Simula

4.6K 31 0
                                    

Simula

Madilim pa ang paligid, pero buhay na ang kalye sa ingay ng mga yapak at mga nagmamadaling boses. Mga batang marurumi ang mukha, ang maliliit nilang kamay ay mahigpit na nakahawak sa mga lumang sako para mamulot ng kalakal. Ang kanilang mga mata ay kulang sa sigla, tila sumasalamin sa mga araw na iginugol nila sa pagtatrabaho imbes sa pag-aaral... nagbebenta ng diyaryo, namamalimos ng barya, o namumulot ng basura para ipalit ng iilang piso.

Mga ina na may kargang sanggol sa likod, hinaharap ang lamig ng madaling araw para magtinda ng gulay sa tabi ng daan. Mga tatay na halata ang gaspang sa kanilang mga kamay, humaharap sa mabigat na trabaho kapalit ng maliit na sahod.

Ang bawat sulok ay may kwento ng sakripisyo.

Habang pinagmamasdan ko sila mula sa tinted na bintana ng kotse, parang may kumurot sa puso ko. Ang buhay na alam nila, napakalayo sa akin. Ang mundo ko, puno ito ng kaginhawaan at protektado ng pribilehiyo.

Ever since I could remember, hindi ko kailanman naranasan ang pakiramdam ng pagkagutom o ang takot na wala kaming makakain sa hapag. Hindi ko naranasan ang maglakad sa init para pumasok sa eskwela, o ang mangarap ng bagong sapatos dahil luma na ang suot ko. Sa amin, lahat ng kailangan ko ay ibinibigay. Dad always made sure of that.

"Sir Steele!" rinig kong bati ng mga tao mula sa ilalim ng pickup. Ang araw ay mataas at ramdam ang init sa paligid. Nangangampanya ngayon si Daddy, abala sa pag-abot ng mga kamay ng mga taong lumalapit upang bumati.

Ang daming tao. Lahat ay masiglang sumasalubong. May hawak na placards na kumikislap sa ilalim ng araw, habang ang iba naman ay may dalang payong upang protektahan ang kanilang sarili mula sa init. Lahat sila ay naka-asul, tanda ng kanilang suporta sa aking ama.

"Mrs. Steele!" sigaw ng ilan, nakatingin kay Mommy na tahimik na nakaupo sa tabi, ngunit may ngiti sa labi. Suot niya ang asul na t-shirt, kapareho ng kay Daddy.

Eleganteng nakatanaw si Mommy, paminsan-minsang kumakaway sa mga taong tumatawag sa kanya, nagpapasalamat sa kanilang suporta.

Habang papalapit kami sa sunod na lugar, lalong lumalakas ang ingay ng mga tao. Nakakakilabot ang kasiyahan na ramdam mula sa bawat sulok. Ang aking ama, na tumatakbo para sa ikalawang termino bilang alkalde ng Maynila, ay tila mas may tiwala sa sarili ngayon kaysa dati.

Bumaba kami mula sa likod ng pickup, at agad kaming inalalayan ng mga bodyguard ni Daddy habang tinatahak namin ang isang makitid na daan.

"Thank you po!" narinig kong sabi ng isang matandang babae nang abutan siya ng aking ama ng limang libo.

"Nako, ang ganda naman po ng anak niyo, Mrs. Steele. Ilang taon na po siya?" tanong ng matanda habang inaanyayahan kaming kumain. Magalang na tinanggihan iyon ng aking ama dahil aniya ay marami pa raw kaming pupuntahan.

"Siyam na taong gulang po," sagot ni Mommy nang may respeto. Hinawakan niya ang kamay ko at ngumiti.

"Magkamukha po kayo," ani ng matanda, at ngumiti si Mommy, sabay nagpasalamat bago kami nagpaalam na umalis.

"Gawan niyo ng paraan! Mga tanga!" nagulat ako sa tono ng boses ni Daddy, halos tumigil ako sa pagnguya.

"Napano po si Daddy, Mom?" tanong ko, nag-aalala. Napakalaki ng mansyon namin kaya umalingawngaw ang boses niya. Nilingon ko ang mga kasambahay, ngunit parang wala lang sa kanila iyon.

"Ah, anak," ani Mommy, pilit pinapakalma ang sarili. "Si Daddy, kinakausap lang niya ang mga tauhan. May problema na naman siguro sa eleksyon," napansin ko ang pag-aalala sa boses ni Mommy. Ilang araw na rin kasing parang mainit ang ulo ng ama ko.

Tides of Betrayal (Casa del Pueblo Series #1)Where stories live. Discover now