"Nais kong makuha ang memorya ng yumaong salamankero," sabi ng isang baritonong boses.
Sa liblib na parte ng kagubatan, pinalibutan ng mga naka-itim na robang lagpas talampakan ang nakahandusay na matandang lalaki.
"Ikaw ba'y nahihibang? Ang halaga ng isang 'yan ay katumbas ng ating mga kasama, Nero," paalala ng kasamang babae.
"Hindi mo pa rin nalalaman ang kapangyarihang taglay ng memoryang nais kumawala sa katawan ng isang salamankero, Arese." Tumawa ang binata. "Kahit ang mga pobre nating alipin ay batid ito, kaya 'wag natin silang pagkaitan. Hayaan natin silang makatikim, at tayo rin ang makikinabang." Hinablot niya ang itim na talukbong ng kasama. Nilantad nito ang isang tulirong dalaga. "Hindi ba, binibini?" bulong nito, pinasadahan ang mahaba nitong buhok at linagay ang mga takas ng hibla sa likod ng kaniyang tenga.
Yumuko ang nanginginig na dalaga nang mabunyag ang pagkakakilanlan niya. Limang alipin ang dinala nila sa paglalakbay. Ang unang pares ay para panatilihin ang kanilang lakas, ang pangalawang pares ay panangga, at ang natira ay isang Dilagman.
"Maghunos-dili ka, Nero! Alam mong magagalit ang Ama kapag nalaman niyang pumayag akong dalhin natin ang babae niya! Ako ang maparurusahan kapag hindi siya nakauwing buhay nang dahil sa'yo!"
"Tigilan mo na ang kaduwagan, kung ayaw mong ikaw ang isangla ko sa salamankero. Nananalaytay din naman ang dugo ng putang ito sa'yo, hindi ba?"
Nangilid ang luha ni Arese. "'Wag mo akong hinahamak, ako pa rin ang nakatatanda sa atin!"
Hindi pinansin ng binata ang pag-aamok ng kaniyang kapatid. Kapatid sa Ama. Pinikit niya ang kaniyang mata, nagtitimpi. Ang mahika ng salamankero. Iyon ang kapangyarihang higit pa sa kayang ipamana ng trono ng kaniyang Ama. Ano pa nga bang hihigit, kundi ang daang-taong pamamalagi, pakikipagsapalaran, at kaalaman na nag-aantay na mapasakamay niya. Nagpasalamat siya sa langit dahil pinagkalooban siya ng butihing Ama na malapit sa angkan ng mga demonyo. Nakabuo sila ng supling. Isang bata na nagmula sa mga nilalang na may kakayahang paibigin ang memorya at itakas ito sa kamalayan ng nagmamay-ari.
"Magsimula ka nang kunin ang memorya," turan ng lalaki. Tinulak niya ang dalaga sa lupa kung nasaan ang labî.
"Sarado ang kamalayan ng patay, Nero. Kailangan muna itong buksan," sabi ng kaniyang kapatid. Makahulugan niyang tiningnan ang dalaga tila inuutusang sundin nito ang sinabi, ngunit nakatunganga lamang ito at iniiwasang sumagi sa bangkay, hindi alam saan titingin at ilalagay ang kamay. Umirap si Arese. "Inutil." Nilipat niya ang tingin sa ibang alipin. "Umalis na tayo bago maabutan ng bukang-liwayway." Agad naman silang nangalap ng mga kahoy para makagawa ng apoy na magsisilbing ilaw sa daan.
"Kalokohan! Walang aalis hangga't hindi nakukuha ang memorya! Sabihin mo, ano bang dapat niyang gawin!" angil ng binata.
"Kailangang kainin ang kaluluwa ng salamankero. Mahika lamang ang makagagawa non, Nero. Wala siyang alam, kaya hindi 'yon posible."
"Kung gano'n... magsilbi kang Dilagman ng salamankero, Arese."
"Wala ka na bang pinagkatandaan?! May dugo pa rin ako ng ating Ama, kaya't isuko mo na ang hangarin mo! Matuto kang makuntento!"
