NAUNA SINA MAMA sa kuwarto nila habang kami ni kuya ay naiwan upang iligpit ang pinagkainan sa 'ming cottage. Tahimik lang ako habang iniipon ko yung mga tira-tirang pagkain para ipakain sa dalawang aso na nag-aabang. Si kuya naman ay inilagay na sa basket ang mga pinggan, mga kutsara at tinidor, t'saka ang mga baso.
"Bakit ang tahimik mo?"
"Ha? Wala lang. 'To naman, parang gago. 'Pag daldal ako nang daldal, naririndi ka. Pero 'pag tahimik ako, kinukuwestyon mo rin."
"Aba, ako pa ang gago? Hoy, iba yung nanahimik dahil ayaw niyang mag-ingay sa nananahimik dahil sa rami ng iniisip. May gusto ka bang sabihin?"
"Wala." Hindi ako halos makatingin at mas binilisan pa ang pagliligpit ng sobrang pagkain.
Bwisit! Parang mabibisto na ako!
"Sus. Kilala kita. Alam ko 'yang mukha mo 'pag nagsisinungaling ka. 'Yan na 'yan yung mukha no'ng humarap ka kay mama dahil ipapatawag siya ng adviser mo dahil nahuli ang buong klase n'yo na nandaya sa exam."
"Kuya naman, e." Naiiyak na ako. Ayokong umiyak sa harap niya.
"Tama ba ako?"
"Na ano?"
"Na may gusto kang sabihin?"
"Hindi...wala."
"Tristan."
"Kuya, meron akong gustong sabihin, pero ayokong masira 'tong gala natin," bunyag ko. Kilala ko si 'tong kapatid ko. Hindi talaga ako tatantanan 'pag di ko nagawa ang gusto niya.
"Masisira 'to, Tristan, kung hindi ka magsasalita."
"Kuya naman, e."
"Buntis ka ba?" seryosong tanong nito at biglang humagalpak ng tawa. "Hindi...biro lang. Ano ba?"
Napabuntong-hininga na lang ako at natawa nang kaunti. "Sige na. Hugasan na natin 'tong mga pinagkainan. Mauna ka na do'n. Papakainin ko muna ang aso."
Hindi na ako pinilit ni kuya at nauna na nga siya. Nang sundan ko siya ng tingin ay hindi ko mapigilan ang luha ko na bumuhos. Putanginang mata naman 'to, iyak nang iyak. Napatikhim na lang ako upang alisin ang kung anong bumibikig sa 'king lalamunan at saka tinawag ang dalawang aso.
Ibinaba ko ang dalawang paper plate na may tira-tirang pagkain at saka inilapag ito sa lupa. Agad naman itong nilantakan ng dalawang aspin. Hindi rin ako nagtagal pa sa cottage at sinundan na si kuya.
Naabutan ko siya na nakatayo sa harap ng lababo, inaalis yung mga sebo, sarsa, sabaw, at natirang butil ng kanin sa plato. Tumabi ako sa kaniya, inilabas ang aming dala na dishwashing paste na may kasamang sponge, at nagsimula nang sabunan lahat ng nilinis ni kuya.
"Kakausapin mo ba ako o hihintayin mong sina mama ang kakausap sa 'yo?"
"Kuya...ayoko ngang masira 'tong lakad natin. I-enjoy na lang natin, please."
"Mas masisira 'to kung hindi mo 'ko kakausapin. Tristan, kilala kita. Mababadtrip talaga ako 'pag di ka magsasalita. Naiinis na ako." Nag-iba na nga ang tono nito. "'Yung mga mata mo kanina na namumugto at pananahimik sa hapunan natin, hindi yun dahil sa nakakaiyak na video. Tristan—"
"Nakipag-break na sa 'kin si Jake."
"Ano?" Napatigil si kuya at napatingin sa 'kin. "Bakit?"
"Hindi ko rin alam. Basta ang sabi niya. Ayaw na raw niya."
"At hindi niya ito personal na sinabi sa 'yo? Kanina siya nakipaghiwalay?"
"Opo. Tumawag lang siya."
"Aba. Huwag na talaga siyang magpakita sa bahay kasi sasapakin ko yung mukha niya."
"Hayaan mo na yun, kuya."
"Hayaan?"
"I mean...huwag mo na sapakin, please. Hayaan mo lang ako na ayusin 'tong problema ko," giit ko.
Napabuntong-hininga si kuya. "Hindi ko alam kung anong nangyayari sa inyo kasi relasyon n'yo 'yan at ayoko ring manghimasok. Pero maling-mali na nakipaghiwalay siya sa 'yo sa tawag lang. Mahahalata na hindi ka niya nirerespeto bilang jowa niya o tao man lang. 'Yan yung nagpapatunay na hindi siya para sa 'yo. Masakit 'yan. Naranasan ko na 'yan noon. Pero mapapagtanto mo rin balang-araw na may rason din kung bakit kayo naghiwalay. Marahil ay para ilayo ka sa taong sisira sa kasiyahan at buhay mo, o kaya ay may ibang tao talaga na nakalaan para sa 'yo na hindi magpaparamdam nang ganito sa 'yo."
