Ang Paglason sa Utak ng mga Pilipino: Kolonyal na Pag-iisip

17.9K 24 15
                                    

"Ang hindi magmahal sa sariling wika, daig pa ang hayop at malansang isda."

- Jose Rizal

            Ang Pilipinas ay sinakop ng mga banyaga sa napakahabang panahon. Ang una at pinakamatagal na pananakop na naganap sa ating bansa ay ang pananakop ng mga Espanyol. Sila ay nanatili sa Pilipinas sa loob ng tatlong daan at tatlumpu’t tatlong taon. Iyon ay mula noong 1521 hanggang 1898. Sa loob ng mahabang panahon na ito, marami silang nagawang pagbabago sa Pilipinas maging sa mga tao rito. Ang paraan ng pamumuhay, pananalita, paniniwala at pati na rin ang pagiisip ng mga Pilipino ay naimpluwensyahan na ng mga dayuhang Espanyol. Ang ilan na lamang sa mga halimbawa ng mga impluwensyang naidulot nila sa Pilipinas ay ang mga piyesta na nagaganap taon-taon sa ating bansa hanggang sa panahon ngayon at ang pagiging relihiyoso ng mga Pilipino.

            Makalipas ang daan-daang taon ng pagsakop ng mga Espanyol sa Pilipinas, nang sumunod naman na nanakop sa ating bansa ay ang mga Amerikano. Nanatili sila sa Pilipinas sa loob ng mahigit na apatnapung taon. Masasabing kung ikukumpara ito sa haba ng panahon ng pamamalagi ng mga Kastila sa ating bansa ito ay sandali lamang ngunit sadyang mabilis maimpluwensyahan ang mga Pilipino ng mga mananakop. Sa sandaling panahon ng kolonyalismo ng mga Amerikano, kitang-kita na tumatak na sa mga Pilipino ang pag-iisip ng mga Amerikano na maging hanggang sa panahong ito ay kapansin-pansin pa rin. Mula sa ayos, pananamit, at pananalita, hindi maitatanggi na naimpluwensyahan nga ang mga Pilipino ng mga dayuhang Amerikano.

            Ang pinakanararapat na salita upang ilarawan ang pag-uugali ng mga Pilipino na ito ay ang “colonial mentality” o ang kolonyal na pag-iisip. Ang kolonyal na pag-iisip ay nagsimula pa noong panahon ng mga Kastil gaya ng nasabi sa unang bahagi ng pagsasalaysay na ito. Ang isyung ito ay ukol sa pagkalimot ng mga Pilipino sa kanilang sariling wika at sa gawa ng mga kapwa nilang Pilipino. Sa modernong panahon, mas tinatangkilik ng mga kabataang Pilipino ang gawa ng mga bayaga kaysa sa mga gawa ng kapwa nila tulad na lang ng mga kanta at sayaw. Sa isang banda naman, walang pinipiling edad ang pagiging masugid na tagapaghanga ng mga bagay na gawa sa ibang bansa o ang tinatawag na “imported goods”. Patuloy ng kinakain ng ibang bansa an gating kultura pati na rin an gating pag-iisip.

            Ang unang isyu ay ang hindi pagtangkilik sa sarili nating wika, ang Filipino. Totoo nga naman ang Pilipinas ay sagana sa iba’t-ibang wika. Mayroon tayong tinatawag na Cebuano, Chavacano, Manobo, Pangasinense, Tagalog, Davawenyo at marami pang iba. Hindi ba natin naiisip kung bakit sa dinami-rami ng ating wika ay naghahangad pa rin tayong mas maging magaling sa wikang banyaga? Bakit hindi natin isipin na maging bihasa muna sa paggamit ng sarili nating wika? Sa kasalukuyang panahon, laganap na ang mga tinatawag na “conyo”. Ang mga taong ito ay ang mga gumagamit ng pinaghalong Tagalog at Ingles sa kanilang pananalita. Ito marahil ay laganap sa mga kabataang Pilipino. Pinaniniwalaang ang karamihan sa mga Pilipino ay nagnanais na maging magaling sa pagsasalita ng wikang Ingles sa pagkat sila ay naniniwalang mas ikauunlad nila ito kaysa sa pagiging magaling sa wikang Tagalog. Alam ng lahat na ang Ingles ay isang “universal language” o sa madaling salita ay ito ang lenggwaheng ginagamit ng karamihan sa tao sa buong mundo. Sa kadahilanang ito, tumatak na sa isip ng mga Pilipino na kapag sila ay bihasa sa paggamit ng wikang Ingles, sila ay aasenso sa buhay sapagkat marami din sa atin ang naghahangad na mangibang bansa upang kumita ng mas malaking pera. Bakit hindi natin itanong sa ating mga sarili kung bakit nga ba hindi lumalawak ang bilang ng tao na marunong magFilipino? Siguro ay dahil tayo mismong mga Pilipino ay hindi tinatangkilik an gating sariling wika. Kung susubukan nating dalin an gating wika sa ibang bansa may posibelidad na ito rin ay lumawak gaya na lamang ng Ingles.

            Ang ikalawang isyu naman ay ang pagkahilig ng mga kabataang Pilipino sa mga musika, pananamit, at “style” ng mga taga Kanluran. Isang magandang halimbawa ay ang patuloy na paglaganap o pagsikat ng Kpop sa ating bansa. Ang Kpop o Korean pop ay patuloy na sumisikat sa buong mundo. Dito sa Pilipinas, laganap na rin ang mga tagahanga ng mga Koreano. Mula sa kanilang pananamit, pananalita, musika, at sayaw, sila nga naman ay ginagaya ng mga kabataang Pilipino. Ang ilan sa mga sumikat na Kpop na kanta ay ang Nobody (Wonder Girls), I Don’t Care (2ne1), Gangnam Style (Psy), at marami pang iba. Dahil sa mga ito ay nababaliwala na nila ang mga gawang Pinoy. Kitang-kita din sa pamamaraan nila ng pananamit kung gaano sila kahilig sa mga Koreano. Ang mga Koreano ay kilala sa pagsusuot ng makukulay na damit kaya naman kapag ang isang batang Pinoy ay isang Kpop fan, mahahalata mo agad ito. May iba ding Pilipino ang nag-aaral pa ng lenggwahe ng mga Koreano upang mas maintindihan ang mga kantang Kpop. Mas mabuti sana kung mas tatangkilikin natin ang sariling atin. 

            Ang ikatlong isyu ay ang pagiging mahilig ng mga Pilipino sa “imported goods”. Ang mga produktong gawa sa ibang bansa ay pinaniniwalaang may mas magandang kalidad kaysa sa mga gawa dito sa ating bansa. Iniisip ng maraming Pilipino na mas matibay at mas maganda ang mga imported na gamit kaysa sa gawang lokal. Marahil ang mentalidad na ito ay namana na natin mula sa ating mga ninuno na buhay pa noong mga panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Masyado nating minamaliit ang gawa ng mga kapwa nating Pilipino na isa sa pinakamaling gawain ng isang mamamayan ng bayan. Dapat tayo mismo ang tumatangkilik sa mga produkto na gawa rito kaya lag ang ngyayari ay mas humahanga pa tayo sa gawa ng iba. Masasabi rin naman na karapat-dapat din sumikat ang gawang Pinoy sapagkat gaya ng alam ng marami ay kilala rin naman ang mga “made in the Philippines” na gamit sa iba’t-ibang bansa. Ang ilan sa mga sikat na gawang Pilipino ay mga muwebles, damit na pormal o gown, at sari-saring putahe. Sa panahon ngayon ay hindi na talaga napapansin ang mga lokal na produkto sapagkat na lason na ng mga dayuhan ang ating pag-iisip. Kung nanaisin lamang nating bumilib sa gawa natin, marahil ang Pilipinas ay matagal ng umunlad.

            Kung si Rizal ay nabubuhay sa panahon ngayon, marahil siya ay talaga namang malulungkot sa mga pangyayaring ito sa mga Pilipino. Si Rizal ay kilala sa kanyang pagiging makabayan na pinakahinahangaan ng marami sa kanya. Ang pagkakaroon ng kolonyal na pagiisip ay simbolo lamang ng pagtakwil sa sariling atin. Isa sa nagpapatunay ng hindi pagpabor ni Rizam sa kolonyal na pagiisip ay ang parte ng isa sa kanyang mga nobela na nagsasaad na mayroon isang babae na nagnanais magkaroon ng dayuhang kasintahan. Sa nobela, kitang-kita ang pagkainis ni Rizal sa babaeng ito na nagngangalang Donya Victorina.

            Tangkilikin ang sariling atin, upang umunlad ang bayang minamahal natin. Gaya ni Rizal, tayo ay maging makabayan at wag puro gawang banyaga ang hanggaan. Wag maging bulag at wag hayaang sa sariling bayan, maging isang bihag.

 "Ang hindi marunong lumingon sa pinangalingan ay hindi makakarating sa paroroonan."

― José Rizal

“Nalilimot ng bawat isa sa inyo na habang napag-iingatan ang isang bayan ang kaniyang wika, napag-iingatan din nito ang katibayan ng kaniyang paglaya, katulad ng pagpapanatili ng isang tao sa kaniyang kasarinlan, upang mapanatili niya ang kaniyang sariling paraan ng pag-iisip. Ang wika ang pag-iisip ng bayan.” 
― José Rizal, El Filibusterismo

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 07, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Paglason sa Utak ng mga Pilipino: Kolonyal na Pag-iisipTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon