in service." Putol ang linya. Ibig niyang maglupasay ng iyak.

Hindi na siya nagagandahan sa kanyang paligid. Hindi makasanayan ng kanyang katawan ang sobrang lamig. Kahit suson-suson na ang makakapal niyang damit, nanunuot pa rin sa kanyang buto ang ginaw. Pakiramdam niya, pati dugo niya, nagyeyelo na.

Napakalayo ng Pilipinas sa Amerika. Wala siyang kakilala maliban sa kanyang employer na tuwing gabi lang naman niya nakikita. Ni hindi siya makalabas. Hindi rin niya makontak si Leo. Noon lang siya nakadama ng labis na pangungulila sa kinalakhang bayan.

Unti-unting nagupo ang kanyang naturalesa. Madalas na siyang magkasakit. Mas mahaba pa ang panahong inilalagi niya sa kama kaysa sa ipinagtatrabaho niya.

Pagod na siya sa kahihiga. Kahit nanghihina, tumayo siya, hinawi ang makapal na kurtina sa kanyang kuwarto, at tumingin sa labas. Napabuntung-hininga siya. Ang snow na pinapangarap niyang mahawakan noon kapag nakikita niya sa postcard, maganda nga lang palang tingnan.

Lalong nakakadagdag sa nararamdaman niyang depression ang tila walang-katapusang kaputian ng niebe. Pakiramdam niya, parang hindi na niya matatapos ang tagginaw.

Nanghihina siya. Hindi na siya nawawalan ng ubo at sipon. Laging masakit ang kanyang likod at dibdib.

Hiyang-hiya na siya sa kanyang employer. Nagkakagastos na nga ang mga ito sa kapapagamot sa kanya, hindi pa rin niya nagagampanan ang kanyang trabaho. Si Lester ay araw-araw na lang inilalagak ng among babae sa baby-sitter.

Ayaw niyang mamatay sa ibang bansa. Kung mamatay man siya, mas gugustuhin niyang mamatay sa sariling bayan. Kahit paano, paglalamayan doon ang kanyang bangkay. Kahit paano, may iiyak at magdadasal para sa kanyang kaluluwa.

Nang makaramdam siya ng kaunting kaginhawahan, nagpaalam na siya sa mag-asawa. Sinabi niyang siya na lang ang bahala sa pamasahe niya pauwi sa Pilipinas. Ayaw niyang makabigat pa sa mga ito.

Nakita naman ng mag-asawa na nahihirapan siyang makarecover sa ginaw kaya hindi na siya pinigilan. Likas na maunawain ang mag-asawa. Matapos tiyakin ng doktor na makakayanan na niya ang magbiyahe, ikinuha na siya ng ticket na sagot pa rin ng mag-asawa. Ibinigay nang buo ang kanyang sahod at ipinamili pa siya ng ipapasalubong sa Pilipinas.

My Love My Heroine - Maureen ApiladoWhere stories live. Discover now