Nakapangalumbaba akong nakatingin sa mga kamahalan. Sila ay may ginagawang ensayo sa araw na ito. Kanina pa ako narito pagtapos pa lang ng aking klase. Gustong-gusto ko talaga na pinapanood ang mga ito dahil pakiramdam ko ay nahahasa din ako sa paggamit nila ng mga armas kahit pa hindi ko naman ito nahahawakan.
Mas humahanga ako sa paghawak ni Princess Nirvana ng pana at palaso. Minsan ay napapaisip ako na baka mahirap itong gamitin lalo’t kailangan mo itong kontrolin. Pumikit ang isang mata ni Princess Nirvana at sinesentro ang kanyang pana at palaso. Pagkatapos ay pinakawalan niya ito at tumama sa pulang pintura ng dayami.
Napangiti ako dahil sa kanyang galing sa paggamit nito. Sunod kong tiningnan ang aking mga kapatid. May kanya-kanya din silang ginagawa. Ito ay paggamit naman ng espada. Minsan ko ng nakita na mag-laban ang mga ito noong maliit pa lamang ako. Bihasa ang aking mga kapatid sa paggamit ng espada dahil ito ang aming pangunahing sandata sa Vebotija.
Sunod ay si Huzaifah. Wala ang nakakatandang kapatid nito na si Prince Hamzah dahil hindi naman ito naglalagi sa palasyo katulad ng kapatid ni Sirgun. Kung kaya’t ang narito lang sa aming palasyo ay si Princess Nirvana, Hamzah, at Sirgun.
Ang pangunahing sandata ng Lactu Fexa ay bomba. Sila din ang pinagkukuhanan ng bawat palasyo dahil ang lugar na ito ang pagawaan ng bomba. Kung kaya’t habang pinapanood ko si Huzaifah na hasa sa pagkukumpuni nito ay sadyang kahanga-hanga.
Sunod na dumako ang tingin ko kay Sirgun. Seryoso itong nagpapaputok ng baril at laging tumatama ito sa target niya. Ang pangunahing sandata naman ng Les Dolzovia ay isang baril. Bihasa sila sa paggamit nito. Nakakamangha siyang panoorin. Sa totoo lang ay siya at si Princess Nirvana ang madalas kong panoorin. Hindi ko maiwasan na talagang mamangha sa kanilang abilidad.
“Mas’yado ka namang titig na titig sa prinsipe, mahala na prinsesa.”
Lumitaw sa harap ko si Adina at may dala itong pagkain. Nakita ko sa kanyang likod si Doria na may dala-dala din.
Ngumiti ako sa kanya at umayos ng upo. Nakangiti itong inayos ang pagkain sa aking gilid bago naupo sa aking tabi. Nakatingin siya sa mga nag-eensayo.
“Nakakatuwa na malaya mo nang gawin ang nais mo, mahal na prinsesa. Hindi man ikaw makalabas sa palasyo ngayon ay natitiyak kong sa susunod ay magagawa mo na ‘yon. Natutuwa din ako na may mga kaibigan ka na. Sana’y magtuloy-tuloy na ito.”
Ngumiti ako at tumingin din sa parehong direksyon kung saan nakatingin si Adina.
“At masaya akong nasa aking tabi ka, Adina. Kung hindi dahil sa'yo tingin ko’y hindi ko rin naman magagawa ang mga bagay na ito. Pinalakas mo ang aking loob.”
“Kumpara sa mga bagay na ginawa ng pamilya mo para sa akin, at sa bagay na pinaramdam mo sa akin ay walang wala ito sa nagawa ko para sa'yo, mahal na prinsesa. Ang tanging hiling ko lamang sa'yo ay maging masaya ka. At unti-unting matupad ang iyong mga ninanais.”
Nilingon ko siya. Nahahabag ako sa kanyang mga sinasabi ngunit hindi ko maiwasang isipin ang lalim ng kanyang salita.
“Bakit tila ika’y namaalam sa akin, Adina?”
Natawa ito at hinawakan ang aking kamay
“Ano ka ba naman, mahal na prinsesa! Nais ko lang ibahagi ang aking damdamin. Hindi ako namamaalam. Masaya lamang ako bilang iyong katuwang.”
“‘Wag kang aalis, Adina. Huwag mo aking iiwan. Hindi ko alam paano ako kung wala ka. Pero kung sakaling dumating ang panahon na ika’y iibig at nais ng lumisan ay hindi naman kita pipigilan.”
Namula ang pisngi nito kaya naman natawa ako sa kanyang reaksyon.
“Mas’yado pang maaga para diyan. Hindi ko pa nakikita ang aking sarili sa ganyang bagay.”
YOU ARE READING
Scarlet of Arrows (Book 1)
FantastikScarlet of Arrows Trilogy (Season 1) Originally Started: July 2014 Started: November 30, 2021 Status: on-going ✿✿✿✿✿✿ Ang buhay na mayroon si Cresentia ay hindi katulad ng mga batang prinsesa sa isang palasyo. Sa batang edad na labing-limang ta...