Chapter 27

45 1 1
                                    

Pagkababa ko sa balkon ay naroon na sila Kuya Ali at Summer. Parehas silang nakaupo at naghihintay.

Hindi ko malaman kung paano ako aatras o magtatago para iwasan sila. Huli na nang maisipan ko dahil nakita na nila ako.

"Ayan na pala si Livie. Tara na umuwi--" Natigilan si Summer pagkapansin sa mga mugto kong mata na hanggang ngayon ay ayaw pa rin magpaawat sa pagluha. "Anong nangyari?"

Agad kong pinunasan ang pisngi ko. Mas lalo lang akong naiiyak dahil sa concern niya sa akin. Yayakapin ko na sana siya pero narinig ko ang mga yabag ni Sonnet sa likuran ko.

Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kanila ang nalaman ko lalo na nakaharap pa si Kuya Ali.

Birthday ni Kuya Cart, ayaw kong magkagulo sa araw na 'to. Ayaw kong magkaroon ng away sa pagitan ng kapatid niya at ng best friend niya dahil sa akin.

"May problema ba, Olivienne?" istriktong tanong ni Kuya. Sumulyap pa siya sa likuran ko na para bang tinatanong niya rin si Sonnet kung anong ginawa nito sa akin.

Hinawakan ko ang braso ni Kuya nang hindi pa rin niya inaalis ang seryoso at mapagbantang tingin niya kay Sonnet. "W-Wala. Wala, Kuya. Nagpaalam lang ako... kay Sonnet. Ayaw ko sanang umalis pero... kailangan, e." Pinigilan kong manginig ang boses at labi ko pero hindi ko pala kaya.

Lalo pa ngayong naririnig ni Sonnet ang sinasabi ko. Ang hirap palang magsinungaling kapag alam mong naririnig ka ng taong may alam din ng katotohanan.

Kahit sinabi kong ayaw ko na siyang makita kahit kailan ay umaasa pa rin ang puso ko na baka sakaling panaginip lang ang lahat at magigising ako sa masasaya at nangungusap niyang mga mata.

Buong hinahon ko siyang hinarap at nagpanggap na magpapaalam para lang hindi magtaka sila Kuya. "G-Good bye... Sonnet."

Parang may sariling isip ang mga mata ko dahil kahit masakit na ay pilit pa rin nilang hinahanap ang kaunting pag-asa sa mga mata ni Sonnet.

Pero hindi ko maintindihan kung ano ba ang ipinapakita niya sa akin. Naaawa ba siya? Nagpapasalamat ba siya dahil pinapagtakpan ko siya sa kapatid ko? Nakokonsensya ba siya dahil sa kabila ng pagsama ko sa kaniya sa mga panahong malungkot siya ay sinaktan niya lang ako?

"Liv..." Namumula ang mga mata niya at nagmamakaawa. Kinagat niya ang pang-ibabang labi niya at lumapit sa akin.

Kahit alam kong masasaktan ako ay lumapit rin ako sa kaniya. Kahit alam kong iiyakan ko lang ulit siya mamaya ay niyakap ko pa rin siya.

Hindi ko alam kung ito rin ang gusto niyang gawin. Isang pampalubag loob sa lahat ng pinaramdam niya sa akin ngayong araw.

Pero last na 'to. Pagkatapos nito, ayaw ko nang ipagsiksikan pa ang sarili ko sa buhay niya.

"Let's talk, please?" nanghihina niyang bulong pagkatapos ay hinalikan ang tuktok ng ulo ko. "Please?"

Umiling ako nang ilang beses habang tahimik na nanginginig at umiiyak. Ayaw ko nang makinig sa kaniya. Ayaw ko nang malulong sa mapagkunwari niyang pagmamahal.

Pero paano ko ba gagawin 'yon? Siya lang ang hinahanap ng sistema ko. Kahit ilang pag-iling ang gawin ko dito maghapon ay alam kong taliwas doon ang gusto kong gawin.

Ang laki at ang sakit ng nakabara sa lalamunan ko. Alam kong mawawala lang 'to kapag naiiyak ko na lahat. 'Yong walang pagpipigil.

"I'm gonna miss you," bulong ko sa dibdib niya. Alam kong hindi niya 'yon narinig dahil ayaw kong iparinig. Hindi na pwede. "I love you, Sonnet."

Hindi ko alam kung saan ako mas masasaktan. Doon ba sa katotohanang nalaman ko sa kaniya o sa reyalidad na hindi na niya ako kayang yakapin man lang?

Kahit gusto kong isiksik pa ang sarili ko sa bisig niya, alam kong hindi na kami pwede.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 17 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Dis-Engagement ProposalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon