LITS: Prologue

189 13 9
                                    

Hinawi ko ang buhok kong nililipad ng malakas na hangin, mag-isa akong naglalakad sa kalsada malapit sa dagat, malayo sa aming tahanan dito sa probinsya. Madilim na ang paligid, hindi ko namalayan ang takbo ng oras dahil inabot na rin ako ng gabi. Sa ganitong oras na hindi ako makita sa bahay ay paniguradong mapapalo ako agad sa aking pag-uwi dahil lumabas ako ng walang paalam sa aking mga magulang. Hindi ko rin alam kung bakit dinala ako rito ng aking mga paa. Pakiramdam ko sa ganitong murang edad ay may pagnanais akong kailangan kong magpahangin.

Sa kalayuan, sa buhangin na naaabot ng tubig ng dagat, natuon ang tingin ko sa isang batang nakaputi at nakaupo doon. Nagkamali ako nang isipin kong multo iyon dahil ilang beses muna akong umatras at kinurot ang sarili ko dahil baka namamalik mata lang ako. Ngunit ng mapanood ko siyang parang humihikbi at itinataas ang kamay ay humigpit ang hawak ko sa hawakan ng payong ko. Nakaramdam ako agad ng pag-aalala sa taong hindi ko naman kasundo at kilala.

Dahan-dahan akong humakbang pababa sa buhanginan at pinili kong tumakbo sa kabila ng maikli kong binti dahil sa hindi inaasahang bumuhos ang ulan at tila siya nandoon lang, nakaupo pa rin. Hindi ko mawari kung ano ang nangyayari sa batang lalaki katulad ko.

"Bata?" parang bulong na saad ko ngunit batid kong narinig niya. "Bakit ka nagpapaulan? Hindi ka ba pagagalitan ng iyong mga Mama at Papa?"

"Anong pakialam mo?" sagot niya saka masungit na lumingon sa'kin ng diretso.

Gumapang ang buong hiya sa katawan ko at napahigpit ang paghawak sa payong. Ngumuso ako. "Nagtatanong lang naman ako, eh."

"Bakit ikaw? Hindi ka rin ba pagagalitan ng iyong mama? Bata ka rin naman ngunit andito ka rin sa labas tulad ko," sa paraan niya ng pagsasalita ay mukha siyang mas matanda sa'kin.

"Ano..." nanginig agad ang tinig ko. "Sa totoo lang niyan, pagagalitan din ako kasi tumakas ako, eh." umiwas ako ng tingin at bumuntong-hininga.

"Pareho pala tayo." pagsang-ayon niya dahilan para mapalingon ako sa kaniya habang siya naman ay diretso lang nakatitig sa paghampas ng dagat. Dahan-dahan akong humakbang papalapit sa kaniya at mas itinutok sa kaniya ang hawak na payong ko.

Sa dilim ng gabi, sa kabila ng malalaki at malakas na patak ng ulan, malinaw ko pa rin nakikita ang detalye ng kaniyang mukha. Gwapo rin siya...tulad ko. May makinis na kutis, itim na itim na bagsak na buhok at pinong buhok, makakapal na kilay at pitik-mata, matangos at may kanipisang ilong, perpektong at mapulang labi, mas malusog lang din siya tingnan kesa sa'kin.

"Bakit nakatitig ka?" nabigla ako sa tanong niya kaya napaiwas ako at nakagat ko ang labi ko.

"H-Hindi ah,"

"Gusto mo ba akong samahan?"

Tumango ako bilang sagot na para bang walang magulang na naghihintay sa aking bahay. Isinenyas niya ang kamay niya at tinapik ang pinong buhangin, habang hawak ang payong ko ay maingat at tahimik akong umupo sa tabi niya.

"Pwede ko na bang malaman kung bakit ka umiiyak?" Panimula ko, dinapuan niya naman ako ng isang tingin at bumaling ulit sa dagat.

"Nagtampo kasi ako sa mga magulang ko."

"Bakit naman?" kuryosidad kong tanong at inayos ang hoodie ko dahil nababasa ako, mas gusto ko siyang payungan para hindi siya mabasa.

"Palagi ka na lang kasi yung nakatatanda kong kapatid ang napupuri nila. Palaging magaling lalo na sa larangan ng sining."

"Larangan ng sining?" nabuhay ang interest ko.

"Oo tulad ng teatro."

"Ano ang teatro?"

"Hindi mo alam iyon?" hindi makapaniwala niyang tanong, umiling lang ako at ngumiwi.

"Ang Teatro ay isang anyo ng gampaning sining." tumingin siya sa'kin, nagpapaliwanag." Ito ay nangangailangan ng mga live performers, at artista upang itanghal sa harap ng maraming tao ang kwentong hango sa tunay na karanasan, o kwentong gawagawa lamang ng imahinasyon ng manunulat. Ipinahahayag ang daloy ng kwento sa pamamagitan ng mga galaw o kilos, ilaw, at mga gamit na kinakailangan sa bawat eksena at background music para mas madama ng mga manonood ang bawat emosyon ng bawat eksena."

