Una't Huli

6 0 0
                                    

Ang mainit na sinag ng araw ang gumising sa akin. Isang matamis na ngiti ang bumakas sa aking mukha nang magawi ang aking paningin sa aking kanan.

"Magandang umaga, mahal ko." Pagbati sa akin ng aking pinakamamahal na si Isobel. Ang kaniyang mapupungay na matang kasing kulay ng pulang asukal ang aking pinakapaborito sa lahat.

Inabot ko ang kaniyang magandang mukha at ito'y aking hinaplos nang marahan. "Binigyang kahulugan mo ang salitang 'maganda' sa katagang 'magandang umaga', mahal ko."

"Bolera," aniya at pabirong tinapik ang aking pisngi.

"Hindi ha," patunghay ko namang tugon habang pinapanood siyang bumangon sa aming kama.

"O, siya. Halika na riyan, baka nakakalimutan mong may mga dapat kang gawin ngayong araw?" Nakapamaywang niyang usal habang nakataas ang dalawa niyang kilay.

"Eh, pwede bang ipagpaliban na muna? Gusto pa kitang makasama." Puno ng paglalambing kong tanong sa kaniya.

"Ipagpapaliban mo na naman?" Umiling si Isabel kaya mabigat ang katawang umupo ako sa gilid ng kama at bahagyang kinabig ang bewang niya papalapit sa akin. Mahigpit kong niyakap ang kaniyang tiyan sabay tingala. "Pakiusap, kahit ngayon na lang. Kailangan pa kita, Isobel."

Mataman niyang tinitigan ang aking nangungusap na mga mata bago siya bumuntong-hininga. "Hay, sige. Palibhasa ay alam kung paano makuha ang loob ko, Luisa."

"Salamat, mahal ko!" Buong siglang binuhat ko siya at inikot na puno ng saya. Nagigiliwan din siyang napahalakhak sa tuwa sa ginawa ko.

Nang ibaba ko siya sa sahig ay ipinatong niya ang isang kamay niya sa balikat ko. "Ipangako mo, Luisa. Dapat bukas ay gawin mo na ang ilang linggong mga gawain na itinengga mo."

Ngumiti ako sa kaniya at tumango na nakakrus ang hintuturo at palasinsingan, "Pangako, mahal ko."

Hinila niya ang kamay ko at iginiya na ako sa harap ng hapagkainan. Nakahain na sa mesa ang iba't ibang klase ng tinapay, at isang nagsusulak pa sa init na mainit na kapeng barako.

"Pasensya ka na, iyan lang ang kaya ko ihain para sa'yo." Nakakamot-batok niyang paumanhin.

Kinuha ko ang tasa ng kape at ito'y aking hinipan. "Hinding hindi ako magsasawa sa ganitong almusal kung ikaw ang kasama ko sa hapag-kainan araw-araw."

Ngumiti si Isobel.

"Gusto mo?" Itinapat ko sa kaniya ang tinapay na may palamang krema.

"Umay na ako. Hindi ba't iyan din ang kinain ko kahapon?" Umiiling na natawa siya.

"Ay, oo nga pala." Natatawang turan ko naman sa kaniya. Itinuloy ko ang aking agahan habang nakaupo siya sa harap ko.

Nang matapos ay pumasok na muna ako sa banyo para makapaligo. "Ano'ng gusto mong gawin natin sa araw na ito, Isobel?"

"Gusto kong maglakad sa hardin at mamulot ng paborito kong bulaklak na gumamela!" Masiglang tugon niya nang ako'y makatapos na sa pag susuklay.

Hawak-kamay naming tinungo ang hardin sa likod ng aming bahay. May kataasan na ang araw kaya't inalala ko ang aking minamahal.

"Mahal, gusto mo ba na ikuha kita ng blusa? Baka mainitan ka nang sobra, may kataasan na pala ang araw." Tanong ko nang makalabas kami ng aming tahanan.

"Salamat, pero hindi na, mahal. Gusto ko sa pakiramdam ang init ng araw ngayon, para bang ako'y niyayapos mo lamang." Aniya nang may maganda na namang ngiti sa kaniyang mukha.

Hindi ko mapigilang mapatitig sa kabigha-bighanin niyang mukha. Ang kaniyang buhok na mahaba ay tila naging kurtina na humahawi sa kada hihip ng hangin. Sa bawat paghawi nito ay ang pag litaw ng kaniyang hugis pusong mukha. Ang kaniyang kutis na kasing puti ng gatas na sariwa, at ang kaniyang kulay rosas na mga labi ang siyang aking kailan ma'y hindi ipagpapalit sa ano mang bagay sa mundong ito.

Unti-unting napawi ang ngiti sa kaniyang mukha at nagturan, "Bakit? May dumi ba sa mukha ko?"

"Wala naman, hanggang ngayon kasi ay hindi ko pa rin magawang hindi hangaan ang taglay mong ganda." Pag-amin ko sa kaniya.

"Sa pisikal na kaanyuan mo lang ba ibinabase ang ganda ko?" Napatungong tanong niya sa akin. Nilakbay ng paa ko ang ilang hakbang na pagitan namin para siya'y aking halikan sa pisngi.

"Hindi lamang ang iyong pisikal na kaanyuan ang bumihag sa puso kong pagal, Isobel. Ang puso, kaluluwa, ikaw, at ang pagkatao mo mismo ang siyang nakapag-angkin ng bawat pag-pintig nito." Kinuha ko ang kamay niya at itinapat sa aking kaliwang dibdib.

"Mahal kita, Luisa."

"Mas mahal kita, Isobel."

"Halika na, tulungan mo akong pulutin ang mga gumamela." Ipinagdaop uli niya ang aming mga palad. Inikot ko ang aking paningin sa aming malawak na hardin.

"Ngunit, mahal ko, ang isang pirasong gumamela na lamang na iyon ang natitira." Itinuro ko ang bulaklak sa lupa sa ilalim ng malaking puno ng narra.

Binitawan niya ang aking kamay at tumakbo papalapit dito. Dali-dali ko siyang sinundan at pinulot ang may nanunuyong talulot na bulaklak. Marahan ko itong tinanggalan ng lupa na dumikit bago iabot sa aking minamahal.

Bagkus nag-iisa at malapit nang malanta, bakas sa mukha ni Isobel ang tuwa at saya sa kaniyang hawak na gumamela.

"Marami pa akong tanim na gumamela, mahal ko. Gusto mo ba na ipagpitas kita? Para hindi na lamang ang mga nahulog at nalalantang bulaklak ang ibibigay ko sa iyo." May pagkakasabik na suhestiyon ko sa kaniya.

Ibinaling niya sa akin ang kaniyang paningin, sabay ngumiti na naman nang marahan.

"Huwag kang pipitas ng bulaklak na para sa akin, sapagkat ako'y lipas na at sila'y nasa rurok pa ng kanilang kasaganahan." Lumapit si Isobel sa akin. Hinawi niya ang buhok sa aking kaliwang tenga, at doon isinipit ang ngayo'y sariwa at magandang gumamela.

"Pangalagaan mo ang mga may buhay nang hindi ibinabaon sa hukay ang mga ala-ala ng mga yumao na." Unti-unti niyang inilapit sa akin ang kaniyang mukha. Ang kaniyang malamig na hininga ay dumampi sa aking pisngi bago siya bumulong sa aking tenga.

"Bukas, ipalibing mo na ang katawan ko. Limang linggo na akong nakaburol, sawa na ako sa biskwit at kapeng barako. Gusto ko na ng kapayapaan, Luisa, mahal ko."

Ang Aking IibiginTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon