Dinig sa buong kabuuan ng bayan ng Milagrosa ang malakas na tunog ng kampana ng lumang simbahan sa gitna ng bayan. Tahimik na nakaupo si James Michael Del Fierro sa loob ng kan'yang sasakyan habang pinagmamasdan ang pagsasalimbayan ng mga tao. Animo isang fiesta ang pagsalubong ng bayan ng Milagrosa sa pagsisimula ng unang araw ng Simbang Gabi.
Nakaparada ang sasakyan ni James sa hindi kalayuan sa simbahan. Hinihintay niyang magsimula ang misa bago siya tuluyang bumaba. Bago lamang siya sa lugar na iyon, kalilipat lang niya nitong nakaraang araw. Dito ang bagong project na ibinigay sa kaniya ng Architectural Firm na pinagtatrabahuan niya.
Nakalakihan ni James ang tradisyon ng pag-buo ng labing dalawang araw na misa bago sumapit ang kapaskuhan. Kaya naman ng makapag-settle sa bagong tirahang nilipatan ay agad niyang inalam kung nasaan ang simbahan ng lugar.
Naaliw siyang tingnan ang iba't-ibang dekorasyon at pailaw sa harapan ng lumang simbahan, na sa wari niya ay itinayo pa noong panahon ng Kastila. Mayroon ding peryahan sa plaza na dinarayo ng maraming tao. Napakaganda ng ayos ng simbahan na lalong nakapagpadagdag sa kakaibang mahikang dala ng unang araw ng Simbang Gabi sa mga mamayan. At isa na si James sa nabighani ng mahikang iyon.
"I have a good feeling about this place," saad niya sa isipan.
Nang muling tumunog ang kampana ay napagpasyahan na niyang bumaba ng sasakyan at pumasok sa loob. Eksaktong alas-kuwatro na ng madaling araw, magsisimula na ang misa.
Nakasanayan na niyang maupo sa upuang malapit sa choir kapag nagsisimbang gabi, kaya naman kahit sa bagong lugar at simbahan ay agad siyang naghanap ng mauupuan na malapit sa kinapupwestuhan ng mga choir.
"Oh, holy night. The stars are brightly shining. It is the night of our dear Savior's birth..."
Taimtim sana siyang sasabay sa pagkanta ng mapako ang kaniyang mga mata sa napakagandang dilag na nasa unahan ng choir.
"Bumaba na ba ang anghel sa lupa?" marahan niyang anas sa sarili, habang mataman niyang tinititigan ang dilag na siyang soprano ng choir. Napakalamyos ng tinig nito na wari nangungusap sa kaniyang puso.
"Long nana the world, in sin and error nananana. 'Til He appeared, and nananana it's worth. A thrill of hope, and weri weri nananana..." malakas na pagsabay niya sa pagkanta. Hindi niya pansin na pinagtitinginan na siya ng mga katabi at pilit na pinipigilan ng mga ito na mapalakas ang tawa sa sintunado at iba-ibang lyrics na pagkanta niya.
Nagalak ang puso ni James nang sumulyap sa gawi niya ang dilag at gumuhit ang isang tipid na ngiti sa labi nito, habang patuloy ito sa pagkanta. Hindi na masyadong naintindihan ni James ang misa ng pari dahil ang buong atensiyon niya ay naka-focus na sa magandang dilag sa kaniyang harapan. Sa maraming taon niyang nagpapalipat-lipat ng destinasyon, ngayon lang niya aamining nabighani siya ng isang babae at mukhang tinamaan na yata ni kupido ang puso niya.
"Let us offer each other a sign of peace. Peace be with you all..." sambit ng pari.
"I DO!" biglang sambit ni James ng malakas. Hindi na napigilan ng mga tao sa paligid niya ang impit na hagikhikan. Pati ang paring narinig yata ang sinabi niya ay may ngiti sa labing napatikhim, bago nito itinuloy ang pagmimisa.
Napakamot sa batok niya si James, mangani-ngani ng batukan niya ang sarili dahil sa nasambit. "Saan nanggaling iyon James Michael? Hindi ka naman ikakasal para sumigaw ka ng 'I Do,' get a grip of yourself!" sita niya sa sarili sa isipan.
Tagilid ang ngiting muli siyang sumulyap sa gawi ng magandang dilag. Nakita niya ang isang malawak na ngiting nakapaskil sa labi nito habang nakatingin din sa gawi niya. Hanggang sa matapos ang misa ay walang naintindihan si James. Okupado ng magandang dilag ang atensiyon niya.