"Ang ganda at galing naman nila! Balak ko rin mag-artista," hindi ko napigilang sabihin iyon sa kaniya. "Pero hindi ko muna iniisip ng sobra."

Ngumiti siya sa'kin at tumango. "Isa na roon ang kuya ko, nagtatanghal na rin sa ibat-ibang lugar kasama ang aking ama. Samantalang ako ay nasa bahay lamang, kasama ang aking ina dahil hindi sila naniniwala sa aking kakayahan." nandoon sa boses niya ang sakit, ramdam na ramdam ko ito.

"Baka dahil sa bata ka pa? Bata pa tayo." lakas loob kong sabi. "Para sa'kin, may mga bagay kasi na hindi pa natin tamang gawin hangga't wala pa tayo sa tamang edad. Hindi naman siguro sa hindi sila naniniwala sa iyo, baka dahil bata ka pa at hindi mo pa dapat ginagawa iyon. May tamang oras naman para gawin ang mga bagay na gusto natin lalo na kung 'yun talaga ang gusto mong pangarap na maabot."

Sumilay ang ngiti sa kanyang labi. "Talaga? Sa tingin mo hindi sila nagdududa sa kakayahan ko?"

"Oo naman!" mahina ko siyang binangga ng siko ko. "Kahit bata pa tayo ngayon, alam ko balang araw magiging sikat na parte ka ng teatro!"

"Salamat, ah?" aniya.

"Walang anuman po." tumango ako. "Balang araw panigurado magkikita tayo ulit, panigurado ako na sikat na aktor ka na ng teatro at ako tingnan mo, ako? Magiging modelo pa ako!"

"Hihintayin ko 'yan."

"Ano nga pa lang pangalan mo?" tanong ko, biglang gumaan ang pakiramdam ko pero mabigat pa rin ang bagsak ng ulan at pakiramdam ko ay basang-basa na ang likod ko.

"Tantan," inabot niya kamay niya at tinanggap ko 'yun. "Ikaw, bata? Anong pangalan mo?"

"Ako naman si,"

"Potpot!"

Hindi ko natuloy ang sasabihin ko nang bigla kong marinig sa hindi kalayuan ang boses ng aking Ama. Tinatawag niya ako sa aking palayaw, dali-dali akong napatayo sa pagkakaupo at nagtaka naman si Tantan.

"Aalis ka na?"

Tumango ako at luminga-linga sa paligid, mas lalo akong mapapagalitan kapag dito ako nakita ng aking Ama. Malakas pa rin ang ulan kaya humigpit ang hawak ko sa payong ko, nag-iisip. Hanggang sa mapagdesisyunan kong iabot kay Tantan ang payong ko ng sapilitan.

"Teka, ano 'to?" tumaas ang kilay niya.

"Sa iyo na yan!" nagmamadali kong sagot, akma na akong aalis ng hawakan niya ako sa braso.

Dadan-dahan akong napalingon sa kaniya hanggang sa nagtagpo ang aming mga inosenteng mata.

"Sandali lang," bulong niya at kinuha sa bulsa ang isang kwintas na may simbolo ng musika. "Maraming salamat sa pagsama sa'kin."

Agad ko iyong kinuha at niyakap siya ng mabilisan, sobrang higpit. "Salamat! Wag ka na babalik dito ng ganitong oras, ah? Paalam na! Magiging magaling kang aktor balang araw, magtiwala ka sa sarili mo! Ba-bye!" kumalas ako.

"Teka, yung pangalan mo..."

Hindi ko na narinig ang huli niyang sinabi. Suot ang makapal kong hoodie na basang-basa na rin ay sinulong ko ang malakas na ulan at mabilis akong tumakbo sa basang buhangin dahilan para madapa pa ako. Napailing-iling ako at kaagad na bumangon at nang makarating na ako sa taas ng kalsada ay nasinag ko ang aking ama na naglalakad palayo, sumisigaw pa rin.

"Papa! Nandito po ako!" buong pwersa kong sigaw, agad siyang napalingon sa'kin at hindi ako kinabahan ng makita ko ang malalim niyang titig sa'kin.

"Ikaw talagang bata ka! Nagpaulan ka pa talaga!"

Muli kong sinulyapan si Tantan sa kalayuan, hindi ko na masyadong maaninag ang kanyang mukha dahil sa kakulangan ng liwanag pero nakita ko na kumakaway siya sa'kin habang tumatalon. Batid kong hindi niya rin ako makita pero ngumiti ako sa kaniya at kumapiras na ako ng takbo upang salubungin ang aking galit na Ama.

Paalam, Tan. Hanggang sa muli.

Love In The Spotlight (BL)Where stories live. Discover now