In God's Hand

179 12 27
                                    

Mayroong isangdaan at dalawampu't isang dahilan kung bakit hindi para sa iyo ang kwentong ito ngunit mayroong isang dahilan para paglaanan mo ito ng kahit maikling panahon.

Tao kang katulad ko na nabubuhay sa mundo. May damdamin. Marunong magmahal, masaktan, matakot, magalit at natutuksong gumawa ng masama minsan. Nakakasakit ng kapwa na hindi inaasahan, nakakapagsalita na masasakit at nakakaisip ng mga kalokohan.

Ako si Cara. Unica hija, aspiring writer at hindi pansin ng lipunan. Nakatirintas ang buhok, nakasuot ng makapal na salamin, laging mag-isa, tampulan ng tukso at may pusong sugatan. Wala akong maituring na totoong kaibigan. Ilang beses akong naiwan ng mga kaibigan at ng taong minsan kong minahal. Ang matalik kong kaibigan ay kinalimutan ako matapos kong maging isang tapat na sandigan. Matapos kong mahalin, ikinahiya ako at hindi pinansin ang pag-ibig naisinigaw ng puso ko. Minsan akong nagka-nobyo, umasang siya na pero matapos ang isang taon ay iniwan niya ako para sa iba.

Maaga akong nagpunta sa simbahan Linggo ng umaga. Dinala ako roon ng aking mga paa kahit ayaw ng utak at ng puso ko. Masama ang loob ko sa kanya. Araw-araw naman akong nagdadasal. Linggo-linggo akong nagsisimba pero hindi niya pinapakinggan ang mga dasal ko. Pakiramdam ko ay hindi ako tanggap ng mundo at maging siya ay hindi ako mahal. Habang nagse-sermon ang pari, lumilipad ang isip ko. Tahimik akong nakatingin sa kanyang imahe sa altar habang tinatanong kung bakit. Bakit niya ako hinahayaang masaktan at mahirapan ng ganito? Bakit palagi niyang ipinagkakait ang lahat ng bagay na gusto ko?

"Kanina ka pa tahimik ah, may problema ka ba? Umiyak ka ba kaya namamaga ang mga mata mo?" Tanong ng kaibigan kong si Bridget habang naglalakad kami pauwi.

"Lahat yata ng sakit ng dibdib at kamalasan sa mundo ay ibinigay na sa akin. Lagi na lang akong bigo, sa pag-ibig man o sa mga pangarap ko."

"Marahil ay hindi mo pa oras. Huwag kang mag-alala, in God's time, matutupad ang mga pangarap mo at magiging masaya ka. Huwag kang mapagod o kaya'y sumuko, magtanim ka lang at siguradong sa kinabukasan ay may aanihin ka."

"Paano naman mangyayari iyon gayong tila nakalimutan niya na ako? Ni hindi niya dinidinig ang mga panalangin ko."

"Dahil may tamang panahon. Hindi lahat ng gusto natin ay ibibigay niya dahil may mas maganda siyang plano para sa atin."

"Pati ba ang pang-aapi at panunukso sa akin ng mga tao eh plano niya rin para sa akin? Kung mahal niya ako bakit pakiramdam ko pinapabayaan niya ako?" Biglang tumulo ang luha mula sa aking mga mata.

"Oo, para ihanda ka. Para maging matatag ka.Wala tayong karapatang kwestiyunin siya, magtiwala ka lang.Walang ama na gustong mapahamak at mapasama ang kanyang anak."

Niyakap niya ako. Ramdam ko ang malalim niyang buntong-hininga. Dahan-dahan niya akong binitawan at malungkot akong tiningnan.

"Aalis na kami bukas, sana mag-iingat ka palagi." Paalam niya. Aalis na kasi sila at doon na maninirahan sa Amerika.

"Oo, ikaw rin ha?"

"Kapag wala na ako, huwag ka nang iiyak ha. Gusto ko maging matapang ka. Huwag mo na ring iisipin si Vince. Kalimutan mo na siya para maging masaya ka na. Hindi siya karapatdapat sa pagmamahal mo. Balang araw ay may darating na tatanggap at totoong magmamahal sa'yo."

"Salamat Bridget."

Makalipas ng isang taon, wala na akong naging balita sa kanya. Wala ring pagbabago sa sitwasyon ko. Dahil wala akong kaibigang masasandalan, bumalik ako sa pagsusulat. Nagsusulat ako ng mga kwento na karamihan ay mula sa aking mga panaginip. Nagsusulat ako ng mga personal blog para sa mga katulad ko.

IN GOD'S HANDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon