Kabanata nine
Smile
Sabay na bumuhos ang malakas na ulan pagsarado ni Apollo sa pintuan, ang mga patak nito ay humahampas sa bubong ng maliit na bahay.
"Buti na lang at narito ka pa, Miss Elle. Kung hindi, ay inabot ka ng ulan," ani Apollo habang sinasarado ang bintana sa tapat ng kanyang lamesa. Agad din niyang sinimulang ayusin ang mga papel na nagkalat doon. Mga papel na kanina ko pa napansin. Maingat niyang pinupulot ang mga ito, itinatabi sa gilid ng mesa.
Naupo ako sa isang silya malapit sa mesa, pinagmamasdan siya. "Sa'yo ba lahat 'yan?" tanong ko, habang tinitingnan ang mga reviewers at notes na nasa harap niya.
Tumango lang si Apollo, habang patuloy sa pag-aayos. Hindi ko alam kung bakit, pero may bumangon na kuryosidad sa loob ko. Law school? Paano siya nakakapasok sa ganung klaseng paaralan?
Napatingin ako sa kanya, tahimik pa rin at walang imik habang sinasalansan ang mga papel.
Napailing ako, ayaw ko na itong bigyan ng masyadong halaga. Kung tutuusin, hindi ko naman dapat pinapakialaman ang personal niyang buhay. Pero sa likod ng isip ko, isang bahagi sa akin ang hindi maiwasang humanga.
Siguro, hindi ko dapat husgahan ang kakayahan ng iba base lang sa kanilang trabaho.
Tahimik kaming dalawa, tanging tunog ng ulan sa bubong ang naririnig habang inaayos pa rin ni Apollo ang mga papel na tila buong buhay niyang pinag-aralan.
Napagpasyahan kong mag-review nalang ulit at tingin ko ay hindi agad titila ang ulan. Pinatong kong muli ang mga gamit ko at isa-isang inilabas ang mga aklat para makapag-review ulit. Tahimik si Apollo, pero ramdam ko ang mga mata niyang nakatuon sa akin, parang sinusuri ang bawat galaw ko.
Narinig kong nag-ring ang telepono ni Apollo, at mabilis niyang sinagot 'yon.
Ilang minuto akong nanatiling nakatuon sa mga notes ko, pilit na iniintindi ang mga nakasulat sa harap ko, pero tila wala akong maintindihan. Hindi ko maiwasang pakinggan si Apollo habang kausap niya ang nasa kabilang linya, kahit na hinaharangan ng ingay ng ulan ang karamihan ng pag-uusap nila.
"Pupunta ako..." aniya, kasabay ng bahagyang pagtawa. May kakaiba sa boses niya, malambing at masaya, kahit pa bumubuhos nang malakas ang ulan sa labas.
Isang munting kirot ang naramdaman ko. Alam ko namang walang dahilan para maapektuhan ako, pero hindi ko mapigilan.
"Patitilain ko lang ang ulan."
Ilang minuto lang, binaba na niya ang tawag.
Hindi ko maiwasang isipin kung girlfriend niya ba iyon. Kung ganoon, anong magiging hitsura namin dito? Hindi magandang tingnan na ang lalaki at babae ay nasa iisang bahay lalo na at... may girlfriend naman pala ito.
Alam ko namang mabait lang siya sa akin dahil trabahador siya ni Daddy, at 'yun naman ang nararapat. Bakit ako umaasa na may ibang dahilan ang pagiging mabait niya sa akin? Napakahangal naman.
Pagtila ng ulan, aalis ako agad dito.
At 'yun nga ang ginawa ko. Walang sabi-sabi, nagmadali akong umalis ng bahay ni Apollo pagkatapos kong humingi ng salamat. Ang bawat hakbang ko ay tila nag-uumapaw ang sakit.
"Miss Elle, 'yung sketch mo!" rinig kong sigaw ni Apollo sa aking likuran, ngunit hindi ko na siya nilingunan. Ayaw kong lumingon, ayaw kong makita niya ang ekspresyon ko.
Girlfriend niya ba 'yon?
Kahit na alam kong malayo na ako mula sa Casitas, ang tanong na iyon ay patuloy na naglalaro sa isip ko.
YOU ARE READING
Tides of Betrayal (Casa del Pueblo Series #1)
RomanceKendall Gavrielle Steele, isang pangalang simbolo ng kayamanan at kagandahan. Isinilang siya sa isang mundo ng pribilehiyo, kung saan bawat hiling ay natutupad, at bawat kapritso ay nabibigay. Ngunit sa ilalim ng kanyang perpektong buhay, isang bagy...