Hindi ko na napigilan pa ang sarili at bumuhos na ang luha ko. Nabasag na ang boses ko nang humagulhol ako sa harap ni kuya. Binitawan ko na ang sponge at saka niyakap siya nang mahigpit. Yumakap din siya pabalik at marahang hinaplos ang likod ko. Wala siyang inusal na salita.
Hinayaan niya lang ako na umiyak. Ibinuhos ko ang lahat ng bigat sa dibdib ko at hindi ko alam kung gaano kami katagal na nagyakapan sa harap ng lababo. Makalipas ang ilang minuto ay naubos na rin ang luha ko at kumalma na rin. Bumitiw na ako sa pagkakayakap at saka hinarap na ang mga kailangan kong sabunan.
"Okay ka na?" Tumango-tango ako at hindi na nag-abala pang tignan siya.
"Nandito lang ako para sa 'yo. Kahit nasa malayo na ako, huwag kang magdalawang-isip na mag-message o tumawag kung kailangan mo ng kausap, ha?"
"Opo."
"Sige na. Habang nandito pa ako. I-enjoy natin 'tong gala at kalimutan natin yung bobong Jake na 'yun."
Napangiti ako. "Opo. Pero kuys...huwag mo muna sabihin kila mama ha?"
"Sige. Pero sabihin mo sa kanila pag-uwi natin."
"Opo."
"At dahil broken-hearted ka. Habang nandito tayo at nagbabakasyon. May plano ako."
"Ano 'yan?" Napakunot ang noo ko.
"Basta." Ngumisi ito, halatang may kalokohan na namang iniisip. "Sige na. Bilisan mo na 'yan."
•••
ITO ANG KAUNA-UNAHANG pagkakataon na sabay kaming naghugas pinggan ni kuya. Matagal-tagal din kaming natapos dahil kung saan-saan na lang napunta ang usapan namin. Hindi ko alam na gano'n pala ka "marites" yung kapatid ko. Ang dami niyang alam! Tapos may mga tsismis pa ako na tinatama niya kasi mas reliable daw source niya.
Sabi pa nga niya, first-hand information daw ang meron siya. Tawa lang kami nang tawa. Kahit papano ay nakalimutan ko saglit si Jake. Nang matapos ay dinala na namin ang mga gamit at saka bumalik na kami sa kuwarto namin na katabi lang din kila mama.
"Lalabas tayo. Maliligo ka ba o magbibihis lang?" tanong ni kuya habang kumukuha ng tuwalya.
"Magbibihis lang ako. Tinatamad akong maligo," sagot ko at diretsong humiga sa kama ko.
"Nangangamoy kana. Hindi puwedeng magbibihis ka lang."
"At nagtanong ka pa talaga."
"Maligo ka. Baka makikilala mo mamaya ang future boyfriend mo."
"Luh. Ano 'to? Isang oras lang makaka-move on na kaagad ako?"
"Wala nang three-month rule ngayon. Wala nang move on. Lumandi kana. Life is short para magdrama."
"Sumbong kita kay ate talaga. Ganiyan pala mindset mo, ha."
"Samahan pa kita." Tumawa ito at saka dumiretso na sa banyo.
Habang naliligo si kuya ay naghanda na rin ako ng damit na susuotin. Simpleng itim na shirt lang na may minimalist na design, jeans, at saka ang paborito kong pulang sapatos na high-cut. Gusto ko na sanang matulog kasi lugmok na lugmok ako pero ayoko ring tanggihan si kuya. Minsan lang kaming gumagala na magkasama at matagal-tagal rin siguro itong masusundan kung aalis na siya, kaya kailangan ko siyang samahan sa mga trip niya ngayon.
Nang matapos si kuya ay ako naman ang pumalit at dali-daling naligo. Habang nagsa-shower ay hindi ko rin mapigilan ang sarili ko na umiyak. Nag-drama talaga ako habang bumubuhos yung tubig sa katawan ko. Pero natigil din ako nang sumigaw si kuya mula sa labas at hinampas ang pinto ng banyo.
"Hoy! Bilisan mo diyan. Hindi 'to music video para mag emote ka diyan. Iyakan mo pa yung lalaking yun at babasagin ko talaga ang mukha niya."
BINABASA MO ANG
the second time around
RomanceAfter a devastating heartbreak, Tristan never expected to cross paths with his first love from high school again. As sparks reignite, he's willing to risk everything for a second chance. But will rekindling old flames lead to a brighter future or wi...