Tinutukan ng lalaki ng punyal si Arese sa leeg. Diniin niya, at may patak ng pula na umagos sa talim nito. "Ang dugong kinasusuklaman mo, Arese... ang siyang nagliligtas sa'yong kalapastanganan." Ngumisi siya. "Gagawa ka ng paraan para makuha ko ang memorya ng salamankero... bilang aking kapatid," paninindak nito.
Nangatal ang labi ng babae. "M-may isa pang pwedeng gawin..." Tumingin ito sa gawi ng salamankero, pagkatapos ay sa dalagang nakasalampak pa rin sa lupa at wala sa sarili. "Maaaring bilhin ang m-memorya sa halagang hihingin nito... isang hatol. Ang babae... kanina niya pa naririnig ang bulong ng memorya kaya siya balisa."
Mariing sinuri ni Nero ang nakaupong dalaga nang hindi pa rin inaalis ang patalim. Ang mga kamay at kuko nito'y nakabaon sa kaniyang roba, habang pumipitik ang ulo sa iba't ibang direksyon. "Ngayon mo lang ito binanggit. Nililinlang mo ba ako? Arese?"
"Totoo! Naririnig ko ang bulong, Nero... hindi ko man naiintindihan nang lubos. Ang babae, sa tingin ko siya ang kinakausap nito. Madali ka, malapit nang magpaalam ang memorya ng salamankero."
Hindi na nag-atubili si Nerong sayangin ang oras. Dali-dali siyang lumapit sa dalaga. "Magsalita ka Dilagman, ano ang 'yong naririnig? Ano ang hinihingi ng memorya?!" Hindi ito kumibo. Patuloy pa rin ang pagkawala nito sa sarili. Sinakmal ng binata ang leeg nito, at napakapit nang husto ang dalaga sa braso niya.
"Sumagot ka!"
Ang malalalim na kuko nito'y bumabaon sa balat, nag-iwan ng mga pilat ng dugo. Patuloy ang panginginig nito habang nakatitig sa kawalan. Bawat buntong-hininga'y nagbabaga, tila naglalagablab ang mahika. Lumitaw sa isip niya ang anyo ng matandang salamankero—isang matang nagniningas. Nang sinubukan niyang abutin ito, tuluyan na siyang nilamon ng kadiliman. Nanigas ang katawan at napatid na ang hininga.
"Walang kwenta!" angil ni Nero. Tinulak ang lupaypay nitong katawan na bumagsak sa ibabaw ng salamankero.
Natigilan siya nang humalakhak ang nakapikit na dalaga.
"Isa kang hamak na mortal na nagnanais ng hindi sa'yo," anang tinig mula sa kaniyang mga labi. Napaatras si Nero.
"N-nabuksan mo ang memorya? P-paano?" tanong ni Arese, ngunit parang hindi siya nito naririnig. Hindi siya makapaniwalang nagawa 'yon ng dalaga.
Tumayo ang Dilagman—ngunit hindi na siya ang dating nilalang na nakikilala nila. Sa kaniyang mga mata, nag-aapoy ang galit at kasakiman ng salamankero. Sumiklab ang ilaw sa katawan ng dalaga at napalitan ng ningas ang kaniyang anyo. Nawala ang mga luha sa pisngi, at ang kaniyang balat ay kumislap sa ilalim ng mahika—isang apoy na bumabalot at unti-unting kinakain ang kaniyang katawan.
"Anong... anong nangyayari?" usal ni Arese.
"Nilinlang mo ako, Arese!" Hindi maikubli ang gulat at takot sa kaniyang boses.
Bumangon mula sa katawan ng dalaga ang isang nilalang. Isang anyo ng kadiliman at ningas na nagdikit sa salamankero, waring sinusumpa ang bawat hibla ng buhay na nawala.
"Ito ang kapalit..." bulong ng isang libo't isang tinig mula sa bawat sulok ng kakahuyan. "Ang sariling buhay ng Dilagman... ang halagang hinihingi ng alaala."
Gimbal na gimbal si Arese. "Wala na siya..."
"Wala na," sagot ng salamankero, mariing nakangiti, "sapagkat ang kaniyang alaala'y sa akin na."
BINABASA MO ANG
Dilagman
FantasyPrompt: In a world where memories can be bought and sold, a young woman accidentally purchases someone else's darkest secret. Length: Flash Fiction Genre: Dark Fantasy Language: Filipino The cover was made on Canva. ... This is my first completed st...