Mabagal na ang usad ng bus nang marating ko na ang Bicol. Nasa tabi ako ng bintana, nakasandal ang ulo sa malamig na salamin, at nakikinig ng musika mula sa aking headphone.
Mahigpit na nakabalot sa akin ang makapal kong hoodie, habang nakapatong sa hita ko ang dala kong bag. Kahit na halos balot na balot ako, nararamdaman ko pa rin ang malamig na tagos na singaw ng aircon sa loob ng bus.
Habang patuloy ang biyahe, isang banayad na sinag ng araw ang tumama sa aking pisngi. Bahagya akong napapikit, nasingkit ang aking mga mata, ngunit nang maging magaan ang liwanag, pinabayaan ko na lang ito at hinayaan ang liwanag na dahan-dahang dumampi.
Nang dumaan ang bus sa kalsadang tanaw ang dagat, hindi ko naiwasang magmasid sa paligid. Napangiti ako nang masilayan ang bughaw na langit na sumasalamin sa kalmadong tubig ng dagat, habang humahagod ang liwanag sa pinong puting buhangin ng dalampasigan.
Bagaman madaling araw pa lamang, buhay na ang paligid-mga pamilyang naglalakad sa baybayin, magkakaibigang nagtatawanan, at ilan pang kasama ang kanilang mga alagang hayop. May mga batang nagtatakbuhan sa buhangin, mga nag-iisa sa katahimikan, at mga grupo ng masiglang nagja-jogging at nagzu-zumba.
Sa isang sulok ng baybayin, tanaw ang usok mula sa mga nagtitinda ng pagkain. Kahit mula sa loob ng bus, naaamoy ko ang halimuyak ng mainit na sopas, lugaw, champorado, at kape. Mga simpleng pagkain ngunit tila napakayaman sa init at aliw.
Tila hinihila ako ng tanawin sa labas na bumaba at makisali sa umagang iyon. Ngunit alam kong didiretso ang bus sa terminal, kaya't tiniis na lamang ng aking mga mata ang magandang tanawin sa aking haarapan na sa simpleng tulad nito ay nakikitana na agad ang kagandahan ng buhay kapag nasa probinsiya nakatira.
Kahapon, matapos ang maikling rehearsal namin ni Ethan, sabay kaming kumain. Tahimik lang kami habang kumakain, at halos wala masyadong nagsasalita sa aming dalawa. Kapag siya man ang magbukas ng usapan, tila tukso at biro lamang ang ibinabato niya sa akin para lalo akong tumiklop sa hiya.
Ngunit sa kabila ng kanyang panunukso, maayos at magaan pa rin ang araw ko kasama siya, lalo na't ilang beses niyang pinuri ang niluto kong kaldereta. Halatang nagustuhan niya dahil sunod-sunod ang kanyang kuha at walang tigil sa pagkain bago niya naisipang umuwi.
Kinahapunan, napagdesisyunan kong umuwi muna dito sa Bicol para makasama ang pamilya ko, at para rin makapagpaalam sa kanila ng personal na magiging abala ako sa mga susunod na araw dahil sa shooting ng aming palabas sa Negros Occidental.
May ilang gamit din akong kailangang dalhin na tanging sa bahay namin lamang makukuha at bago ako umalis, kinausap ko si Gwenn para magbantay muna sa apartment ko ng dalawang gabi. Siya ang mag-aalaga kina Maggie at Hope, ang mga alaga kong aso, habang wala ako. Malapit siya sa mga iyon at kilala na rin siya ng dalawa kaya't kampante akong nasa mabuti silang mga kamay sa loob ng ilang araw.
Pagkababa ko sa terminal, agad kong naramdaman ang init na bumabalot sa paligid mula sa mga sasakyan na paroo't parito.
Napakaraming tao ang abala, ang iba'y masayang sinalubong ng kanilang mga pamilya. Ako naman, diretso sa tricycle, dala ang aking bag. Hindi ko rin kasi ipinaalam sa pamilya ko na uuwi ako. Biglaan ang aking desisyon, at sigurado akong magugulat sila dahil ilang buwan na rin kaming hindi nagkita.
Di nagtagal, nakarating na ako sa tapat ng bahay namin na malapit lang sa bayan. Hindi aabot ng sampung minuto ang biyahe mula sa terminal. Pagdating ko sa may gate, dahan-dahan ko itong itinulak. Alam kong ganitong oras-mga alas sais ng umaga-ay gising na sila, lalo na si Mama na mahilig maghanda ng almusal.
YOU ARE READING
Love In The Spotlight (BL)
FanfictionLawrence Flynn Harrison, an extra actor and model, never expected his small break would lead him to a role in a BL project-especially not alongside Ethan Faulkerson, the theater star and influencer he's secretly admired for years. As rehearsals unfo...