Si Tatay, Kuya, at Ako

60.1K 200 12
                                    

Si Tatay, Kuya, at Ako


                                                                                               

Ako si Tao. Hindi ta-o,kundi taw ang bigkas sa ngalan ko. Sabi nila ito raw ay nangangahulugang mansanas sa salitang Vietnamese. Hindi ko alam kung totoo, hindi ko naman madalas makausap si Tatay. Ang madalas ko lamang makausap ay ang mga tagapagsilbi niya. Bihira ko lang rin makita si Tatay, hindi kasi siya madalas lumalabas sa kanyang silid. Sabi ng mga tagapagsilbi, abala raw siya sa dami ng kanyang trabaho. Sa tingin ko, wala lang talaga siyang pakialam sa akin. Si Kuya naman madalas ko makasalamuha. Mabait siya sa akin, at maging sa aming mga tagapagsilbi. Kaya lang kakaiba si Kuya. Sa sobrang bait niya, lahat na lang ng mali ko ay napupuna niya. Halos araw-araw napagsasabihan niya ako. Sabi niya gusto raw niya ako maging mabuti. Hindi ko talaga siya maintindihan. Minsan tuloy, umiiwas na lang ako sa kanya.

Kung iisipin, maginhawa naman ang aming pamumuhay. Ang lahat ay ibinibigay ni Tatay. Maganda at malinis ang aming bahay, at kumpleto rin sa mga kasangkapan. Mayroong hardin si Tatay. Dito kami nagtatanim at pumipitas ng mga gulay at prutas na ihinahain sa aming hapagkainan. Mahilig din si Tatay mag-alaga ng mga hayop gaya ng manok, baboy, at kalabaw. Mayroon din siyang maliit na sapa kung saan siya nag-aalaga ng iba't ibang uri ng isda.

Mapayapa ang lahat sa poder ni Tatay. Lahat kami ay kuntento na sa aming kalagayan. Maliban sa isa. Siya si Lucio, isa sa mga tagapagsilbi ni Tatay. Sa pagkakaalam ko, si Lucio ay isa sa mga paboritong tagapagsilbi ni Tatay. Matagal na kasi itong naninilbihan sa kanya. Kaya nga malaki ang tiwala sa kanya ni Tatay. Si Lucio ang inatasan niya na mamuno sa mga tagapagsilbi. Siya rin ang tagapagsindi ng ilaw sa buong bakuran gabi-gabi. Naniniwala ako na talagang malapit sa puso ni Tatay si Lucio. Nakakalungkot talaga, kasi nagawa niyang talikuran si Tatay.

Naaalala ko pa ang gabing iyon. Habang kumakain kami ni Kuya, biglang lumabas sa kanyang silid si Tatay. Natuwa ako kasi minsan lang siya lumabas. Akala ko sasaluhan niya kaming kumain, pero hindi pala. Noong araw na iyon ko lang nakita si Tatay magalit. Lumabas siya ng bahay. Nag-alala kami ni Kuya kaya sinundan namin siya sa labas. Labis akong nagulat sa aking nasaksihan sa labas ng bahay. Naroon si Lucio, kasama ng iba pang mga tagapagsilbi. May dala silang mga armas at nakapalibot sila sa buong bakuran. Galit na galit si Lucio, ang sabi niya ayaw na raw niyang pagsilbihan si Tatay. Ang nais niya ay siya na ang mamuno sa lahat ng pag-aari ni Tatay dahil ayon sa kanya, higit siyang magaling at nararapat. Nagkaroon ng malaking kaguluhan, at naglaban ang mga natitirang tagapagsilbi ni Tatay at ang mga tagasunod ni Lucio. Ngunit si Tatay ay malakas at matalino, kung kaya't hindi nagtagal ay napaalis niya sina Lucio. Simula noon ay hindi ko na muling nakita si Lucio, gayundin ang kanyang mga tagasunod.

Ilang taon na rin ang lumipas matapos ang kaguluhan. Si Tatay at ako ay nagkaroon ng maraming hindi pagkakasunduan. Unti-unti ay lumayo ang loob ko sa kanya, ganoon din kay Kuya dahil madalas niyang pinapanigan si Tatay. Ang daming batas sa poder ni Tatay, hindi ko naman naiintindihan kung bakit niya ito ipanapatupad. Sabi ni Kuya para raw ito sa aking ikabubuti, pero nasasakal na ako. Ang gusto ko ay maging malaya na.

Isang araw, napadpad ako sa hardin ni Tatay. Nais ko kasi mapag-isa at makapag-isip. Nagulat ako ng biglang may lumitaw sa aking harapan. Si Lucio. Magara ang kanyang kasuotan, at makikintab ang kanyang mga gintong palamuti. Sabi niya wag daw ako magsusumbong kay Tatay na naparito siya. Wala naman daw siyang balak na masama, nais lang niya akong makausap. Bilang patunay pa nga ng kanyang malinis na intensyon, binigyan yan niya ako ng isang mapulang mansanas. Sabi niya matamis daw ito. Nagdalawang-isip nga ako kung kakainin ko ang mansanas. Ang bilin kasi ni Tatay, huwag daw kami kakain ng mga pagkaing nagmula sa labas ng aming bakuran. Mayroon daw kasing kumakalat na epidemya ng mga panahong iyon, kaya hindi ligtas kainin ang mga pagkaing nagmula sa labas. Ganunpaman ay kinagat ko ang mansanas. Tama nga si Lucio, napakatamis nito. Wala namang nangyari sa aking masama matapos ko itong lunukin. Nagkamustahan kami ni Lucio, at napag-alaman kong marami na rin siyang pag-aari ngayon. Maalwan ang kanyang pamumuhay at dumami ang kanyang tagapagsilbi. Naikwento ko rin sa kanya ang madalas naming pagtatalo ni Tatay at ni Kuya. Sabi niya ganoon daw talaga noon pa si Tatay at Kuya, sila lagi ang nasusunod. Hindi na nagpaabot ng gabi sa amin si Lucio at umalis na agad dahil ayaw daw niya makaharap si Tatay.

Si Tatay, Kuya, at AkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon