Macu's Morning Routine
Maaliwalas na umaga ang sumalubong sa akin. Tumitig ako sa bintana, at nakita ko ang berdeng kurtinang may bulaklaking disenyo. Ito'y sumasayaw sa hangin, na alon-alon na pumapasok at lumalabas. "Nakalimutan ko nanamang isara ang bintana kagabi," bulong ko sa sarili. Sanay na akong hayaang nakabukas ito tuwing gabi para masilayan ang kalangitan - ang buwan at mga bituin. Para sa akin, tila mas mapayapa ang tulog ko kapag payapa rin ang langit sa labas.
Ang asul na langit ay may mga makakapal na ulap at maririnig ang malayang paglipad ng mga ibon. Pumikit ako sandali, huminga ng malalim, at ninamnam ang sariwang hangin na dumadampi sa aking mukha. Pero oras na para bumangon. Pare-pareho lang naman ang araw-araw kong gawain: gigising, kakain, maliligo, papasok sa eskwela, uuwi, gagawa ng assignments, kakain muli, at matutulog.
Paalam at Pagpasyal sa National Library
Habang inaayos ko ang mga gamit ko, naalala ko ang plano kong pumunta sa National Library. Gusto ko lang magbasa ng mga librong may kaugnayan sa mga paborito kong paksa.
"Anak, gising ka na ba?" tanong ni Mama mula sa pintuan ng aking kwarto.
"Opo, Ma. Inaayos ko lang po itong gamit ko sandali," tugon ko habang pinipilit na matapos ang paghahanda.
"Sige, anak. Nakahain na ang almusal."
"Yes, Ma. Salamat po."
Pagkababa ko, si Mama ang naghihintay sa hapag-kainan. "Oh siya, kain na anak. Halika at sabay na tayo," paanyaya niya.
Mas gusto kong kasabay si Mama sa almusal, lalo na't kaming dalawa na lang ang magkasama. Hindi rin puwedeng palampasin ang masasarap na luto niya.
Matapos kumain, nagpaalam na ako kay Mama. Mas maaga, mas maganda, lalo na't ayokong maunahan sa mga librong gustong basahin.
Pagdating sa National Library
"Welcome to the National Library!" bati sa akin ng nakatokang security guard.
"Good morning, Sarge," masigla kong tugon.
"Good morning din, Miss Beautiful. Maaga ka ulit ah."
"Oo nga eh, mabuti nang maaga."
"Oh sige, kuha ka na ng Library ID Pass," sabay turo niya sa cabinet ng iba't ibang kulay na papel. "Huwag mong kakalimutan ang Rules and Regulations ng library."
"Salamat po, Sarge," sagot ko at pumasok na ako sa loob.
Dumeretso ako sa paborito kong pwesto, na mabuti na lang at walang ibang tao. Inilagay ko ang aking bag pack sa upuan upang ipakita na may nakapwesto na rito. Dumiretso ako sa section ng mga aklat tungkol sa Constellations at Celestial Bodies. Pinili ko ang ilang mga libro at bumalik sa aking upuan. Nagsimula na akong magbasa, at di ko namalayan ang oras.
Ang Librarian na si Miss Ada
"11:39 na pala," sabi ko sa sarili nang mapatingin sa aking wristwatch. Kailangan ko nang ibalik ang mga libro. Habang inaayos ko ang mga ito sa shelf, nilapitan ako ng librarian na si Miss Ada.
"Miss Macu!" tawag niya sa akin.
Lumapit ako sa kanya upang hindi makaabala sa ibang nagbabasa. "Hello, Miss Ada," masaya kong bati.
"Di kita napansing dumaan kanina."
"Naabala na rin kita noong nakaraang beses, kaya't di na ako nagpansin," biro ko sa kanya. Napansin ko ring marami siyang bagong libro sa kahon.
"Ay, oo nga pala. Dumating kasi kanina ang bagong stock. Ang dami pa ngang dapat i-dispose," sabi niya.
"Kung gusto niyo, Miss Ada, libre naman ako mamaya. Pwede akong tumulong."
"Talaga? Hindi ba nakakaabala iyon?"
"Walang problema, Ma'am," ngumiti ako. Sa dami ng oras kong ginugugol sa library, naging mabait at approachable si Miss Ada. Para ko na siyang ate sa pakiramdam.
Pagpapaalam at Pagpaplano
Bigla kong naalala ang unang beses kong bumisita sa library. Excited na ibinahagi ni Mama ang kwento kung paano niya nalaman ang tungkol sa lugar.
"Anak, sabi ng ka-work ko sa office, maganda raw pumasyal sa National Library. Napuntahan mo na ba iyon?" tanong niya.
"Wow, Mama, gusto kong pumunta roon!"
Hinanda ni Mama ang directions at address para sa akin. "Oh, ito anak," sabi niya habang inaabot ang papel. Excited akong tumakbo sa kwarto ko at nag-ayos upang makaalis agad.
Nang makarating ako sa library, napatingala ako sa grandiyosong gusali. Bagamat moderno na ang istilo nito, may classic na disenyo pa rin. "Ang ganda, at ang laki," bulong ko sa sarili. Tila may kakaibang pakiramdam ang hatid ng lugar na ito sa akin.
Ang Unang Hakbang sa Mundo ng Mga Aklat
"Good morning, sir!" bati ko sa security guard, na nginitian ako.
"Good morning din, Miss Macu. Welcome sa National Library! Sana magustuhan mo rito."
Tinuro niya ang pila para sa Library ID Pass at ang proseso ng pag-sign up. "Mas maganda sigurong magparehistro ka rin para makapag-uwi ka ng mga libro," aniya.
Pagkapasok ko, parang nasa paraiso ako ng kaalaman. Sinalubong ako ng malinis at organisadong hanay ng mga libro at ng pamilyar na ngiti ni Miss Ada. Inikot ko ang first floor, binisita ang bawat sulok, at ninamnam ang ambiance ng lugar na magiging paborito kong tambayan. Ngayon palang ay ramdam ko na ang koneksyon ko sa library na ito, at alam kong dito ako palaging babalik.